Biyernes, Enero 5, 2024

BIYAYANG INIBIG NIYANG IPAGKALOOB

8 Enero 2024 
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno [B] 
Ikasiyam na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno 
Isaias 55, 1-11 (o kaya: 42, 1-4. 6-7)/Isaias 12 (o kaya: Salmo 28)/1 Juan 5, 1-9 (o kaya: Mga Gawa 10, 34-38)/Marcos 1, 7-11 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1630/1635) The Baptism of Christ, attributed to Emilio Savonanzi (1580–1660), as well as the actual work of art itself from the Museum of Fine Arts of Lyon, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States of America, due to its age. 


Ang pagdiriwang para sa araw na ito sa Kalendaryo ng Simbahan ay nakasentro sa kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Bukod sa pandaigdigang pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito na nakasentro sa kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo, ang araw na ito ay siya ring Ikasiyam at Huling Araw ng Pagsisiyam o Nobenaryo sa karangalan ng Panginoong Hesukristong nagpasan ng Banal na Krus mula sa Herusalem patungong Kalbaryo sa ilalim ng Kaniyang titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno. Katunayan, ang Bisperas ng Kapistahan ng Poong Jesus Nazareno ay tumapat sa araw na ito sa kasalukuyang taon, 2024. 

Sa araw na ito, nakasentro ang pagdiriwang ng Simbahan sa muling pagpapakilala sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Pagkaahon ni Jesus Nazareno mula sa tubig ng Ilog Jordan matapos Siyang binyagan ng Kaniyang kamag-anak na si San Juan Bautista, bumaba sa Kaniya ang Espiritu Santo sa anyo ng kalapati at nagsalita mula sa langit ang Ama. Ipinakilala sa lahat sa sandaling ito ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Gaya ng nasasaad sa salaysay ng Pagbibinyag kay Jesus Nazareno sa Ebanghelyo, ang Bugtong na Anak ng Diyos na lubos na iniibig at kinalulugdan ng Amang nasa langit ay dumating upang iligtas ang sangkatauhan (Marcos 1, 11). 

Bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ang pangunahing misyon at tungkulin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay magpakasakit at mamatay sa Krus na Banal alang-alang sa tanan. Sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay, ang sangkatauhan ay Kaniyang ililigtas. Ito ang inilalarawan ng mga imahen ni Kristo sa ilalim ng Kaniyang titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno. Ang mabigat na kahoy na Krus ay pasan-pasan pa rin ni Kristo, bagamat nahihirapan at nagdurusa Siya nang labis-labis sa mga sandaling yaon. Kahit na ilang ulit na nasubasob ang Panginoong Jesus Nazareno dahil sa bigat ng Krus, ipinasiya pa rin Niyang tumayo at ipagpatuloy ang pagpasan ng Krus hanggang sa Kaniyang marating ang bundok ng Kalbaryo kung saan namatay Siya bilang handog alang-alang sa atin. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa, Salmong Tugunan, at Ikalawang Pagbasa kung bakit niloob ng Diyos na ipagkaloob ang Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno bilang hain para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa Unang Pagbasa, inanyayahan ng Panginoong Diyos ang lahat na lumapit sa Kaniya upang makinabahagi sa Kaniyang kabutihan. Nais Niyang ibahagi sa lahat ang Kaniyang kabutihan. Dagdag pa Niya sa wakas ng Kaniyang pahayag na inilahad ni Propeta Isaias sa lahat sa Unang Pagbasa: "Ganyan din ang Aking mga salita. Magaganap nito ang lahat Kong nasa" (Isaias 55, 11). Ang kabutihang-loob na ito ng Panginoong Diyos ay pinagtuunan rin ng pansin sa Salmong Tugunan na hango sa aklat ni Propeta Isaias. Malinaw na inilarawan kung paanong naging mabuti ang Diyos sa lahat. Nakasentro sa pinakadakilang gawa ng Diyos na sumasalamin sa dakila Niyang kabutihang-loob para sa lahat ang pangaral ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa. Dahil sa kabutihang-loob na ito ng Diyos, ipinasiya ng Diyos na ipagkaloob ang Kaniyang Bugtong na Anak bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na magliligtas sa sangkatauhan. Sa pamamagitan nito, ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos, ang Kaniyang pinakadakilang biyaya, ay dumating sa daigdig. Kahit hindi naman Niya kinailangang gawin iyon, ipinasiya pa rin ng Diyos na gawin iyon dahil sa Kaniyang kabutihang-loob. 

Dahil sa kabutihang-loob ng Diyos, ipinagkaloob Niya sa atin ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kahit batid Niya kung gaano katindi at kasakit ang hirap, sakit, pagdurusa, at kamatayang kailangan Niyang harapin, tiisin, at batain bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, hindi ipinagdamot ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang buo Niyang sarili sa atin. Bagkus, buong kababaang-loob Niyang tinanggap at tinupad ang misyong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas, kahit na ang katumbas nito ay ang sarili Niyang buhay. Hindi rin Niya ito ginawa nang sapilitan. Ginawa Niya ito nang kusang-loob. 

Huwag nawa nating kalimutan ang bukod tanging dahilan kung bakit inilalarawan ng mga imahen ng Panginoong Hesukristo sa ilalim ng Kaniyang titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno. Inilalarawan ng lahat ng mga imahen ni Hesus sa ilalim ng Kaniyang titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno kung gaano kabuti sa atin ang Diyos. Dahil sa kabutihan ng Diyos, ipinagkaloob Niya sa atin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na Bugtong Niyang Anak upang iligtas tayo. Inibig ng Diyos na iligtas tayo. Kaya naman, dumating Siya sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng tanan sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na Kaniyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

VIVA POONG JESUS NAZARENO! 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento