Huwebes, Pebrero 1, 2024

PANANALIG SA TUNAY NA TAGAHILOM

PITONG LINGGO NG PAGNINILAY SA PITONG HAPIS AT TUWA NI SAN JOSE
(Unang Linggo)
Unang Hapis: Ang Pagtuklas sa Pagdadalantao ng Mahal na Birhen (Mateo 1, 18-19) 
Unang Tuwa: Ang Pagpapakita ng Anghel kay San Jose (Mateo 1, 20-21)

This faithful photographic reproduction of the painting (Between c. 1617 and c. 1620) Dream of Saint Joseph by Francisco Pacheco (1564–1644), as well as the actual work of art itself from the Real Academia de Bellas Artes de San Fernando in Madrid, Spain, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 


"Magtitigib kayo ng kalungkutan, subalit ito'y magiging kagalakan" (Juan 16, 21). Ito ang isa sa mga salitang binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga apostol noong bisperas ng Kaniyang pagpapakasakit. Sa pamamagitan ng mga salitang ito na binigkas Niya sa kanila bilang bahagi ng Kaniyang pamamaalam noong gabing yaon, ipinakilala ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa mga apostol ang tunay na tagahilom. Walang sakit ang hindi Niya kayang hilumin. Ang tunay na tagahilom ay walang iba kundi ang Diyos. 

Noong binigkas ng Poong Jesus Nazareno ang mga salitang ito sa mga apostol, hindi isang bagong katotohanan ang Kaniyang ibinunyag. Bagkus, ang mga salitang ito na binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno sa mga apostol noong bisperas ng Kaniyang pagpapakasakit ay isang paalala kung sino ang Diyos. Inilarawan ni Jesus Nazareno sa mga salitang ito ang mga ginawa ng Diyos para sa lahat noon pa mang una. Hindi titigil ang Panginoong Diyos sa paggawa nito. 

Ang unang hapis at tuwa ni San Jose ay isang patotoo ng katotohanang ito tungkol sa pagkakilanlan ng Diyos. Bago isilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang Poong Jesus Nazareno, ang Diyos ay naghatid ng paghihilom sa lahat. Patunay lamang ito na matagal na itong ginagawa ng Diyos. Isa sa mga hinilom ng Diyos ay walang iba kundi si San Jose na hinirang upang maging ama-amahan ng Poong Jesus Nazareno. 

Sa unang hapis at tuwa ni San Jose, inilarawan kung paanong hinilom ng Diyos ang lingkod Niyang ito. Napakalinaw sa paningin ng Panginoong Diyos na si San Jose ay nasaktan nang labis-labis nang makarating sa kaniya ang balitang nagdadalantao ang babaeng kaniyang mapapangasawa na walang iba kundi ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. Tunay niyang inibig si Maria. Hindi maipagkakailang mayroong mga plano si San Jose para sa pamilyang balak niyang buuin kasama ni Maria. Dahil dito, tila gumuho ang lahat para kay San Jose nang mabalitaan niyang nagdadalantao ang babaeng kaniyang mapapangasawa na si Maria. 

Hindi pinabayaan ng Diyos si San Jose. Nang Kaniyang masilayan mula sa langit na labis na nasaktan si San Jose, agad Niyang ipinagkaloob kay San Jose ang biyaya ng Kaniyang paghihilom. Ang anghel na nagpakita sa panaginip ni San Jose ay ipinadala ng Panginoong Diyos upang iparating kay San Jose ang isang balitang maghahatid ng paghihilom sa kaniyang puso at loobin. Mayroon ring bahagi si San Jose sa plano ng Diyos na tunay ngang dakila. Siya ang magiging ama-amahan ng Banal na Sanggol sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria na walang iba kundi si Jesus Nazareno. 

Ipinapaalala sa ating lahat ng unang hapis at tuwa ni San Jose kung sino ang tunay na tagahilom. Ang tunay na tagahilom ay walang iba kundi ang Diyos. Gaya ni San Jose, buong pananalig nawa nating ibukas ang ating mga puso at loobin sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento