23 Pebrero 2024
Biyernes ng Unang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda
Ezekiel 18, 21-28/Salmo 129/Mateo 5, 20-26
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1640 and 1650) Flagellation of Christ by Matthias Stom (fl. 1615–1649) which is made available by the Netherlands Institute of Art History under digital ID 300507, as well as the actual work of art itself from art dealer Robilant & Voena, London/Milan/New York/Paris, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Tiyak na ilang ulit na nating pinagnilayan ang aral na itinatampok sa mga Pagbasa para sa araw na ito. Subalit, muling pinagtutuunan ng pansin at pinagninilayan nang buong kataimtiman ang aral na ito sa araw na ito nang sa gayon ay magkaroon tayo ng pagkakataong sariwain muli ang ating pagkilala sa Panginoon. Makakatulong sa ating taimtim na paghahanda ng sarili sa panahong ito ng Kuwaresma ang gawaing ito na laging ginagawa ng Simbahan, lalung-lalo na tuwing sasapit ang panahong ito.
Ang aral na muling pinagtutuunan ng pansin ng Simbahan sa araw na ito ay ang hindi mapagkakailang habag at awa ng Diyos. Hindi isang konsepto ang habag at awa ng Diyos. Bagkus, ito ay tunay at totoo. Dahil sa habag at awa ng Diyos na tunay at totoo, ipinasiya Niya tayong iligtas sa pamamagitan ng ipinangakong Manunubos na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Nakasentro sa aral na ito ang mga Pagbasa para sa araw na ito. Ipinakilala ng Panginoong Diyos ang Kaniyang sarili bilang Diyos na mahabagin at maawain sa Unang Pagbasa. Sa Salmong Tugunan, nagbigay ng patotoo ang tampok na mang-aawit tungkol sa walang maliw na habag at awa ng Diyos. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagturo naman tungkol sa pakikipagkasundo sa Kaniyang pangaral sa mga tao sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng mga salitang ito sa mga Pagbasa, muling ipinapaalala sa atin ng Simbahan na ang habag at awa ng Diyos ay tunay at totoo.
Dahil sa habag at awa ng Diyos na tunay at totoo, tayong lahat ay ipinasiya Niyang iligtas sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, binigyan Niya tayo ng pagkakataong makipagkasundo sa Kaniya. Kahit na hindi tayo karapat-dapat sa biyayang ito, ipinasiya pa rin ng Panginoong Diyos na ipagkaloob sa atin ang biyayang ito. Ang bawat imahen ng Poong Jesus Nazareno na nagpasan ng Krus ay mga sagisag at paalala ng katotohanang ito.
Pinagkalooban tayo ng pagkakataon ng Diyos na makipagkasundo sa Kaniya. Huwag nawa nating sayangin ang pagkakataong ito habang ipinagpapatuloy ng bawat isa sa atin ang ating pansamantalang paglalakbay dito sa mundo. Makipagkasundo tayo sa Diyos. Taos-puso nating pagsisihan at talikdan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kaniya. Makipagkasundo rin tayo sa kapwa nang sa gayon ay magkaroon rin sila ng kalakbay at kasama sa landas ng kabanalan patungo sa Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento