21 Enero 2024
Kapistahan ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol [B]
Isaias 9, 1-6/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 15-18/Marcos 10, 13-16
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1635 and 1640) The Infant Christ by Francisco de Zurbaran (1598 - 1664), as well as the actual work of art itself from the Pushkin Museum of Fine Arts, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1664. This work is in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.
"Kahit saa'y namamalas tagumpay ng Nagliligtas" (Salmo 97, 3k). Inilarawan ng mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan ang tema ng Kapistahang ipinagdiriwang nang buong ringal ng Simbahan sa Pilipinas sa Linggong ito. Ang Ikatlong Linggo ng Enero ay inilaan ng Simbahan para sa taunang pagdiriwang ng Kapistahan ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol, na mas kilala ng lahat bilang Santo Niño. Sa mga Simbahan sa Pilipinas lamang ipinagdiriwang ang Kapistahang ito taun-taon sa tuwing sasapit ang Ikatlong Linggo ng buwan ng Enero.
Ang mga imahen ng Panginoong Jesus Nazareno sa ilalim ng titulong Santo Niño ay sumasagisag sa pagligtas ng Diyos sa tanan. Katulad ng mga imahen ng Nazareno na naglalarawan sa pagpapakasakit ni Kristo, inilalarawan ng mga imahen ng Batang si Kristo sa ilalim ng titulong Santo Niño kung paanong ang buong sangkatauhan ay iniligtas ng Diyos. Hindi Siya dumating agad taglay ang buo Niyang kapangyarihan bilang Diyos. Bagkus, ipinasiya ng Diyos na yakapin at tanggapin ang ating pagkatao, maliban sa kasalanan, nang buong kababaang-loob sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno. Hinarap ni Jesus Nazareno nang buong kababaang-loob ang bawat yugto ng buhay ng bawat tao upang taos-puso Niyang maipahayag ang Kaniyang pagyakap, pagtanggap, at pag-ako sa buo nating pagkatao, maliban sa kasalanan, upang tayong lahat ay Kaniyang mailigtas.
Nakasentro sa biyaya ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan na ipinagkaloob Niya sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol na tiyak na mas kilala ng maraming mga Katolikong Pilipino sa tawag na Santo Niño, ang mga Pagbasa para sa Linggong ito na inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Pistang ito sa karangalan ng Panginoong Jesus Nazareno sa ilalim ng titulong Santo Niño. Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang pinakadakilang biyayang ipagkakaloob ng Diyos sa lahat ng mga tao. Ang pinakadakilang biyayang kaloob ng Diyos sa lahat ng mga tao ay walang iba kundi ang sanggol na lalaki sa propesiyang inilahad sa Unang Pagbasa. Katunayan, hindi lamang ito isang propesiya kundi isang pangako mula sa Diyos. Sa pamamagitan ng propesiyang ito ng propetang Kaniyang hirang na si Propeta Isaias na inilahad at itinampok sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nagbitiw ng isang pangako sa lahat ng mga tao. Hindi nakalimot ang Diyos sa pangakong ito na binitiwan Niya sa pamamagitan ni Propeta Isaias. Ang pangakong ito ay Kaniyang tinupad sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa isang sabsaban sa Betlehem noong gabi ng unang Pasko.
Isang patotoo tungkol sa dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na ipagkaloob sa lahat ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ang Santo Niño, ay ibinahagi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa pangaral na ito na isa ring patotoo, buong linaw na inihayag ni Apostol San Pablo ang tanging dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno. Ang pag-ibig ng Diyos ay ang bukod-tanging dahilan kung bakit ipinasiya Niyang ipagkaloob sa atin ang buo Niyang sarili upang tayong lahat ay Kaniyang mailigtas sa pamamagitan ni Jesus Nazareno. Katunayan, isa itong pahiwatig ng Kaniyang kalooban at naisin para sa atin. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, niloob Niyang italaga tayong lahat bilang Kaniyang mga anak na tunay nga Niyang iniibig at kinakalinga sa pamamagitan rin ni Jesus Nazareno (Efeso 1, 5). Upang mangyari ito, niyakap, tinanggap, inako, at hinarap ng Diyos ang bawat yugto ng buhay ng bawat tao sa mundong ito nang hindi nagkakasala kailanman sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak na si Kristo.
Sa Ebanghelyo, pinagsabihan ng Poong Jesus Nazareno ang mga apostol sapagkat buong higpit nilang pinagbawalan ang mga bata na lumapit sa Kaniya. Inihayag rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng mga salitang ito na bukas sa lahat ang Diyos. Ang Diyos ay hindi ekslusibo sa isang grupo ng mga tao, sa isang lipi, wika, bayan, at bansa. Bagkus, ang Diyos ay para sa lahat, anumang lahi, lipi, bayan, o bansang kinabibilangan, bata man o matanda. Laging ibinabahagi at ibinubuhos ng Diyos sa lahat ng mga tao ang Kaniyang biyaya. Hindi ipagkakait ng Diyos mula sa sinuman ang Kaniyang biyaya dahil sa lahi, lipi, bayan, bansa, o grupong kaniyang kinabibilangan. Patunay lamang ito na ang Diyos ay Diyos ng lahat.
Tunay nga tayong mapalad sapagkat ang Panginoong Diyos ay tunay ngang mabuti at mapagmahal sa ating lahat, kahit na hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating mga kasalanang hindi na mabilang. Ang patunay nito ay walang iba kundi ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno, ang Santo Niño.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento