8 Marso 2024
Biyernes sa Ikatlong Linggo ng 40 Araw na Paghahanda
Oseas 14, 2-10/Salmo 80/Marcos 12, 28-34
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1510) Ecce Homo by Il Sodoma (1477–1549), as well as the actual work of art itself from the Pinacoteca di Brera in Milan, Italy via the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
"Tinig Ko'y iyong pakinggan, ang sabi ng Poong mahal" (Salmo 80, 11 at 9a). Sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan para sa araw na ito nakatuon ang pansin ng mga Pagbasa para sa araw na ito. Itinutuon ng Simbahan ang ating pansin sa aral na isinasalungguhit sa mga Pagbasa para sa araw na ito. Ang layunin ng Simbahan ay gabayan at tulungan tayo sa ating taimtim na pagninilay habang ipinagpapatuloy natin ang ating taimtim na paghahanda ng sarili at paglalakbay ngayong panahon ng Kuwaresma. Pakikinig sa Diyos ang temang isinasalungguhit sa mga Pagbasa para sa araw na ito sa loob ng panahon ng Kuwaresma.
Sa Unang Pagbasa, nagsalita ang Diyos sa Kaniyang bayan. Ang mga salitang ito na binigkas ng Panginoong Diyos na inilahad naman ni Propeta Oseas ay isang pakiusap para sa bayang Israel. Isa lamang ang pakiusap ng Panginoong Diyos para sa kanila: magsisi at magbalik-loob sa Kaniya. Nais ng Panginoong Diyos na maging tapat sa Kaniya muli ang Kaniyang bayan. Handa Siyang tanggapin at patawarin ang Kaniyang hirang na bayan. Basta't pakinggan at sundin lamang ng Kaniyang bayang hinirang ang Kaniyang hiling at pakiusap, matatamasa nila ang Kaniyang habag at awa.
Inihayag naman ni Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang pinakamahalagang utos bilang tugon sa tanong ng mga eskriba sa Kaniya tungkol sa nasabing paksa. Napakalinaw kung ano ang hinihingi ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ng pinakamahalagang utos na ito - ibigin Siya nang higit sa lahat at ibigin ang kapwa gaya ng sarili. Katunayan, ang pinakamahalagang utos na ito ay ang buod ng Sampung Utos. Isinasalamin ng utos na ito ang tanging hangarin ng Panginoong Diyos para sa lahat. Ang nais ng Diyos ay ipalaganap ang dakila Niyang pag-ibig. Nais ng Panginoong Diyos na maging mga tagapagpalaganap ng Kaniyang pag-ibig ang lahat ng mga tao sa mundo. Ito pa rin ang nais ng Panginoong Diyos para sa lahat, kahit sa kasalukuyang panahon. Ang hangaring ito ng Panginoon ay hindi nagbabago kailanman.
Ang pakiusap sa atin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa araw na ito ay makinig sa Kaniya. Pakinggan at sundin ang Kaniyang mga utos at loobin para sa atin. Bilang mga tapat na deboto ng Poong Jesus Nazareno, dapat nating buksan ang ating mga puso, isipan, at pandinig sa Kaniya. Maging daan nawa ang ating pakikinig sa Kaniya na tumawag at humirang sa atin patungo sa tapat at taos-pusong pagsunod sa mga utos at loobin Niya para sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento