12 Enero 2024
Biyernes ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Samuel 8, 4-7. 10-22a/Salmo 88/Marcos 2, 1-12
SCREENSHOT: 08 January 2024 (Monday) 10PM #FiestaMass #NuestroPadreJesusNazareno #QuiapoChurch #Nazareno2024 (Facebook and YouTube)
"Pag-ibig Mong walang maliw ay lagi kong sasambitin" (Salmo 88, 2a). Nakasentro sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan ng Simbahan para sa taimtim na debosyon kay Kristo sa ilalim ng Kaniyang titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno. Muling ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na isinasalamin ng mga dakilang gawa ng Diyos na tunay nga namang kahanga-hanga ang Kaniyang kabutihan at pag-ibig. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang pinakadakilang larawan at tanda ng dakilang pag-ibig at kabutihan ng Diyos para sa atin. Dahil sa dakilang pag-ibig at kabutihan ng Diyos, ipinasiya Niya tayong iligtas sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno.
Sa Unang Pagbasa, inilarawan kung paanong binigyan ng Panginoong Diyos ng isang hari ang bayang Israel. Dahil sa Kaniyang kabutihan at pag-ibig, kahit napakasakit ito para sa Panginoong Diyos, ipinasiya pa rin Niya itong gawin. Pinahintulutan ng Diyos na magkaroon ng isang hari ang bayang Israel, kahit labag ito sa Kaniyang kalooban, dahil sa Kaniyang pag-ibig at kabutihan. Bagamat alam ng Panginoong Diyos na may mga haring nagiging tiwali habang tumatagal, hindi Niya pinilit ang Kaniyang nais sa Kaniyang bayan. Kahit napakasakit ito para sa Kaniya dahil tunay Niyang iniibig ang bayang Kaniyang hirang, ginalang pa rin ng Diyos ang kanilang pasiya at pinagbigyan ito. Sa Ebanghelyo, pinagaling ng Diyos na nagkatawang-tao na walang iba kundi si Jesus Nazareno ang isang paralitiko. Ipinakita ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa paralitikong ito ang Kaniyang pag-ibig at kabutihan. Dahil sa Kaniyang pag-ibig at kabutihan, pinagaling ng Poong Jesus Nazareno ang paralitiko.
Mapalad tayo sapagkat mayroon tayong Haring mapagmahal at mabuti. Kahit na batid Niya kung ano ang mas nakabubuti sa atin, pinagkakalooban pa rin Niya tayo ng kakayahan at kapangyarihang magpasiya para sa ating mga sarili. Hindi Niya ipipilit ang Kaniyang kalooban sa atin sapagkat hindi Siya katulad ng mga diktador na uhaw sa kapangyarihan at kayamanang kaakibat ng kanilang posisyon. Ang Haring ito ay walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang tunay na Diyos, Panginoon, Hari, at Manunubos na walang hanggan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento