Linggo, Pebrero 18, 2024

HINDI MAGTATAGAL

PITONG LINGGO NG PAGNINILAY SA PITONG HAPIS AT TUWA NI SAN JOSE 
(Ikaapat na Linggo) 
Ikaapat na Hapis: Ang Propesiya ni Simeon (Lucas 2, 34) 
Ikaapat na Tuwa: Ang dulot ng kaligtasang kaloob ni Jesus Nazareno (Lucas 2, 38)

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1535 and 1545) The Presentation of Christ and the Purification of the Virgin Mary in the Temple by an Anonymous follower of Juan de Borgoña (1480 - 1536) – Painter (Spanish), as well as the actual work of art itself from the Fundación Banco Santande Collection, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.

Hindi lamang napuno ng hapis at sakit ang Mahal na Inang si Mariang Birhen nang kaniyang marinig ang mga salitang binigkas ni Simeon sa Templo tungkol sa misyon ng Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas na kaloob ng Diyos pagdating ng takdang panahon. Napuno rin ng hapis at sakit si San Jose nang marinig ang mga salitang ito ni Simeon. Kahit na ito ang pangunahing dahilan kung bakit ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Jesus Nazareno ay dumating sa mundong ito, labis pa rin itong ikinahapis ni San Jose dahil sa sakit dulot nito sa kaniyang puso. 

Katulad ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, si San Jose ay labis na nasaktan nang marinig niya ang mga saitang binigkas ni Simeon tungkol sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bagamat hinirang at itinalaga siya ng Diyos bilang ama-amahan ng Señor, hindi pa rin niya maiwasang masaktan sapagkat tunay niyang inibig ang Señor bilang anak niyang minamahal. Nang malaman ni San Jose na wala siyang magagawa upang ilayo at iligtas ang Poong Jesus Nazareno mula sa matitinding pagdurusa, hirap, at sakit dulot ng Kaniyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus na Banal sa Kalbaryo, labis siyang nasaktan. Oo, kalooban ito ng Diyos, subalit masakit pa rin ito. 

Ang hapis at sakit ni San Jose ay patunay na mahirap tuparin at sundin ang kalooban ng Diyos. Kahit na inilahad ni Simeon ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng mga salitang kaniyang binigkas sa mga sandaling iyon, hindi ito nangangahulugang hindi makakaramdam ng hapis at sakit ang mga magiging bahagi nito gaya ni San Jose. Oo, kalooban ng Diyos na magpakasakit at mamatay si Jesus Nazareno. Subalit, kahit na ito ay niloob ng Diyos, si San Jose ay labis na nasaktan at napuno ng hapis. Nais man ni San Jose na gawin na lamang ito ng Diyos sa ibang paraan, wala siyang magagawa dahil ito ang kalooban ng Diyos. Masakit para kay San Jose ito sapagkat ang Poong Jesus Nazareno ay tunay niyang minahal bilang kaniyang anak. Subalit, pagdating ng panahon, walang magagawa si San Jose upang ilayo, ipagtanggol, at iligtas si Jesus Nazareno mula sa mga matitinding hirap, sakit, at pagdurusang kaakibat ng Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Subalit, ang hapis at sakit na ito ay napawi nang marinig ang pag-aalay ng papuri at pasasalamat ni Ana sa Diyos dahil sa biyaya ng Poong Jesus Nazareno. Nang marinig ito, ang hapis at sakit ni San Jose ay naging tuwa sapagkat naging malinaw para sa kaniya kung bakit kinailangan itong gawin ng Panginoong Jesus Nazareno pagdating ng araw. Ang buong sangkatauhan ay maliligtas sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na mag-aalay ng sarili sa Krus para sa lahat. Bukod pa roon, ito ay isa ring paalala para kay San Jose na hindi magwawakas sa kamatayan ang lahat para sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Matapos ang pagbabata ng maraming hirap, sakit, at kamatayan, makakamit ng Poong Jesus Nazareno ang tagumpay at kaluwalhatian dahil muli Siyang mabubuhay sa ikatlong araw. 

Walang sinabi ang Diyos na magiging madali ang lahat para sa lahat ng mga tapat na nakikinig at sumusunod sa Kaniyang kalooban. Subalit, may pangako ang Diyos para sa lahat ng mga mananatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli. Matatamasa nila ang biyayang walang hanggan bunga ng maluwalhating tagumpay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na tumubos sa lahat sa pamamagitan ng Kaniyang Krus na Kabanal-banalan at Muling Pagkabuhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento