11 Pebrero 2024
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
Levitico 13, 1-2. 44-46/Salmo 31/1 Corinto 10, 31-11, 1/Marcos 1, 40-45
"Ibig Ko. Gumaling ka!" (Marcos 1, 41). Sa mga salitang ito na binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa ketonging Kaniyang pinagaling sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito nakatuon ang Simbahan sa Linggong ito. Ang ibig ng Mahal na Poong Jesus Nazareno para sa atin ay maging malinis, dalisay, at busilak ang ating mga puso at loobin. Kung paanong inibig Niyang pagalingin ang ketongin sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito, ibig rin Niyang pabanalin at dalisayin ang ating mga puso at loobin.
Sa Unang Pagbasa, inilahad ang patakaran ng mga Hudyo kaugnay ng mga ketongin. Ito ang konteksto ng himalang isinagawa ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang mga ketongin ay itinuturing na marumi. Upang hindi makahawa ng iba, ang mga ketongin ay hindi naninirahan sa piling ng iba. Inihihiwalay sila mula sa lipunan. Kapag mayroong mga taong walang ketong napapadaan sa lugar na kanilang kinaroroonan, sisigaw nang malakas ang mga ketongin ng "Marumi! Marumi!" bilang babala. Sa gayon, ang mga walang ketong ay mag-iingat at iiwas sa mga ketongin. Doble ingat ang mga walang ketong kapag narinig nila ang (isa/mga) ketonging sumisigaw ng "Marumi! Marumi!" (Levitico 13, 45).
Ang pagiging mahabagin ng Panginoong Diyos sa lahat ay pinagtuunan ng pansin ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Katunayan, maaari ring ituring na isang propesiya ang mga salita sa Salmong Tugunan sapagkat inilarawan sa mga salitang ito kung bakit isinugo ng Diyos ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno. Ibig ng Panginoong Diyos na patawarin, dalisayin, at pabanalin ang lahat dahil sa Kaniyang habag at awa. Hindi hinangad o ninais ng Panginoon kailanman na mayroong mapahamak dahil sa kasalanan. Bagkus, hinangad Niyang patawarin ang lahat ng mga tao mula sa kanilang mga kasalanan.
Nakasentro sa hangarin at naising ito ng Panginoong Diyos para sa lahat ng mga tao ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Muling isinalungguhit sa pangaral na ito ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang tanging dahilan kung bakit ito ang hinangad at ninais Niya para sa atin. Hinangad at ninais ng Panginoong Diyos na patawarin at linisin tayo mula sa ating mga kasalanan sapagkat nais Niya tayong bigyan ng pagkakataong ipakilala Siya bilang mahabagin at mapagmahal na Hari, Manunubos, at Diyos. Sa halip na ipalaganap ang kasalanan, nais ng Diyos na ipalaganap natin ang Kaniyang kabanalan, pag-ibig, biyaya, habag, at awa para sa lahat. Pinatutunayan natin sa pamamagitan nito ang ating taos-pusong pananalig at katapatan sa Kaniya na Siyang unang umibig sa atin. Isabuhay ang kalooban ng maawain, mahabagin, at mapagpalang Diyos.
Hangad ng Poong Jesus Nazareno na mamuhay tayo nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Ito ang dahilan kung bakit Siya dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kahit hindi naman kinailangan ng Nazarenong si Kristo na gawin iyon, ipinasiya pa rin Niya itong gawin dahil sa Kaniyang pag-ibig, biyaya, habag, at awa. Sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay, ang lahat ng mga tao sa mundo ay Kaniyang binigyan ng pagkakataon upang magpalinis at magpadalisay sa Kaniya.
Kung tunay tayong mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ibubukas natin ang ating mga sarili sa Kaniya upang magpalinis at magpadalisay sa Kaniya. Ang mga biyayang ito ay Kaniyang ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento