Martes, Pebrero 27, 2024

TANDA NG KANIYANG KATAPATANG WALANG MALIW

17 Marso 2024 
Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay [B] 
Jeremias 31, 31-34/Salmo 50/Hebreo 5, 7-9/Juan 12, 20-33 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between circa 1580 and circa 1590) Cristo con la cruz a cuestas by Juan Zariñena (1545–1619), as well as the actual work of art itself from the Museo Camon Aznar, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

"Tandaan ninyo: malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito'y mamumunga nang marami" (Juan 12, 24). Sa mga salitang ito na binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo nakasentro ang pagdiriwang ng Simbahan sa Linggong ito, ang Ikalimang Linggo ng Kuwaresma o ang 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na siyang huling Linggo bago ang mga Mahal na Araw. Bagamat patalinghaga, isa lamang ang ibig sabihin ng mga salitang ito na binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Ang Banal na Krus ay kailangan muna Niyang harapin at batain bago Niya makamit ang tagumpay dulot ng Kaniyang Muling Pagkabuhay. Magkaugnay ang Krus at Muling Pagkabuhay. Hindi maaaring paghiwalayin ang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Ipagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno ang pinakadakilang biyaya ng Kaniyang pagliligtas. 

Ang Banal na Krus ay isang napakahalagang bahagi ng misyon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kung wala ang Krus na Banal, walang Muling Pagkabuhay na magaganap. Ito ang dahilan kung bakit nasabi rin ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na dumating Siya sa mundong ito upang danasin ang kahirapang kaakibat ng Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas na ipinagkaloob ng Diyos para sa ikaliligtas ng buong sangkatauhan (Juan 12, 27). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, inilarawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang ugnayan ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Kung tutuusin, ang mga salitang ito ay binigkas ni Jesus Nazareno matapos gamitin ang larawan ng butil ng trigo upang ipaliwanag ang halaga ng Krus na Banal sa Kaniyang misyon. 

Nakasentro rin sa Banal na Krus ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang pangaral ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa. Katulad ng mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo tungkol sa ugnayan ng Kaniyang Krus na Banal at ng Kaniyang Muling Pagkabuhay, ipinaliwanag sa pangaral na ito na itinampok sa Ikalawang Pagbasa kung bakit isang napakahalagang bahagi ng misyon ng Nuestro Padre Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ang Kaniyang Krus na Banal. Isang napakahalagang bahagi ng misyon ni Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Diyos para sa ikaliligtas ng sangkatauhan ang Kaniyang Krus na Banal dahil niloob ito ng Diyos noon pa man. Oo, labis na nasaktan ang Diyos. Napakasakit para sa Amang nasa langit na masaksihan mula sa langit ang mapait na pagpapakasakit at pagkamatay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na Kaniyang Bugtong na Anak sa Krus na Banal. Subalit, sa kabila nito, ang hapdi, kirot, sakit, at dalamhati ay kusang-loob na tiniis ng Amang nasa langit dahil tunay Niyang iniibig, kinaawaan, at kinahahabagan ng sangkatauhan. Kaya naman, sa kabila ng hapdi, kirot, sakit, hapis, at dalamhating dulot nito, pinahintulutan pa rin ng Diyos na mangyari ito. Ito naman ay buong kababaang-loob na tinanggap, tinupad, at sinunod ng Poong Jesus Nazareno na Kaniyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag nang malakas ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng propetang Kaniyang hirang si Propeta Jeremias na gagawa Siya ng bagong tipan sa Israel at Juda. Tinupad ng Diyos ang mga salitang ito na inilahad naman ng Kaniyang hirang na propeta na si Propeta Jeremias sa Kaniyang bayan sa Unang Pagbasa nang sumapit ang takdang panahon sa Bagong Tipan sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak. Ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na gawin ito ay ipinaliwanag rin Niya mismo sa nasabing pahayag sa Unang Pagbasa. Dahil sa Kaniyang walang maliw na katapatan, ipinasiya ng Diyos na makipagtipan sa Kaniyang bayan. Ang Poong Jesus Nazareno ay ang pinakadakilang patunay nito. Sabi sa Ikalawang Pagbasa, kahit alam ng Poong Jesus Nazareno na hindi biro ang hirap at sakit na Kaniyang haharapin, babatain, at titiisin kapag ipinasiya Niyang harapin, yakapin, at tanggapin ang Kaniyang Krus, ang bahaging ito ng dakilang plano ng Diyos ay ipinasiya pa rin Niyang tuparin at sundin nang buong kababaang-loob.

Itinampok sa Salmong Tugunan ang isang dalangin ng mang-aawit nito. Napakalinaw sa dalanging ito ang hiling ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito. Ang hiling ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ay maging tapat sa Kaniya (Salmo 50, 12a). Humihingi ng tulong mula sa Diyos ang tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Nais niyang maging tapat sa Diyos. Ang kaniyang puso at loobin ay buong kababaang-loob niyang binubuksan at inihahandog sa Diyos. Binubuksan niya ang buo niyang puso at sarili sa paglilinis at pagdalisay ng Diyos na unang naging tapat sa lahat. Isang aral ang itinuturo sa lahat ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan sa pamamagitan ng dalanging ito. Maging tapat sa Diyos. Naging tapat sa atin ang Diyos, kahit na hindi tayo karapat-dapat. Kaya naman, dapat rin tayong tapat sa Kaniya. 

Dahil tapat Siya sa Kaniyang pag-ibig sa atin, pinahintulutan ng Diyos na magbata ng maraming hirap, pagdurusa, sakit, at kamatayan ang Kaniyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Jesus Nazareno. Ang aspetong ito ng dakilang planong ito ng Diyos ay buong kababaang-loob na tinanggap, sinunod, at tinupad ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay, ang tagumpay ng katapatan at pag-ibig ng Diyos para sa atin ay nahayag. Kaya naman, dapat rin tayong maging tapat sa Diyos sapagkat ipinasiya Niyang maging tapat sa atin, kahit na hindi tayo karapat-dapat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento