Martes, Pebrero 20, 2024

TAOS SA PUSO

3 Marso 2024 
Ikatlong Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay [B] 
Exodo 20, 1-17 (o kaya: 20, 1-3.7-8. 12-17)/Salmo 18/1 Corinto 1, 22-25/Juan 2, 13-25  

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1630 and 1633) Christ chasing the money changers from the temple by Matthias Stom (fl. 1615–1649), as well actual work of art itself from the Kremer Collection, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States of America, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

"Hindi na kailangang may magsalita pa [kay Hesus] tungkol sa kaninuman, sapagkat talastas Niya ang kalooban ng lahat ng tao" (Juan 2, 25). Sa mga salitang ito sa wakas ng Ebanghelyo para sa Linggong ito nakasentro ang pagninilay ng Simbahan para sa Linggong ito, ang Ikatlong Linggo ng Kuwaresma o ang 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay. Tampok sa salaysay Ebanghelyo para sa Linggong ito ang isinagawang paglilinis ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Templo. Kapag Taon B sa Kalendaryo ng Simbahan, pagsapit ng Ikatlong Linggo ng Kuwaresma, itinatampok ang salaysay ng kaganapang ito sa Ebanghelyo upang paalalahanan tayo tungkol sa dahilan kung bakit ang banal na panahong ito ng Kuwaresma ay inilaan ng Simbahan para sa pagtitika, pag-aayuno, pagkakawanggawa, pananalangin, at pagdedebosyon bilang paghahanda para sa pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. 

Ang mga salita sa huling bahagi ng Ebanghelyo para sa Linggong ito ay ang bukod tanging dahilan kung bakit ang Poong Jesus Nazareno ay nagalit nang labis sa unang bahagi ng nasabing salaysay. Isinalamin ng mga ginawa ng mga tao sa Templo gaya na lamang ng pagpapalit ng salapi at ang pagbebenta ng mga baka, mga tupa, at mga kalapati ang nilalaman ng kanilang mga puso. Hindi na nila pinahalagahan ang Diyos. Para sa kanila, ang salapi ay higit na mahalaga kaysa sa Panginoong Diyos. Dahil dito, labis na nasaktan ang Poong Jesus Nazareno. Ang galit Niyang ito ay bunga ng sakit dahil hindi nila pinahalagahan ang lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa kanila na sumasalamin sa Kaniyang pag-ibig. 

Tampok sa salaysay sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito ang pagbibigay ng Diyos ng Sampung Utos. Isa lamang ang dahilan kung bakit ibinigay ng Diyos ang Sampung Utos. Nais ng Panginoong Diyos na gabayan at patnubayan ang Kaniyang bayan. Ang hangad ng Panginoong Diyos ay mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin ang Kaniyang bayang hinirang. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kaniyang mga utos na ito, tinutulungan ng Panginoon ang mga Israelita na mamuhay ayon sa Kaniyang mga utos at loobin. 

Inilarawan ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito ang dahilan kung bakit dapat sundin ang mga utos ng Diyos. Sabi ng tampok na mang-aawit: "Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang, ito'y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay" (Salmo 18, 8). Katunayan, ang mga salitang binigkas ni Apostol San Pedro sa Mahal na Poong Jesus Nazareno matapos Siyang iwanan ng marami sa mga sumunod sa Kaniya sapagkat hindi nila matanggap ang Kaniyang mga turo at aral: "Panginoon, Iyong taglay ang Salitang bumubuhay" (Juan 6, 68k). Isa lamang ang isinasalungguhit ng mang-aawit sa Salmong Tugunan at ni Apostol San Pedro. Hindi natin mahahanap ang buhay na walang hanggan sa mundong ito. Bagkus, sa Diyos lamang natin matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Kung ang biyayang ito mula sa Panginoong Diyos ay nais nating matamasa, sundin natin ang Kaniyang mga utos, aral, at loobin nang taos-puso. 

Nakasentro sa misteryo ng Banal na Krus ni Kristo ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito. Sa pamamagitan ng Kabanal-banalang Krus ni Kristo, muling inihayag ng Diyos ang Kaniyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat. Katunayan, ang Krus na Banal ng Poong Jesus Nazareno ay ang pinakadakilang tanda ng dakilang pag-ibig ng Diyos para sa buong sangkatauhan. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, iniligtas Niya tayo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno upang magkaroon tayo ng pagkakataong mamuhay nang banal at tapat sa Kaniya, gaya ng Kaniyang naisin, loobin, at hangarin para sa atin. Bukod pa roon, nais rin ng Diyos na gawin natin iyon nang tapat at taos-puso. 

Kung nais nating matamasa ang walang hanggang biyaya ng Diyos, tuparin natin at sundin ang Kaniyang mga utos at loobin nang tapat at taos-puso. Ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay naging taos-puso sa Kaniyang paghahandog ng buo Niyang sarili para sa atin upang tayong lahat ay Kaniyang mailigtas. Dahil dito, dapat ring maging taos-puso ang ating pagtupad at pagsunod sa Kaniyang mga utos, turo at loobin bilang tugon sa Kaniya na nagligtas sa atin dahil tunay Niya tayong kinahabagan at minahal nang taos-puso. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento