9 Pebrero 2024
Biyernes ng Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
1 Hari 11, 29-32; 12, 19/Salmo 80/Marcos 7, 31-37
SCREENSHOT: Enero 29, 2024 | Maringal na Pagkilala bilang Pambansang Dambana ni Jesus Nazareno (Quiapo Church Facebook and YouTube)
"Tinig Ko'y iyong pakinggan, ang sabi ng Poong mahal" (Salmo 80, 11a at 9a). Sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan nakasentro ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes na inilaan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Katunayan, ang mga salitang binigkas ni Kristo sa Ebanghelyo habang pinagaling Niya ang isang lalaking bingi at utal ay "Effata" na ang kahulugan ay "Mabuksan" (Marcos 7, 34). Isa lamang ang aral na nais ituro sa atin - maging bukas sa Diyos. Laging ibukas ang sarili sa Panginoong Diyos.
Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong si Haring Solomon ay pinarusahan ng Diyos dahil ipinasiya niyang maging tapat. Oo, pumanaw na siya nang maganap ang mga kaganapang inilahad sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa. Subalit, kahit na pumanaw na si Solomon, tinupad pa rin ito ng Diyos. Ito ay dahil isang napakabigat na kasalanan ang ginawa ni Solomon sa mga huling sandali ng kaniyang buhay. Sa halip na manatiling tapat sa Panginoong Diyos hanggang sa huli, ipinasiya ni Haring Solomon na sumamba sa mga diyus-diyusan (1 Hari 11, 9-11). Ang pasiyang ito ay nagdulot ng matinding sakit sa puso ng Diyos. Labis na nasaktan ang Panginoon sa pasiyang ito ni Solomon. Inihayag ni Solomon sa pamamagitan ng kaniyang pasiyang ito na hindi niya pinahalagahan ang tulong ng Diyos. Kaya naman, isinara niya ang kaniyang puso at loobin sa Panginoong Diyos.
Kung tunay ang ating debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, hindi natin isasara ang ating mga puso sa Kaniya. Bagkus, lagi nating ibubukas ang ating mga sarili sa Kaniya. Pahihintulutan natin si Jesus Nazareno na maging Diyos, Panginoon, at Hari ng ating buhay sa bawat sandali ng ating buhay sa mundo. Lagi rin nating ibubukas ang ating mga sarili sa dakila Niyang kalooban bilang katibayan ng ating walang maliw na katapatan, pananalig, at pagsamba sa Kaniya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento