19 Marso 2024
Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a)
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 18th century) The death of Saint Joseph by Bartolomeo Altomonte, as well as the actual work of art itself from an Unindentified location, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Mayroong dalawang pagpipilian sa Ebanghelyo ang mga pari sa Misa para sa araw na ito sapagkat dalawang kaganapan sa buhay ni San Jose ay itinatampok at isinalaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Ang isa na mula sa Ebanghelyo ni San Mateo ay tungkol sa tahimik at taos-pusong pagtanggap ni San Jose sa misyon at tungkuling ibinigay sa kaniya ng Diyos na ibinalita sa kaniya ng isang anghel mula sa langit na nagpakita sa kaniya sa isang panaginip habang yaong isa naman na hango mula sa Ebanghelyo ni San Lucas ay tungkol sa paghahanap sa Batang Jesus Nazareno nang mawala Siya sa loob ng tatlong araw. Dalawa lamang ito sa mga ilang kaganapan sa buhay ni San Jose na inilahad sa Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas.
Ang salaysay ng tahimik at taos-pusong pagtanggap ni San Jose sa misyong ibinigay sa kaniya ng Diyos bilang ama-amahan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno na ibinalita sa kaniya ng isang anghel ng Panginoon na nagpakita sa kaniya sa isang panaginip na itinampok sa isa sa dalawang Ebanghelyo para sa araw na ito ay ang unang pagkakataon sa Ebanghelyo ni San Mateo kung kailan natin siya makikitang may aktibong papel. Sa alternatibong Ebanghelyo na nagmula naman sa Ebanghelyo ni San Lucas, isinalaysay ang paghahanap sa Batang Jesus Nazareno na natagpuan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at ni San Jose sa loob ng Templo sa ikatlong araw. Ito ang huling pagkakataon sa Ebanghelyo ni San Lucas kung kailan si San Jose ay makikitang may aktibong papel na ginagampanan sa salaysay ng buhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Pagkatapos ng salaysay ng kaganapang ito sa buhay ng Poong Jesus Nazareno, wala na tayong maririnig tungkol kay San Jose. May ilang mga pagkakataong binanggit ng ilang mga tao ang pangalan ni San Jose, subalit wala na tayong maririnig tungkol kay San Jose magmula noong simulan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang ministeryo.
Sa ilang mga sandali sa ministeryo ng Poong Jesus Nazareno, binanggit ng ilang mga tao ang pangalan ni San Jose kapag nagtatanungan sila tungkol sa pagkakilanlan ng Nazareno. Iyon nga lamang, hindi siya kasama ng Panginoong Jesus Nazareno at ng kaniyang kabiyak ng puso na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria sa ilang mga sandali gaya na lamang ng Kasalan sa Cana. Katunayan, wala si San Jose noong ipinako sa Krus sa bundok ng Kalbaryo ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Marahil tatanungin ng ilan kung bakit wala si San Jose sa Kalbaryo. Ayon sa tradisyon, bago simulan ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang ministeryo, si San Jose ay pumanaw. Dahil dito, kinikilala si San Jose bilang pintakasi ng banal na pagpanaw. Si San Jose ay pumanaw na puspos ng grasya ng Diyos. Pumanaw siya sa piling ng kaniyang mga minamahal sa buhay na si Jesus Nazareno at ang Birheng Maria.
Paano napuspos ng grasya si San Jose sa sandali ng kaniyang pagpanaw sa mundong ito? Inilarawan sa mga Pagbasa para sa araw na ito na inilaan ng Simbahan para sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan sa karangalan ng dakilang santong si San Jose kung paano siya napuspos ng biyaya ng Panginoon sa bawat sandali ng kaniyang buhay dito sa lupa. Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa pagiging mapagpala ng Panginoong Diyos. Sa Unang Pagbasa, iniutos ng Panginoong Diyos kay Propeta Natan na ihatid kay Haring David ang balita tungkol sa biyayang ipagkakaloob Niya sa lingkod Niyang ito. Ipinangako ng Diyos na si Haring David ay susundan ng isa sa kaniyang mga anak bilang hari sa sandali ng kaniyang pagpanaw. Tinupad nga ng Diyos ang pangakong ito sa pamamagitan ni Solomon. Subalit, mula rin sa angkan at lipi ni Haring David magmumula ang Hari ng mga Hari na walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno. Gaya ng sabi ng mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa Dakilang Kapistahang ito: "Lahi niya'y walang wakas, kailanma'y hindi lilipas" (Salmo 88, 37). Sa Ikalawang Pagbasa, ang halimbawang ipinakita ng ama ng pananampalataya na si Abraham ay binanggit sa pangaral ni Apostol San Pablo tungkol sa pananalig sa Diyos. Kahit napakahirap itong gawin, ipinasiya pa rin ni Abraham na manalig at umasa sa Panginoong Diyos na hindi nakakalimot sa Kaniyang pangako. Sa pamamagitan ng kaniyang pasiyang ito, binuksan ni Abraham ang kaniyang sarili sa biyaya ng Diyos.
Katulad nina Haring David sa Unang Pagbasa at ni Abraham sa Ikalawang Pagbasa, naging bukas si San Jose sa biyaya ng Diyos. Ang kaniyang puso ay hindi niya isinara sa biyaya ng Diyos. Bagkus, binuksan niya ang buo niyang puso at sarili sa dakilang biyaya ng Diyos. Sa pamamagitan nito, ipinakita ni San Jose ang kaniyang pananalig at pag-asa sa Diyos. Pinatunayan ito ni Jose sa pamamagitan ng kaniyang tahimik at taos-pusong pagtanggap at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ito ang bukod tanging dahilan kung bakit si Jose ay pumanaw taglay ang grasya ng Diyos.
Itinatampok ng Simbahan sa araw na ito ang halimbawa ni San Jose upang ituro sa atin kung paano tayo mamumuhay na puspos ang biyaya ng Diyos sa bawat sandali ng pansamantala nating pamumuhay at paglalakbay sa mundong ito. Buksan ang sarili sa biyaya ng Diyos. Pahintulutan nating maghari ang Panginoong Diyos sa ating buhay. Tanggapin at sundin ang Kaniyang kalooban. Ating pinatutunayan ang tapat at taos-puso nating pananalig at pag-asa sa Kaniya sa pamamagitan nito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento