Linggo, Pebrero 4, 2024

PARA SAAN?

PITONG LINGGO NG PAGNINILAY SA PITONG HAPIS AT TUWA NI SAN JOSE 
(Ikalawang Linggo) 
Ikalawang Hapis: Ang Karukhaan ng Pagsilang ng Poong Jesus Nazareno (Lucas 2, 7) 
Ikalawang Tuwa: Ang Pagsilang ng Poong Jesus Nazareno (Lucas 2, 10-11) 

This faithful photographic reproduction of the painting Nativity by Carlo Maratta (1625–1713), as well as the actual work of art itself in the National Museum in Krakow, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. The work of art itself is in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928. The digital reproduction is made available under the Creative Commons CC0 1.0 Universal Public Domain Dedication



Tiyak na hindi inakala ni San Jose na hihirangin silang dalawa ng kaniyang kabiyak ng pusong minamahal na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria ng Diyos upang maging mga magulang ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Lalong hindi inakala ni San Jose na pahihintulutan ng Diyos na hindi iligtas ang Kaniyang sarili mula sa kahirapan ng buhay dito sa mundo. Kahit kailan ay hindi inakala ni San Jose na pahihintulutan ng Diyos na mapabilang sa mga dukha sa Kaniyang pagdating bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Jesus Nazareno. Subalit, iyon ang nangyari. 

Bagamat hindi naitala ng apat na manunulat ng Mabuting Balita o Ebanghelyo ang anumang salitang kaniyang binigkas, kahit isa man lang, tiyak na napatanong si San Jose kung para saan ang lahat ng ito. Sa katahimikan, tiyak na napatanong si San Jose kung bakit nga ba ipinasiya pa rin ng Diyos na gawin ito. Malinaw naman na hindi Siya tinanggap ng Kaniyang mga nilikha. Ni isang tao sa lungsod ng Betlehem ay nag-alok ng kahit isang maliit na espasyo man lamang sa kanila. Oo, baka maunawaan pa ni San Jose kung silang dalawa lamang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen iyon. Ang problema, hindi lamang silang dalawa ni Maria yaong naghahanap ng kahit isang maliit na espasyo sa mga bahay-panuluyan. Pati ang mismong Bugtong na Anak ng Diyos na si Jesus Nazareno na dala ng Birheng Maria sa kaniyang sinapupunan, hindi inalok ng kahit isang maliit na lugar man lamang. 

Hindi nakaranas ng hapis si San Jose sa sandaling ito dahil hindi siya nakahanap ng lugar para sa kanilang dalawa ng Mahal na Birheng Maria, ang kaniyang kabiyak ng puso. Bagkus, ang hapis ni San Jose sa sandaling ito ay dulot ng hindi pagtanggap sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi si Jesus Nazareno. Walang nagbukas ng sarili sa Poong Jesus Nazareno. Malamig ang pagtanggap sa Kaniya. Si Jesus Nazareno ay hindi pinansin dahil kabilang Siya sa mga maralita. Dahil kabilang sa mga dukha ang Poong Jesus Nazareno, wala Siyang halaga. 

Para kay San Jose, hindi ito nararapat para sa nag-iisang tunay at walang hanggang dakilang Hari at Diyos. Dapat ibigay ang nararapat sa Kaniya. Kaya naman, si San Jose ay napuno ng hapis sa mga sandaling iyon. Labis siyang nasaktan sapagkat hindi niya inakalang magiging manhid ang kaniyang mga kababayan sa pinakadakilang regalo ng Diyos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. 

Subalit, ang hapis na ito ay hindi nagtagal. Pinawi agad ng Diyos ang hapis na dala-dala ni San Jose sa kaniyang puso. Nang isilang sa sabsaban ang Banal na Sanggol na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno, napawi ang hapis ni San Jose at naging tuwa. Ang kaniyang hapis ay naging tuwa dahil inihayag ng Diyos na minamahal pa rin Niya ang lahat sa pamamagitan ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno. 

Kahit naging manhid at malamig sa Kaniya ang lahat, ang Panginoong Diyos ay hindi nagbago. Ang pagdating ng Panginoong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay patunay nito. Gaano man ito kasakit para sa Diyos, hindi titigil sa pagbabahagi ng Kaniyang pag-ibig. Ito ang dahilan kung bakit dumating ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Buksan nawa natin ang ating mga puso sa pag-ibig ng Panginoong Diyos na tunay ngang dakila. Mapukaw nawa tayo sa pag-ibig ng Diyos katulad ni San Jose. Ang mga puso at sarili natin ay ating buksan sa biyaya ng pagbabagong hatid ng pag-ibig ng Diyos upang sa pamamagitan natin ay matupad ang Kaniyang kalooban. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento