22 Pebrero 2024
Kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pablo
1 Pedro 5, 1-4/Salmo 22/Mateo 16, 13-19
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1820) Jesus Returning the Keys to St. Peter by Jean Auguste Dominique Ingres (1780–1867), as well as the actual work of art itself from the Musée Ingres Bourdelle in Montauban, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Tiyak na mayroong mga pamilyar sa Ingles ng pangalan ng Kapistahang ito. Sa Ingles, ang pangalan ng Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito ay Chair of Saint Peter. Kung ihahalintulad ito sa pangalan ng Kapistahang ito sa Tagalog, 'di hamak na mas detalyado ang Tagalog na salin ng pangalan ng Pistang ito. "Chair" kasi ang salitang ginamit sa Ingles habang "Luklukan" ang ginamit sa Tagalog na salin ng pangalan ng pagdiriwang na ito. Kapag inisip natin "Chair," iisipin natin ang iba't ibang uri ng upuan habang isang spesipikong upuan ang "Luklukan."
Ang mga katedra ng mga obispo na nakikita natin sa mga Katedral ng iba't ibang mga diyosesis katulad na lamang ng Katedral ng Maynila ay ilang mga halimbawa ng mga luklukan. Sa rito ng pagtatalaga ng obispo ng isang diyosesis, iniluluklok ang obispo sa kaniyang katedra na sumasagisag sa kaniyang kapangyarihan at tungkulin bilang obispo ng nasabing diyosesis.
Hindi nakasentro sa literal na luklukan ang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Bagkus, nakasentro ito sa kapangyarihan at tungkuling sinasagisag ng isang luklukan. Sa kaso ng Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito, ang binibigyan ng pansin ay ang kapangyarihan at tungkulin ng Santo Papa. Isa lamang ang dahilan kung bakit. Ang unang Santo Papa ng Simbahan ay si Apostol San Pedro. Tampok sa Ebanghelyo ang salaysay kung paanong naging unang Santo Papa ng Simbahan ang dating mangingisdang anak ni Jonas si Apostol San Pedro.
Subalit, ang pag-agaw sa kawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno dito sa mundo ay hindi tungkulin ng Santo Papa. Bagkus, inatasan sila upang ang kawan ng Poong Jesus Nazareno dito sa mundo ay kanilang pangasiwaang mabuti. Ipinahiwatig ito sa pangaral ni Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa nang kaniyang bigkasin sa wakas nito na mayroong Pangulong Pastol ang Simbahan (1 Pedro 5, 4). Kaya naman, ang lahat ng mga Santo Papa, kabilang na rito si Apostol San Pedro, ay kilala bilang mga bikaryo at kinatawan ni Kristo dito sa lupa.
Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na mayroong isang Pastol na tunay na umiibig at kumakalinga sa atin. Ang nag-iisang Pastol na ito ay walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno. Pinatutunayan ito ni Apostol San Pedro at ng mga sumunod sa kaniya bilang Santo Papa ng Kaniyang Simbahan. Bilang mga bikaryo at kinatawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ipinapaalala ng mga Santo Papa na hindi pinababayaan ng Panginoon ang Kaniyang kawan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento