Sabado, Enero 27, 2024

HINDI NIYA KINAILANGANG GAWIN IYON

4 Pebrero 2024
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Job 7, 1-4. 6-7/Salmo 146/1 Corinto 9, 16-19. 22-23/Marcos 1, 29-39 

SCREENSHOT: Quiapo Church Livestream (Facebook Live and YouTube)

"Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Mabuting Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito" (1 Corinto 9, 23). Sa mga salitang ito na buong pananalig na binigkas ni Apostol San Pablo sa wakas ng Ikalawang Pagbasa nakasentro ang mga Pagbasa para sa Linggong ito. Gaya ng kaniyang binigkas sa Ikalawang Pagbasa: "Sa aba ko, kung hindi ko ipangaral ang Mabuting Balita!" (1 Corinto 9, 16). Iyon ang prinsipyong pinaninindigan ni Apostol San Pablo at ng buong Simbahan. Alang-alang kay Kristo at sa Mabuting Balita, ang mga apostol gaya ni Apostol San Pablo at ang buong Simbahan ay laging handang gawin ang lahat upang ipalaganap ang Banal na Ebanghelyo (Mabuting Balita) at ipakilala si Kristo. Sa pamamagitan nito, inihayag ni Apostol San Pablo, mga kapwa niyang apostol, at ng buong Simbahan ang kanilang taos-pusong katapatan sa Poong Jesus Nazareno. 

Inilarawan ni Job sa Unang Pagbasa ang hirap ng buhay ng bawat tao. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay makulay at maganda ang buhay. Mayroong mga sandali sa buhay kung kailan ang bawat tao ay nakakaranas ng iba't ibang mga tiisin sa buhay. Ito ay bahagi ng buhay ng bawat tao. Hindi natin matatakasan ang katotohanang ito, kahit ano pa'ng gawin natin. Bahagi ng buhay ng bawat tao ang mga hirap, sakit, lungkot, dalamhati, pagsubok, hapis, at pagdurusa. Kahit ano pa'ng gawin nating pag-iiwas sa mga ito, mayroon pa rin tayong haharaping pagsubok. Sa totoo lamang, baka nga tayong lahat ay mayroong pinagdadaanan sa kasalukuyan. Oo, umiiwas tayo, subalit hindi tayo ligtas mula sa mga tukso, pagsubok, hirap, sakit, lungkot, at dalamhati. 

Ang salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito ay nakatuon sa mga pagpapagaling na isinagawa ng Poong Jesus Nazareno. Sa unang bahagi ng salaysay sa Ebanghelyo, pinagaling ng Poong Jesus Nazareno ang biyenan ni Apostol San Pedro. Matapos ito, ipinagpatuloy ng Panginoong Jesus Nazareno ang pagpapagaling sa iba't ibang mga tao, anuman ang kanilang karamdaman at sakit, gaya na lamang ng mga sinasapian ng mga masasamang espiritu. Hindi na inisa-isa ni San Marcos ang lahat ng mga karamdaman at sakit na pinagaling ng Panginoong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, tinupad ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang mga salita ng tampok na mang-aawit na inilahad sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Panginoon ay purihin, Siya ay nagpapagaling" (Salmo 146, 3a). Anuman ang sakit at karamdaman ng bawat tao sa Ebanghelyo, pinagaling ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Marahil maitatanong natin kung ano naman ang ugnayan ng mga pagpapagaling na isinagawa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo sa lahat ng mga hirap, sakit, tiisin, at pagsubok sa buhay. Subalit, huwag nating kakalimutang naging tao rin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang Kaniyang mga isinagawang pagpapagaling na inilahad sa Ebanghelyo ay hindi lamang isang pagpapamalas ng kapangyarihang taglay Niya bilang tunay na Diyos. Bagkus, ito ay pagpapakita ng Kaniyang pag-ibig, habag, at awa. Huwag rin nating kakalimutan na kahit na Siya'y Diyos, bilang tao, si Jesus Nazareno ay hindi naging ligtas mula sa iba't ibang mga sakit, hirap, at tiisin sa buhay dito sa mundong ito. Kahit batid ito ni Jesus Nazareno, ipinasiya pa rin Niyang  ipakita at ibahagi sa lahat ang Kaniyang pag-ibig, habag, at awa. Hindi Siya umiwas mula sa mga tao dahil sa kanilang mga sakit at karamdaman. Bagkus, ibinahagi Niya ito sa lahat. Hindi Niya ito ipinagdamot. Isa lamang ang dahilan nito - ang Kaniyang pag-ibig para sa lahat na tunay ngang dakila. 

Kung ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay naging handang tiisin ang lahat ng mga hirap, sakit, tiisin, pagsubok, hapis, dalamhati, tukso, at pagdurusa sa buhay alang-alang sa atin, handa rin ba tayong maging tapat sa Kaniya, anuman ang mga tiisin sa buhay na haharapin natin? Tandaan, hindi kinailangang gawin iyon ng Nuestro Padre Jesus Nazareno alang-alang sa atin, subalit ipinasiya pa rin Niyang gawin iyon dahil tunay Niya tayong iniibig. Dahil dito, tayo naman ang tinatanong sa Linggong ito. Ang bawat isa sa atin ay handa bang maging tapat sa Poong Jesus Nazareno sa hirap at ginhawa? Mananatili ba tayong tapat sa Kaniya? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento