Sabado, Pebrero 17, 2024

KUSANG-LOOB NIYANG IPINAGKALOOB

25 Pebrero 2024 
Ikalawang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay [B] 
Genesis 22, 1-2. 9a. 10-13.15-18/Salmo 115/Roma 8, 31b-34/Marcos 9, 2-10 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1500) Transfiguration of Christ by 
Meister des Universitäts-Altars, as well as the work of art itself from the Museumslandschaft Hessen Kassel, which is part of a collection of reproductions compiled by The Yorck Project, is in the Public Domain worldwide. Zenodot Verlagsgesellschaft mbH holds the compilation copyright and it is licensed under a GNU Free Documentation License.


Tuwing sasapit ang Ikalawang Linggo ng Kuwaresma o ang 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay, ang salaysay ng Pagbabagong-Anyo ng Poong Jesus Nazareno ay itinatampok sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan nito, ipinapaalala sa atin kung ano ang ating pinaghahandaan sa banal na panahong ito. Inilaan ng Simbahan ang panahong ito ng Kuwaresma upang paghandaan natin ang ating mga sarili para sa pinakadakila at pinakamahalagang araw ng taon sa Kalendaryo ng Simbahan na walang iba kundi ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno. 

Ipinasilip ng Poong Jesus Nazareno sa tatlong apostol na Kaniyang isinama sa tuktok ng bundok na sina Apostol San Pedro, Santo Santiago, at San Juan ang tagumpay at kaluwalhatiang Kaniyang kakamtan sa pamamagitan ng Kaniyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay sa pamamagitan ng Kaniyang Pagbabagong-Anyo na itinampok sa salaysay ng Ebanghelyo para sa Linggong ito. Muli Niyang ipinaalala sa kanila ang pangunahing dahilan ng Kaniyang unang pagparito sa mundo. Dumating sa daigdig ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na bigay ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng maluwalhati at Kabanal-banalan Niyang Krus at Muling Pagkabuhay. 

Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay tungkol sa kusang-loob na pagbibigay ng sarili. Sa Unang Pagbasa, hindi ipinagkait ni Abraham sa Diyos ang kaniyang kaisa-isang anak na si Isaac upang patunayan ang kaniyang tapat na pananalig sa Kaniya. Nang makita ng Panginoong Diyos mula sa langit na papatayin na ni Abraham ang kaniyang anak na minamahal na si Isaac upang ihandog siya sa Diyos, ipinadala Niya mula sa langit ang isa Niyang anghel upang pigilin si Abraham. Pinatunayan niyang tapat siya sa kaniyang pananalig sa Panginoon. Kinalugdan naman ito ng Panginoon. 

Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na ipinasiya ng Diyos na iligtas tayo mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, kahit hindi tayo karapat-dapat. Hindi naman kinailangan ng Diyos na ipagkaloob sa atin ang Nuestro Padre Jesus Nazareno upang ipagkaloob sa atin ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas sa pamamagitan Niya. Maaari na lamang Siya magpakasarap sa Kaniyang kaharian sa langit habang tayong lahat ay pinababayaan Niyang mapahamak. Subalit, ipinasiya pa rin Niyang ibigay sa atin ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos dahil sa Kaniyang tunay at tapat na pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. 

Kaya naman, sa salaysay ng Pagbabagong-Anyo ng Poong Nazareno sa Ebanghelyo, ang Amang nasa langit ay muling nagsalita tungkol sa Kaniyang Bugtong na Anak. Sa pamamagitan nito, ipinaalala Niya sa mga apostol kung bakit dumating sa mundo si Jesus Nazareno. Dumating Siya sapagkat niloob ng Ama na ipagkaloob sa lahat ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak. Hindi man Niya kinailangang gawin iyon, subalit, ipinasiya pa rin Niya itong gawin 'pagkat tunay Siyang tapat sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa.

Malakas na inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Sa piling ng Poong mahal, ako'y laging mamumuhay" (Salmo 114, 9). Inilarawan ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito ang biyayang inilaan para sa lahat ng mga magpapasiyang maging tapat sa Diyos hanggang sa huli. Sa wakas ng kanilang pansamantalang pamumuhay at paglalakbay sa daigdig, makakapiling nila sa wakas ang Panginoong Diyos sa Kaniyang kaharian sa langit. 

Hindi ipinagkait ng Diyos ang Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno dahil niloob Niya tayong iligtas. Kaya naman, ihandog rin nawa natin sa Diyos ang tunay at taos-puso nating katapatan, pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento