2 Pebrero 2024
Kapistahan ng Pagdadala kay Jesus Nazareno na Panginoon sa Templo
Malakias 3, 1-4/Salmo 23/Hebreo 2, 14-18/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22-32)
This faithful reproduction of the painting (c. 1530) Presentation of Jesus at the Temple by Gregório Lopes (1490–1550), Patriarchate of Lisbon, as well as the actual work of art itself from the Bens Culturais da Igreja, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States of America, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
"D'yos na makapangyariha'y dakilang hari kailanman" (Salmo 23, 10b). Napakalinaw kung ano ang nais isalungguhit sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan para sa araw na ito. Buong linaw na isinasalungguhit at binibigyan ng diin ng mga salitang ito na binigkas ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan na ang tunay na Hari ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Subalit, sa araw na ito, ang Diyos ay hindi lamang ipinapakilala sa ating lahat bilang tunay at walang hanggang Hari. Bukod sa pagiging tunay at walang hanggang Hari, ang Diyos rin ay ang tunay na liwanag. May malalim na ugnayan ang dalawang katangiang ito ng Diyos.
Ang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay nakasentro sa isang katangian ng Diyos bilang tunay na liwanag. Hindi lamang sa Kaniya nagmumula ang tunay na liwanag. Bagkus, Siya mismo ay ang tunay na liwanag. Kapag pumanig tayo sa Kaniya nang taos-puso at nang buong katapatan, namumuhay tayo sa ilalim ng Kaniyang liwanag. Pinapawi ng Diyos ang lahat ng uri ng kadiliman. Wala na tayong dapat ikatakot dahil ang Diyos mismo ay ang ating kaliwanagan.
Hindi magkahiwalay ang pagiging tunay at walang hanggang Hari ng Panginoon at ang Kaniyang pagiging tunay na liwanag. Bagkus, magkaugnay ito. Mayroong isang malalim na ugnayan ang pagkahari at ang pagiging tunay na liwanag ng Panginoong Diyos. Ang ugnayang ito ang siyang pinagtutuunan ng pansin at pinagninilayan nang buong kataimtiman ng Simbahan sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito na siya namang pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa.
Sa Unang Pagbasa, inilahad ni Propeta Malakias ang pangako ng Panginoong Diyos para sa Kaniyang bayan. Ang Panginoong Diyos ay darating bilang tunay na liwanag upang pawiin ang dilim. Papawiin ng tunay na kaliwanagan na walang iba kundi ang Diyos ang lahat ng uri ng kadiliman, lalung-lalo na ang kadiliman sa puso, isipan, at kaluluwa ng Kaniyang bayan. Ito ang ibig sabihin nang ihalintulad sa pagdalisay ng apoy sa bakal ang Kaniyang pagdating (Malakias 3, 2). Sa Ikalawang Pagbasa, buong linaw na inilarawan ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo ang tanging dahilan kung bakit ito ipinasiya gawin ng Diyos. Nais ng Panginoong Diyos na palayain tayong lahat mula sa kasalanan (Hebreo 2, 15). Kaya, ipinasiya Niya itong gawin sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagdadala ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at ni San Jose kay Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol, sa Templo upang ihandog sa Diyos. Habang naroon sila sa Templo, kinalong Siya ni Simeon at kinilala bilang tunay na liwanag na maghahatid ng kaligtasan sa lahat, gaya ng kaniyang inilarawan sa kaniyang awit-papuri (Lucas 2, 32).
Tayong lahat ay tunay na mapalad sapagkat ang tunay na liwanag ay ang tunay at walang hanggang Hari. Siya'y walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento