Biyernes, Enero 19, 2024

ANG KAHALAGAHAN NG PANANATILING TAPAT SA DIYOS

26 Enero 2024 
Paggunita kina San Timoteo at San Tito, mga obispo
2 Timoteo 1, 1-8 (o kaya: Tito 1, 1-5)/Salmo 95/Marcos 4, 26-34 

SCREENSHOT: #QuiapoChurch Official • 4AM #OnlineMass • 19 JAN 2024 • FRIDAY of the 2nd Week in Ordinary Time (Facebook and YouTube)


Dalawang obispo ng sinaunang Simbahan ay ginugunita ng Simbahan sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno. Maraming mga sinaunang Kristiyano ay nakaranas, humarap, at nagtiis ng mga matitinding pag-uusig sa kamay ng iba't ibang mga autoridad dahil ipinasiya nilang maging bahagi ng tunay na Simbahan at manatiling tapat sa Poong Jesus Nazareno na taos-puso nilang pinanaligan at sinampalatayanan. Ang dalawang obispong ito ay dalawang tagasunod at kasama ni Apostol San Pablo na walang iba kundi sina San Timoteo at San Tito. 

Tampok sa Unang Pagbasa at sa alternatibong Unang Pagbasa ang payo, pakiusap, at bilin ni Apostol San Pablo para kina San Timoteo at San Tito. Isa lamang ang payo, pakiusap, at bilin ni Apostol San Pablo na isinalungguhit sa Unang Pagbasa at pati na rin sa alternatibong Unang Pagbasa. Manatiling tapat kay Kristo. Kahit napakahirap dahil sa iba't ibang mga tukso, pagsubok, at maging ang mga pag-uusig sa buhay sa mundong ito, bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Panginoong Jesus Nazareno, dapat manatili tayong tapat sa Kaniya. Ang tagubilin at pakiusap na ito ay hindi lamang para kina San Timoteo at San Tito. Para rin ito sa lahat na bumubuo sa Simbahan hanggang sa kasalukuyang panahon.

Inilarawan sa Salmong Tugunan ang dahilan kung bakit napakahalaga para sa atin na manatiling tapat sa pananalig at pananampalataya sa Panginoong Diyos hanggang sa huli. Sabi ng mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Sa lahat ay pinahayag gawa ng Poong nagligtas" (Salmo 95, 3). Ang lahat ng mga kahanga-hangang gawa ng Diyos ay ating pinatotohanan sa pamamagitan ng ating katapatan sa Diyos. Pinatutunayan natin ang ating taos-pusong pananalig at pananampalataya sa Panginoong Diyos na tunay ngang makapangyarihan at dakila sa pamamagitan ng ating katapatan. 

Sa Ebanghelyo, itinuro ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng dalawang talinghaga ang kahalagahan ng paglago ng pananampalataya. Kapag ang ating pananalig at pananampalataya sa Diyos ay pinahintulutan nating lumago, ang kadakilaan ng kaharian ng Diyos ay mahahayag sa pamamagitan natin. Isasalamin natin ang kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan ng ating katapatan. 

Bakit tayo dapat manatiling tapat sa Panginoon? Ito ay dahil mahahayag natin sa pamamagitan ng ating katapatan sa Diyos ang Kaniyang kadakilaan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento