PITONG LINGGO NG PAGNINILAY SA PITONG HAPIS AT TUWA NI SAN JOSE
(Ikaanim na Linggo)
Ikaanim na Hapis: Ang pagbabalik mula sa Ehipto (Mateo 2, 22)
Ikaanim na Tuwa: Ang pamumuhay sa Nazaret kasama ang Poong Jesus Nazareno at ang Mahal na Birheng Maria (Mateo 2, 39)
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 18th century) Trinidad del cielo y trinidad de la tierra (The Trinities of Earth and Sky) by Andrés López, as well as the actual work of art itself from the Museo Nacional de Arte, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. The said work is also in the public domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.
Sa totoo lamang, hindi naman talaga ikinahapis ni San Jose ang pagkakataong muling makapanirahan sa lupain ng Israel. Kung tutuusin, kung si San Jose ay tatanungin, tiyak na mas nanaisin niyang manirahan sa lupain ng Israel na kaniyang pinagmulan kaysa tumira sa isang dayong lupain gaya na lamang ng Ehipto. Tandaan, kinailangan lamang nilang lumikas at manirahan sa Ehipto na isang dayong lupain para sa kanila upang ang Batang Poong Jesus Nazareno ay mailigtas mula kay Haring Herodes.
Napuspos ng hapis si San Jose sa sandaling ito hindi dahil muli siyang nagkaroon ng pagkakataong makapanirahan sa lupain ng Israel kasama ang kaniyang pamilya. Ang dahilan kung bakit siya nahapis ay kinailangan niyang talikuran at iwanan ang buhay sa Ehipto. Kahit papaano, naging maayos ang buhay-pamilya ng Banal na Pamilya sa Ehipto, bagamat mga dayuhan naman talaga sila roon. Subalit, kahit na maayos at maginhawa ang buhay sa Ehipto para sa kanila, pagdating ng araw, kinailangan itong talikuran at iwanan.
Bukod pa rito, nasasaad rin sa salaysay ng pagbabalik ng Banal na Pamilya sa Israel mula sa Ehipto na pinalitan si Haring Herodes ng kaniyang anak na si Arquelao bilang hari sa Judea (Mateo 2, 20). Kaya naman, lalo pang napuspos ng hapis si San Jose sa sandaling ito. Para bang sinasabi kahit ano pang iwas ang gawin ni San Jose upang ilayo at iligtas ang Batang Poong Jesus Nazareno, mayroon pa ring banta laban sa Kaniya. Oo, walang ibang nasusulat tungkol kay Arquelao kundi anak lamang siya ng dating hari na si Haring Herodes. Subalit, kahit anak lamang siya ni Herodes, hindi pa ring mapanatag ang loob ni San Jose. Anak ni Herodes pa rin iyon.
Ang hapis ni San Jose ay naging tuwa nang ibigay sa kaniya ng Diyos ang sagot na inilahad sa kaniya ng isang anghel sa panaginip. Ito ang dahilan kung bakit nagtungo sila sa Nazaret (Mateo 2, 22). Katulad ng dati, ang Panginoong Diyos rin ang nagbigay ng solusyon. Ang Diyos na rin ang kumilos at gumawa ng paraan upang mailigtas si Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak na Kaniyang ipinangkaloob sa tanan bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, mula sa panganib. Inilarawan naman ng masunuring lingkod ng Diyos na si San Jose kung ano ang solusyong ibinigay Niya sa lingkod Niyang ito. Si San Jose ay nagtungo sa Nazaret kasama ang kaniyang pamilya dahil ito ang plano ng Diyos. Doon sa Nazaret, naging maayos ang buhay pamilya ng Poong Jesus Nazareno, ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, at ni San Jose.
Isa lamang ang ipinapaalala sa atin ng Ikaanim na Hapis at Tuwa ni San Jose. Hindi tayo bibiguin at pababayaan ng Diyos. Lagi nating kasama ang Diyos. Tutulungan tayo ng Diyos kapag nakikita Niyang kailangan natin ang Kaniyang tulong. Dahil diyan, sa Kaniya lamang tayo dapat umasa. Maaasahan natin ang Diyos sa lahat ng oras.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento