15 Marso 2024
Biyernes sa Ikaapat na Linggo ng 40 Araw na Paghahanda
Karunungan 2, 1a. 12-22/Salmo 33/Juan 7, 1-2. 10. 25-30
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1633 and 1675) Christ before Caiapha by Willem van Herp (circa 1613/1614–1677), as well as the actual work of art from the Koller International Auctions of September 25, 2020, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
"Tinangka nilang dakpin [si Hesus]; ngunit walang nangahas, sapagkat hindi pa Niya oras" (Juan 7, 30). Sa mga salitang ito mula sa wakas ng Ebanghelyo nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Katunayan, nakasentro rin sa mga salitang ito ang mga Pagbasa para sa araw na ito. May oras at panahong itinakda ang Diyos para sa katuparan ng Kaniyang kalooban. Pagdating ng takdang panahon, tutuparin rin ng Diyos ang Kaniyang kalooban. Isang halimbawa nito ay ang Kaniyang pagkakaloob sa biyaya ng Kaniyang dakilang pagliligtas sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas na walang iba kundi ang Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno.
Gaya ng sabi sa wakas ng Unang Pagbasa, "Hindi nila natalos ang lihim na panukala ng Diyos" (Karunungan 2, 22). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, inilarawan kung bakit inusig ng mga masasama ang mga matutuwid gaya na lamang ng naranasan ng maraming mga propeta sa Lumang Tipan at maging ng Panginoong Jesus Nazareno sa Bagong Tipan at ng Kaniyang mga apostol. Akala ng mga masasamang tapos na ang lahat kapag ang mga mabubuti at matutuwid ay kanilang ipinapatay. Subalit, ang hindi nila batid, hindi sa pamamagitan ng kamatayan ng mga matuwid at mabuting lingkod ng Panginoon magwawakas ang lahat para sa kanila. Bagkus, sa wakas ng pag-uusig at pagpatay sa kanila, mayroong biyayang inilaan ang Panginoon para sa kanilang taos-pusong katapatan, pananalig, at pagsamba sa Kaniya.
Nakasentro rin sa oras at panahong itinakda ng Diyos ang mga tampok na taludtod sa Salmong Tugunan. Inilarawan sa kabuuan ng Salmong Tugunan kung paanong ang Diyos ay tapat sa mga pangakong Kaniyang binitiwan. Tinutupad ng Diyos ang mga pangakong Kaniyang binitiwan sa oras at panahong Kaniyang itinakda. Isang patunay lamang ito na hindi nakakalimot ang Diyos sa Kaniyang mga pangako. Dahil dito, sa Kaniya tayo dapat umasa. Gaya ng nasasaad sa Salmong Tugunan: "Sa D'yos hindi mabibigo ang mga nasisiphayo" (Salmo 33, 19a). Maaasahan natin ang Panginoon sa bawat oras at sandali ng ating buhay. Kailanman, hindi tayo bibiguin ng Diyos.
Muli tayong pinaalalahanan sa araw na ito na tayong lahat ay hindi bibiguin ng Diyos kahit kailan. Hindi Siya nakakalimot sa Kaniyang pangako. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno mismo ay ang pinakadakilang patunay na tapat ang Diyos sa Kaniyang mga pangako. Nang dumating ang panahong Kaniyang itinakda, dumating sa daigdig na ito ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Iniligtas tayo ng Diyos sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ipinagkaloob ng Diyos ang biyaya ng Kaniyang dakilang pagliligtas, gaya ng ipinangako Niya noon pa man sa Lumang Tipan.
Bilang mga tunay at tapat na deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, dapat alam natin kung kanino dapat tayo umasa - sa Kaniya. Sa Poong Jesus Nazareno lamang dapat tayo umasa. Lumapit tayo sa Kaniya, hindi sa mga bisyo at kasalanan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento