Linggo, Pebrero 11, 2024

WALANG MALIW NA KATAPATAN

18 Pebrero 2024 
Unang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay [B] 
Genesis 9, 8-15/Salmo 24/1 Pedro 3, 18-22/Marcos 1, 12-15 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1854) The Temptation of Christ by Ary Scheffer (1795–1858), as well as the original work of art itself from the Walker Art Gallery, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1858. This work is in the Public Domain in the United States of America because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929. 

Minsan lamang sa isang taong itinatampok sa Ebanghelyo ang salaysay ng pagtukso kay Kristo sa ilang. Ang Unang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na tiyak na mas kilala ng nakararami sa atin sa tawag na Kuwaresma ay ang bukod tanging araw ng bawat taon kung kailan itinatampok sa Ebanghelyo ang salaysay ng kaganapang ito sa buhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Matapos binyagan ng Kaniyang kamag-anak na si San Juan Bautista sa Ilog Jordan kung saan ipinakilala Siya ng Amang nasa langit at ng Espiritu Santo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagtungo sa ilang upang manalangin at mag-ayuno sa loob ng 40 araw upang paghandaan ang Kaniyang sarili para sa Kaniyang ministeryo. Doon sa ilang, habang nananalangin at nag-ayuno sa loob ng 40 araw, tinukso Siya ng demonyo. 

Kapag Taon B sa Kalendaryo ng Simbahan, gaya ng kasalukuyang taon, ang bersyong itinatampok sa Ebanghelyo ay ang bersyon ni San Marcos. Si San Marcos ay isa sa tatlong sinotikong Ebanghelista o Manunulat ng Mabuting Balita. Ang dalawa pang mga Ebanghelista o Manunulat ng Mabuting Balita na bumubuo sa mga sinotikong Ebangelyo ay sina San Mateo at San Lucas. Tinatawag sina San Mateo, San Marcos, at San Lucas na mga sinotikong Ebangelista o Manunulat ng Mabuting Balita dahil halos walang pinagkaiba ang kanilang mga salaysay. Matatagpuan rin sa Ebanghelyo ni San Lucas ang karamihan sa mga isinalaysay sa Ebanghelyo ni San Marcos at pati rin sa Ebanghelyo ni San Mateo. 

Subalit, ang salaysay ng pagtukso sa Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ni San Marcos na itinatampok sa Linggong ito ay naiiba sa iba pang mga salaysay ng kaganapang ito. Ito ang pinakamaikling salaysay ng mahalagang kaganapang ito sa buhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dalawang talata lamang ang haba nito sa Ebanghelyo ni San Marcos. Hindi inilarawan ni San Marcos sa kaniyang salaysay ang mga tukso ng demonyo kay Jesus Nazareno. Katunayan, hindi rin niya binanggit kung ilang ulit tinukso si Jesus Nazareno. 

Napakalinaw na hindi mahalaga para kay San Marcos kung ilang ulit nga ba tinukso ang Poong Jesus Nazareno, gaya ng inilarawan sa kaniyang salaysay ng kaganapang ito na itinampok sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Ang pinakamahalaga para kay San Marcos, napagtagumpayan ng Poong Jesus Nazareno ang lahat ng mga tukso ng demonyo. Ilang ulit mang tinukso ang Poong Jesus Nazareno, hindi Siya nagpatalo. Bagkus, nilabanan Niya ang lahat ng mga ito at nagtagumpay. 

Isa lamang ang puntong isinasalungguhit sa maikling salaysay ni San Marcos tungkol sa pagtukso sa Poong Jesus Nazareno sa ilang na itinampok sa Ebanghelyo para sa Linggong ito, ang Unang Linggo ng Kuwaresma. Ang Panginoon ay tapat. Mula noon hanggang ngayon, ang Diyos ay tapat. Hindi titigil sa pagiging tapat ang Diyos. Kung tutuusin, hindi magmamaliw ang katapatan ng Diyos. Gaya ng inilarawan sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa, mananatiling tapat ang Diyos magpakailanman. Ang katapatan ng Diyos ay hindi magmamaliw kailanman. Naging tapat ang Panginoong Diyos kay Noe, gaya ng inilarawan sa Unang Pagbasa. Ipinangako Niyang hindi Niya lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng mga may buhay (Genesis 9, 15). Ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay nakasentro rin sa katapatan ng Diyos na walang maliw. Sa pamamagitan ng binyag, ang Diyos ay nagdudulot ng kaligtasan sa lahat. 

Dahil ang Diyos ay tunay na matapat, dapat rin tayong maging tapat. Ang mga salita ng mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ay isabuhay nawa natin: "Poon, Iyong minamahal ang tapat sa Iyong tipan" (Salmo 24, 10). 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento