13 Pebrero 2024
Kapistahan ng Kabanal-Banalang Mukha ni Jesus Nazareno
Martes ng Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Santiago 1, 12-18/Salmo 93/Marcos 8, 14-21
Taun-taun, tuwing sasapit ang Martes bago ang Miyerkules ng Abo, ipinagdiriwang ng Simbahan ang Kapistahan ng Banal na Mukha ng Poong Jesus Nazareno. Maaari itong ituring na isa itong pasilip na dahilan ng ating paghahandaan bilang Simbahan sa panahon ng Kuwaresma. Ang panahon ng Kuwaresma, na magsisimula sa araw na kasunod nito, ang Miyerkules ng Abo, ay inilaan para sa taimtim na paghahanda ng ating mga sarili para sa pagdiriwang ng rurok o sentro ng ating pananampalataya na walang iba kundi ang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno, ang Kaniyang Misteryo Paskwal.
Nakasentro sa katapatan sa Panginoong Diyos ang mga Pagbasa para sa araw na ito, ang Martes bago ang Miyerkules ng Abo. Ito ang pangunahing layunin ng taimtim na paghahanda na isasagawa natin bilang mga Katoliko sa panahon ng Kuwaresma na magsisimula sa Miyerkules ng Abo. Sa pamamagitan ng ating paghahanda para sa solemneng pagdiriwang ng Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno, ang ating taos-pusong katapatan sa Kaniya ay ating pinatutunayan at inihahayag.
Sa Unang Pagbasa, inilarawan ni Apostol Santo Santiago ang kahalagahan ng walang maliw na katapatan sa Diyos hanggang sa huli. Mayroong biyayang inilaan ang Diyos para sa mga mananatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli. Ipagkakaloob ng Diyos ang Kaniyang biyaya, pag-ibig, habag, at awa sa mga mananatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli. Upang matamasa natin ang walang hanggang dakilang pag-ibig, biyaya, habag, at awa ng Diyos, dapat manatili tayong tapat sa Kaniya.
Inilarawan sa Salmong Tugunan ang katangian ng mga tunay na matapat sa Diyos hanggang sa huli. Ang mga tunay na matapat sa Diyos ay laging bukas sa Kaniyang mga aral at loobin hanggang sa huli. Lagi nilang binubuksan ang kanilang mga puso sa Diyos. Sa pamamagitan nito, tinatanggap, pinararangalan, at sinasamba nila ang Diyos bilang tunay nilang Hari, Panginoon, at Manunubos.
Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay nakasentro sa pangaral ni Jesus Nazareno na hindi nga lamang naunawaan ng mga apostol. Tampok sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang bersyon ni San Marcos. Subalit, mayroon ring bersyon ng kaganapang ito si San Mateo. Inilarawan sa salaysay ng kaganapang ito sa Ebanghelyo ni San Mateo kung ano ang ibig sabihin ng Poong Jesus Nazareno. Hindi lebadura na ginagamit sa paggawa ang tinutukoy ng Mahal na Poong Jesus Nazareno kundi ang mga turo ng mga Pariseo at mga Saduseo (Mateo 16, 12). Sa bersyon ni San Marcos, ang mga turo ng mga Pariseo at ang mga naisin ni Herodes ang tinutukoy ng Poong Señor sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Isa lamang ang ibig sabihin nito - sa Kaniya nating buksan ang ating mga puso at isipan. Sa Señor lamang tayo dapat nakasentro.
Kahit hindi Niya kinailangan itong gawin, ipinasiya ng Panginoong Jesus Nazareno na maging tapat sa atin. Ito ang tanging dahilan kung bakit Niya ipinasiyang harapin at tanggapin ang Kaniyang Banal na Krus. Ang larawan ng Banal na Mukha ng Poong Jesus Nazareno ay sagisag at paalala ng Kaniyang pasiyang ito. Kung naging tapat sa atin ang Panginoong Jesus Nazareno, kahit hindi naman kailangan, nararapat lamang na tayong lahat ay maging tapat rin sa Kaniya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento