10 Marso 2024
Ikaapat na Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay [B]
Linggo ng Laetare (Kagalakan)
2 Cronica 36, 14-16. 19-23/Salmo 136/Efeso 2, 4-10/Juan 3, 14-21
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 17th century) Ecce Homo by Valerio Castello (1624–1659), as well as the actual work of art itself from the Collezione D'Arte Della Banca Carige Via Cassa Di Risparmio - 16123 Genova (GE), is in the Public Domain ("No Copyright") as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Tampok sa Ebanghelyo para sa Linggong ito, ang Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma, ang isa sa mga pinakamasikat, kung hindi man ito ang pinakamasikat, na talata mula sa Banal na Bibliya. Maaari nating sabihin na memoryado at kabisado ng maraming mga Kristiyano, Katoliko man o sa ibang sekta, ang nasabing talata. Itinuturing rin ito bilang buod ng kasaysayan ng sangkatauhan. Dahil sa pag-ibig ng Diyos na tunay nga namang dakila, ipinasiya Niyang isugo sa mundo ang Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno upang iligtas ang sangkatauhan (Juan 3, 16-17).
Nakasentro sa mga salitang ito mula sa Ebanghelyo na itinuturing na isang maikling buod ng kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ang mga Pagbasa para sa Linggong ito, ang Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma. Katunayan, ang talatang ito mula sa Ebanghelyo ay mayroong ugnayan sa pagdiriwang ng Simbahan pagsapit ng Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma. Kilala rin ang Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma sa tawag na Linggo ng "Laetare" (Kagalakan). Kapag Taon B sa Kalendaryo ng Simbahan, ang bahaging ito mula sa Ebanghelyo ni San Juan kung saan matatagpuan natin ang pinakamasikat na talagang ito mula sa Banal na Kasulatan ay itinatampok at buong kataimtimang pinagninilayan.
Inilahad ang isang maikling buod ng kasaysayan ng pagkakatapon sa mga Israelita sa Babilonia sa Unang Pagbasa. Sa buod na ito, inilarawan kung bakit ipinasiya ng Diyos na matapon sa Babilonia ang mga Israelita. Pinahintulutan ng Diyos na matapon at mamuhay bilang mga alipin sa Babilonia dahil labis silang naging masama. Kahit ilang ulit Niya silang pinaalalahanan, pinakiusapan, at binabalaan sa pamamagitan ng mga propetang Kaniyang hirang, hindi Niya sila pinakinggan at dininggin. Kaya naman, labag man sa puso ng Panginoong Diyos, pinahintulutan Niya silang sakupin ng mga taga-Babilonia. Matapos ang mahabang panahon, nang makita ng Panginoong Diyos mula sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit na taos-puso nilang pinagsisihan ang kanilang mga nagawang kasalanan, pinahintulutan Niya silang makauwi sa Israel. Ito ang bukod tanging dahilan kung bakit si Haring Ciro ay naglabas ng dekreto na nag-uutos sa mga Israelita na maaari na silang bumalik sa Israel. Sa pamamagitan nito, ibinigay ng Diyos ang Kaniyang pahintulot sa mga Israelita na umuwi sa Israel.
Kahit na pinarusahan ng Diyos ang mga Israelita dahil labis silang naging masama, napakalinaw na tunay pa rin Niya silang inibig. Bagamat labis na nasaktan ang Diyos sa mga kasamaang ginawa ng mga Israelita, minahal pa rin Niya sila. Dahil dito, ang pamumuhay ng mga Israelita sa Babilonia ay nagwakas rin pagdating ng panahon. Bumalik sila sa Israel nang ibigay ng Panginoon ang Kaniyang pahintulot sa kanila na tanda ng Kaniyang pag-ibig para sa kanila.
Sa Ikalawang Pagbasa, ipinaalala ni Apostol San Pablo ang dahilan kung bakit tayong lahat ay ipinasiyang iligtas ng Diyos. Pag-ibig. Dahil sa pag-ibig na ito ng Panginoong Diyos na tunay ngang dakila, dumating ang Mahal na Poong Jesus Nazareno upang ipagkaloob sa atin ang biyayang ito ng kaligtasan. Ang biyayang ito na kaloob sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno ay ang dahilan kung bakit may pagkakataon tayong makapiling Siya sa langit magpakailanman. Tayo na mismo ang magpapasiya kung tatanggapin natin ang biyayang ito.
Ang mga salitang binigkas ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito nang buong katapatan, pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Panginoong Diyos ay isang paalala para sa atin: "Kung Ika'y aking limutin, wala na 'kong aawitin" (Salmo 136, 6a). Sa pamamagitan ng mga salitang ito na binigkas ng mang-aawit na itinatampok sa Salmong Tugunan, tayong lahat ay pinaalalahanang sa Diyos lamang nagmumula ang lahat ng mga biyayang ating tinanggap. Nagmula sa Diyos ang mga biyayang ating tinataglay. Isinasalamin ng mga biyayang ito ang Kaniyang pag-ibig, habag, kabutihan, at awa. Hindi natin ito dapat limutin.
Dahil sa pag-ibig, kabutihan, habag, at awa ng Diyos, ipinasiya Niya tayong biyayaan. Ang pinakadakilang biyayang Kaniyang ipinagkaloob sa atin ay walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi si Jesus Nazareno. Tayong lahat ay Kaniyang iniligtas sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kaya naman, ang Poong Jesus Nazareno ay ang pinakadakilang biyayang kaloob ng Diyos sa lahat. Subalit, bakit parang kay dali para sa atin na kalimutan ito?
Mayroong pakiusap ang Simbahan para sa atin sa Linggong ito. Ang Diyos ay hindi dapat limutin kailanman. Hindi tayo nilimot ng Diyos kailanman. Kaya naman, huwag rin natin Siyang limutin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento