PITONG LINGGO NG PAGNINILAY SA PITONG HAPIS AT TUWA NI SAN JOSE
(Ikapito at Huling Linggo)
Ikapitong Hapis: Ang Pagkawala ng Batang Jesus Nazareno (Lucas 2, 45)
Ikapitong Tuwa: Ang Pagkahanap sa Batang Jesus Nazareno sa Templo (Lucas 2, 46)
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1659 and 1660) Child Jesus in the Temple by Jan Steen (1625/1626–1679), as well as the actual work of art itself from the Kuntsmuseum Basel, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This work is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.
Nakakabahala para sa mga magulang ang pagkawala ng kanilang mga anak. Kapag ang mga anak ay nawala, mag-aalala nang labis ang mga magulang. Dahil labis silang mababalisa sa pagkawala ng kanilang mga anak, ang lahat ay gagawin nila mahanap lamang ang kanilang mga anak. Halimbawa na lamang kapag sa isang mataong pook o lugar nawala ang kanilang mga anak, lalapit ang mga magulang sa mga autoridad upang humingi ng tulong mula sa kanila nang sa gayon ay mapabilis ang proseso ng paghahanap sa kanilang mga anak.
Gaya ng Mahal na Birheng Maria, si San Jose ay labis na nabahala nang mawala ang Batang Poong Jesus Nazareno. Katunayan, katulad rin ng Mahal na Birheng Maria, si San Jose ay napuspos ng hapis sa pagkawala ng Batang Poong Jesus Nazareno. Isa lamang itong patunay na tunay ang pag-ibig ni San Jose ang Poong Jesus Nazareno bilang kaniyang Anak. Bagamat ama-amahan lamang siya ng Mahal na Poon, tunay niyang inibig at pinahalagahan ang Mahal na Poon bilang kaniyang Anak. Dahil dito, ang puso ni San Jose ay napuno ng hapis nang matuklasan nilang dalawa ng Birheng Maria na nawawala ang Batang Poong Jesus Nazareno.
Alam rin natin na sa mga kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas kung saan naroon si San Jose, walang naitalang ni isang salita man lamang na binigkas ni San Jose. Tahimik lamang si San Jose. Subalit, ang kaniyang pagiging tahimik ay hindi nangangahulugang wala siyang pakialam sa anumang nangyayari sa kaniyang paligid. Bagkus, tahimik niya itong hinaharap. Isang halimbawa nito ay ang mismong sandali kung kailan nawala ang Batang Poong Jesus Nazareno. Oo, tahimik lamang siya, subalit hindi ito nangangahulugang wala siyang pakialam. Bagkus, kahit hindi siya nagsalita, napakalinaw na puno siya ng hapis. Hindi na kailangan pa ni San Jose na magsalita upang ilarawan ang kaniyang hapis.
Kaya naman, ang tanong ng Mahal na Birheng Maria sa Batang Jesus Nazareno nang mahanap nila Siya sa Templo sa ikatlong araw ng kanilang paghahanap: "Anak, bakit naman ganyan ang ginawa Mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng Iyong ama sa paghahanap sa Iyo" (Lucas 2, 48). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, inilarawan ang naramdaman ni San Jose sa mga araw na hinahanap nila si Jesus Nazareno. Isa lamang itong patunay na tunay na iniibig at pinahalagahan ni San Jose ang Batang Jesus Nazareno. Labis na napuspos ng pagkabalisa, pag-aalala, pagkabahala, lungkot, hapis, at pangamba ang puso ni San Jose nang mawala ang Batang Jesus Nazareno.
Subalit, ang lahat ng takot, pangamba, pagkabalisa, pagkabahala, lungkot, at hapis ay napawi nang matagpuan nina San Jose at ng Mahal na Birheng Maria sa Templo ang Batang Jesus Nazareno. Hindi lamang nakahinga ng maluwag si San Jose. Napuspos rin ng tuwa ang kaniyang puso. Lubusang ikinatuwa at ikinasiyahan ni San Jose ang pagkahanap sa Batang Jesus Nazareno sapagkat makakapiling at makakasama niya muli sa wakas ang kaniyang Anak.
Ito ang huling kaganapan sa Ebanghelyo ni San Lucas kung saan si San Jose ay may mahalagang papel. Nang magsimula ang ministeryo ng Panginoong Jesus Nazareno, walang ginampanang papel si San Jose. Hindi siya itinampok sa anumang eksena, bagamat mayroong mga pagkakataong binanggit ang kaniyang pangalan. Ayon sa tradisyon, bago simulan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Kaniyang ministeryo, pumanaw si San Jose. Dahil dito, ang karanasang ito ni San Jose sa sandaling ito ng kaniyang buhay ay maaari ring ituring na isang pasilip at paghahanda para sa buhay na walang hanggan. Ang ligaya ni San Jose sa sandaling ito ay isa lamang patikim ng ligayang walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit. Ito ang aral na natutunan ni San Jose sa sandaling ito. Hindi lamang para kay San Jose ang aral na ito. Para rin ito sa atin na bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Kristo.
Hindi natin matatagpuan sa mundong ito ang tunay at walang hanggang tuwa, galak, at ligaya. Ang ligayang dulot ng mundong ito ay pansamantala lamang. Matatagpuan lamang sa piling ng Panginoong Jesus Nazareno sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit ang tunay na tuwa, galak, at ligayang walang hanggan. Palagi Niya tayong binibigyan ng mga pasilip ng biyayang ito sa bawat sandali ng ating buhay dito sa mundo na pansamantala lamang. Tayo ang magpapasiya kung pahahalagahan natin ito, gaya ni San Jose na laging nagpasiyang pahalagahan ang mga pasilip na ito na kaloob ng Panginoon sa bawat sandali ng kaniyang pansamantalang pamumuhay at paglalakbay sa mundong ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento