Sabado, Pebrero 10, 2024

MAYROON SIYANG PAKIUSAP PARA SA ATIN

16 Pebrero 2024 
Biyernes kasunod ng Miyerkules ng Abo 
Isaias 58, 1-9a/Salmo 50/Mateo 9, 14-15 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1601 and 1633) Agony in the Garden by a follower of Giorgio Vasari, as well as the actual work of art itself from Museo del Prado, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 70 years or fewer due to its age. 


Habang ipinagpapatuloy natin ang ating paglalakbay at paghahanda ng ating mga sarili para sa pinakamahalagang pagdiriwang ng Simbahan na walang iba kundi ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno ngayong panahon ng Kuwaresma, ipinagpapatuloy ng Simbahan ang pagpapaalala sa atin tungkol sa kahalagahan ng katapatan. Katunayan, ito ang tema o paksang nais bigyan ng pansin ng Simbahan sa tulong ng mga Pagbasa para sa araw na ito, ang unang Biyernes sa banal na panahong ito na kilala rin natin sa tawag na Kuwaresma. Layunin ng Simbahan sa pamamagitan nito na tulungan tayo nang sa gayon ay maging makabuluhan ang ating paghahanda ng sarili ngayong panahong ito na mas kilala ng nakararami sa tawag na Kuwaresma, ang 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay.  

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa katapatan. Sa tulong ng mga tampok na Pagbasa, ipinapaalala sa atin ng Simbahan kung ano nga ba talaga ang layunin ng ating paglalakbay at paghahanda ngayong panahong ito ng Kuwaresma - makipagkasundo sa Diyos. Bukod pa roon, ipinapaalala sa atin ng Simbahan na may pakiusap para sa atin ang Diyos. Kapag ang pakiusap ng Panginoong Diyos para sa bawat isa sa atin ay ipinasiya nating pagbigyan, tayong lahat ay Kaniyang kaawan at kahahabagan. Habang patuloy na namumuhay at naglalakbay dito sa daigdig na ito nang pansamantala ang bawat isa sa atin, tayong lahat ay laging pinagkakalooban ng Diyos ng pagkakataong pagbigyan ang pakiusap Niyang ito. 

Sa Unang Pagbasa, malakas na inihayag ng Panginoong Diyos na walang kabuluhan ang mga ginagawang pag-aayuno ng Kaniyang bayan sapagkat hindi Niya makita sa kanila ang Kaniyang hinahanap. Kahit na nag-aayuno sila, ang Kaniyang pakiusap ay hindi nila pinagbibigyan. Isa lamang ang hinahanap ng Panginoong Diyos sa Kaniyang bayan - maging tapat sa Kaniya. Hindi lamang ito para sa Kaniyang bayang hinirang na walang iba kundi ang Israel. Para rin ito sa atin sa kasalukuyang panahon. Nais ng Diyos na maging daan ang ating pag-aayuno, pagsisisi sa kasalanan, at iba pang mga gawaing kilala natin sa tawag na pamamanata ay dapat maging daan para sa ating lahat patungo sa pagiging banal at mabuti. Mapapatunayan nating lahat ang taos-puso nating katapatan sa Panginoon sa pamamagitan nito. Gaya ng isinalungguhit ng mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ng Biyernes: "D'yos ko, Iyong tinatanggap, pakumbaba't pusong tapat" (Salmo 50, 19b). 

Isinentro ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang pangaral sa Ebanghelyo para sa araw na ito sa layunin ng pag-aayuno. Ang pag-aayuno ay ginagawa lamang sa mga panahon ng taos-pusong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan, pagbabalik-loob sa Panginoong Diyos, at pagdadalamhati. Hindi ito ginagawa kapag ang lahat ay masayang nagdiriwang katulad ng mga kasal. Katunayan, ginamit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang larawan ng isang kasalan upang ilarawan kung bakit hindi nag-aayuno ang Kaniyang mga alagad. Dahil ang Poong Jesus Nazareno ay kapiling nila, hindi sila nag-aayuno. Pagsapit ng oras na itinakda, ang oras ng pagpapakasakit at kamatayan ng Poong Jesus Nazareno, saka lamang sila mag-aayuno. 

Ngayong panahon ng Kuwaresma, ipinapaalala sa atin ng Simbahan ang pakiusap ng Diyos para sa atin. Ang pakiusap ng Diyos ay maging tapat at taos-puso. Katapatan ang Kaniyang hinahanap mula sa atin. Ito ang layunin ng panahon ng Kuwaresma - palalimin at palaguin ang ating taos-pusong katapatan kay Jesus Nazareno. Maging isang daan ang ating debosyon at pamamanata sa ating Panginoon at Manunubos na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno patungo sa pamumuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin na sumasalamin sa ating taos-pusong katapatan, pananalig, at pagsamba sa Kaniya hanggang sa huli. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento