Biyernes, Pebrero 9, 2024

ARAL MULA SA ABO

14 Pebrero 2024 
Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18 

This faithful photographic reproduction of the Woodcut for "Die Bibel in Bildern" (1860) of "David giving a penitential psalm" by Julius Schnorr von Carolsfeld (1794–1872), as well as the actual work of art itself, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 


Sinisimulan ng Simbahan sa araw na ito ang 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na tiyak na mas kilala ng nakararami bilang panahon ng Kuwaresma. Inilaan ng Simbahan ang banal na panahong ito para sa taimtim na paghahanda ng ating mga sarili sa pamamagitan ng taos-pusong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan bilang paghahanda para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno. 

Tampok sa litruhikal na pagdiriwang ng Simbahan sa araw ng Miyerkules ng Abo ang rito ng pagpapahid ng abo sa noo o kaya naman ang paglalagay ng abo sa korona ng ulo ng bawat mananampalataya. Habang isinasagawa ang ritong ito, isa sa dalawang pormularyong ito ay binibigkas ng pari o ng mga ministro. Ang mga salita mula sa isa sa dalawang pormularyong ito ay hango mula sa isa sa mga pangaral ng Poong Jesus Nazareno: "Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya" (Marcos 1, 13). Hango naman mula sa mga salitang binigkas ng Diyos sa Halamanan ng Eden ang isa pang pormularyong maaaring bigkasin ng mga pari o mga ministro sa bawat mananampalataya habang ang ritong ito ay isinasagawa: "Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas ang iyong babalikan" (Genesis 3, 19). 

Mayroong dalawang alternatibong pormularyo para sa rito ng pagpapahid ng abo sa liturhikal na pagdiriwang ng Miyerkules ng Abo. Subalit, walang pinagkaiba ang mga salitang ito. Iisa lamang ang nais pagtuunan ng pansin ng dalawang pormularyong ito na hango mula sa dalawang magkaibang talata o bahagi ng Banal na Kasulatan. Ang bawat isa sa atin ay biniyayaan ng Diyos ng pagkakataong magbalik-loob sa Kaniya habang tayong lahat ay patuloy na namumuhay at naglalakbay nang pansamantala dito sa mundong ito. Kaya, hindi natin dapat sayangin ang mga pagkakataong ito na kaloob sa atin ng Panginoong Diyos. 

Hindi lamang binibigyan ng pansin at pinagninilayan ng Simbahan ang mga salitang binibigkas ng mga pari at ng mga ministro sa rito ng paglalagay ng abo sa tuwing sasapit ang Miyerkules ng Abo kada taon. Bagkus, inilalarawan ng mga salitang ito ang pangunahing aral at temang binibigyan ng pansin ng Simbahan sa panahon ng Kuwaresma na nagsisimula pagsapit ng Miyerkules ng Abo taun-taon. Ito ang tema ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay o Kuwaresma. Katunayan, ito ang panawagan ng Simbahan sa lahat sa bawat araw ng taon. Lalo lamang ito pinagtutuunan ng pansin tuwing sasapit ang panahong ito. 

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Miyerkules ng Abo ay nakasentro sa mga salitang ito mula sa dalawang pormularyong ito na binibigkas ng mga pari at ng mga ministro habang isinasagawa ang rito ng paglalagay ng abo. Inilarawan ang ugnayan ng dalawang alternatibong pormularyong ito sa mga Pagbasa. 

Nakasentro sa taos-pusong pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos ang mga salita sa isang pormularyo na hango mula sa isa sa mga pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa simula ng Kaniyang pampublikong ministeryo: "Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya" (Marcos 1, 13). Ang mga salitang binigkas ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Joel sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa taos-pusong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan at pagbalik-loob sa Kaniya. Isang dalangin ang binigkas ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Sa dalanging ito, buong kababaang-loob na humihingi ng habag at awa mula sa Diyos ang tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Isinalungguhit naman ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na dapat maging tapat at taos-puso ang pamamanata sa Diyos. Kasama rito ang paghingi ng habag at awa sa Panginoong Diyos. 

Bakit tayo dapat magsisi at tumalikod sa kasalanan at magbalik-loob sa Diyos? Ang sagot ay matatagpuan sa isa pang pormularyong maaaring bigkasin ng mga pari at ng mga ministro sa rito ng pagpapahid o paglalagay ng abo sa noo o ulo: "Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas ang iyong pinanggalingan" (Genesis 3, 19). Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na hindi natin dapat patagalin pa ang ating pagbabalik-loob sa Panginoon. Bagkus, ang pagbabalik-loob sa Diyos ay dapat natin gawin ngayon (2 Corinto 6, 2). Ito ay hindi natin dapat patagalin pa. Hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Dapat magbalik-loob na tayo habang may panahon pa. Tandaan, isa itong biyaya ng Diyos. Walang sinuman sa atin ang karapat-dapat sa biyayang ito ng habag at awa ng Diyos. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya pa rin ng Diyos na bigyan tayo ng pagkakataong magbalik-loob sa Kaniya upang makapiling natin Siya sa Kaniyang kaharian sa kalangitan magpakailanman sa wakas ng buhay natin dito sa lupa. Dahil dito, dapat pahalagahan ang biyayang ito. 

Kahit hindi tayo karapat-dapat sa biyayang ito, niloob pa rin ng Panginoong Diyos na bigyan tayo ng pagkakataong linisin at dalisayin ng Kaniyang habag at awa ang ating mga puso at loobin upang tayong lahat ay gawing banal. Ito ang dahilan kung bakit Niya tayo iniligtas sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Ang abo na inilagay sa ating mga noo o ulo ay sagisag ng katotohanang ito. Sa tulong ng mga abong ito na inilagay o ipinahid sa ating mga ulo o noo, maging mulat nawa tayo sa katotohanang tunay tayong kinahabagan at kinaawaan ng Diyos. Dahil sa habag at awa ng Diyos, habang tayong lahat ay pansamantalang namumuhay at naglalakbay dito sa lupa, lagi Niya tayong pinagkakalooban ng pagkakataong magbalik-loob sa Kaniya nang sa gayon ay mapabanal Niya tayo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento