Huwebes, Enero 25, 2024

IPAKILALA SIYA SA LAHAT

1 Pebrero 2024 
Ika-36 na Anibersaryo ng Pagpasinaya at Pagtatalaga sa Simbahan ng Quiapo (Parokya ni San Juan Bautista) bilang Basilika Menor ng Nazareno  
Huwebes ng Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Hari 2, 1-4. 10-12/1 Mga Cronica 29/Marcos 6, 7-13 




"D'yos na Makapangyarihan, Panginoon Ka ng tanan" (1 Mga Cronica 29, 12b). Sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan para sa araw na ito nakasentro ang mga Pagbasa para sa araw na ito, lalung-lalo na ang Ebanghelyo para sa araw na ito. Ang temang ito na nais pagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa para sa araw na ito ay napapanahon dahil ang araw na ito ay inilaan para sa Ika-36 na Anibersaryo ng Pagpasinaya at Pagtatalaga sa Simbahan ng Quiapo (Parokya ni San Juan Bautista) bilang Basilika Menor ng Poong Jesus Nazareno. Katunayan, ang makasaysayang Simbahang ito ay binigyan ng isa pang titulo, bukod sa mga titulong Basilika Menor ni Jesus Nazareno at Parokya ni San Juan Bautista. Ang titulong Pambansang Dambana ni Jesus Nazareno ay iginawad na rin sa makasaysayang Simbahang ito. Dahil dito, ang Simbahan ng Quiapo ay kilala bilang isang basilika, dambana, at parokya - Basilika Menor at Pambansang Dambana ni Jesus Nazareno at Parokya ni San Juan Bautista. 

Ano nga ba ang layunin ng mga titulong ito ng makasaysayang Simbahan ng Quiapo? Isa lamang ang layunin ng mga titulong ito - ipakilala sa lahat ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Katunayan, ang mga titulong ito ay mga paalala para sa lahat kung bakit ang makasaysayang Simbahan ng Quiapo ay itinayo, itinatag, at itinalaga - upang ang Poong Jesus Nazareno ay makatagpo natin sa banal na lugar na ito. Banal ang lugar na ito dahil sa tunay na presensya ng Poong Jesus Nazareno sa Banal na Sakramento. Ito ang bukod tanging dahilan kung bakit banal ang lugar na ito at wala nang iba. Dahil sa tunay na presensya ni Jesus Nazareno, banal ang lugar na ito. 

Subalit, tayong lahat ay pinaalalahanan na mayroon rin tayong tungkulin. Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa para sa araw na ito na mayroon tayong misyon bilang Simbahan. Hindi lamang mga gusali Simbahan. Bagkus, tayong mga Katoliko ang siyang bumubuo sa tunay na Simbahan. Ang mga gusaling itinalaga bilang mga bahay-dalanginan gaya na lamang ng makasaysayang Simbahan ng Quiapo ay mga sagisag at paalala ng ating misyon bilang Simbahan. Mayroon tayong misyon na ipakilala sa lahat ang Poong Jesus Nazareno. Katulad nina Haring David at Haring Solomon sa Unang Pagbasa at ng mga apostol sa Ebanghelyo, mayroon tayong misyon bilang Simbahan na ipakilala ang Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. 

Bilang mga Katolikong deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang Siya mismo ang nagtatag, tayong lahat ay mayroong isang misyon na kailangan nating tuparin sa bawat sandali ng ating buhay. Ang misyong ito ay tunay ngang napakahalaga sapagkat ito ang magpapatunay ng ating katapatan sa ating debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ipakilala Siya sa lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento