Lunes, Pebrero 19, 2024

SA KAHULI-HULIHAN

1 Marso 2024 
Biyernes sa Ikalawang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda 
Genesis 37, 3-4. 12-13a. 17b-28/Salmo 104/Mateo 21, 33-43. 45-46 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1595) Christ Crowned with Thorns by Leonardo Corona (1561–1605), as well as the actual work of art itself from the San Giovanni in Bragora Collection, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This work is in the public domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.

Tiyak na lingid sa kaalaman ng nakararami na hindi lamang noong panahon ng mga propetang gaya na lamang nina Propeta Elias, Jeremias, at Isaias inihayag ng Diyos ang Kaniyang planong tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Katunayan, bago pa man hinirang ng Diyos si Moises at ang iba pang mga propetang sumunod sa kaniya katulad na lamang nina Propeta Elias, Jeremias, at Isaias upang maging Kaniyang mga tagapagsalita sa mga Israelita, ang dakilang planong ito ng Diyos ay inihayag ng Diyos nang paulit-ulit. Hindi lamang Niya ito ginawa sa Halamanan ng Eden matapos ang sangkatauhan ay malugmok sa kasalanan dahil sa pagsuway nina Adan at Eba sa Kaniyang utos. Pagkatapos noon, sa isang hindi pangkaraniwang paraan, inilarawan ng Diyos ang planong ito. 

Itinampok sa Unang Pagbasa si Jose na anak ni Jacob na kilala rin sa tawag na Israel at Raquel. Sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa, inilarawan kung paanong si Jose ay naging alipin. Binenta siya sa pagkaalipin ng kaniyang mga kapatid na hindi siya tinanggap at minahal bilang kapatid dahil labis nila siyang kinainggitan. Sa totoo lamang, mas malala pa nga ang una nilang plano dahil binalak nilang patayin si Jose na kanilang kapatid, ka-dugo, kapamilya. Pinigilan lamang sila ni Ruben. Kaya naman, binenta nila si Jose bilang alipin sa halaga ng 30 pirasong pilak. 

Maituturing itong isang propesiya mula sa Diyos. Tila isang pasilip ang karanasang ito ni Jose ng mangyayari pagdating ng panahon. Inilarawan sa pamamagitan nito kung ano ang mangyayari sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos sa Kaniyang pagdating sa mundo. Darating Siya sa mundo bilang isang biyaya mula sa Diyos, subalit, hindi tatanggapin ng nakararami ang biyayang ito na siyang pinakadakila sa lahat. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ng Poong Jesus Nazareno ang talinghaga tungkol sa mga kasama sa ubasan upang ilarawan kung ano ang mangyayari sa Kaniya. Hindi Siya tatanggapin ng lahat. Kapopootan Siya ng lahat, lalung-lalo na ng mga Pariseo, mga matatanda ng bayan, at ang iba pang mga bumubuo sa Sanedrin. Dahil sa matinding poot laban sa Panginoong Jesus Nazareno, ipapapatay nila Siya. Ito nga ang nangyari noong unang Biyernes Santo. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ipinapatay ng lahat ng Kaniyang mga kaaway sa pamamagitan ng pagpapako sa Kaniya sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo. 

Dahil sa tono at tema ng Unang Pagbasa at Ebanghelyo, tila parang wala sa lugar ang mga salitang binigkas ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Inihayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Gunitain nating malugod ang dakilang gawa ng D'yos" (Salmo 104, 5a). Paano naman naging mga dakilang gawa ng Panginoong Diyos ang mga isinalaysay sa Unang Pagbasa at ang inilarawan sa talinghaga ni Jesus Nazareno sa Ebanghelyo? Si Jose ay naging isang tagapamahala sa Ehipto at naligtas ang Ehipto mula sa taggutom. Ang mga kapatid ni Jose ay nagtungo roon upang makabili ng pagkain para sa kanilang pamilya na noon ay nasa Canaan. Kalaunan, pinatawad ni Jose ang kaniyang mga kapatid at lumipat sila sa Ehipto kasama ang kanilang amang si Jacob upang makaligtas sila mula sa taggutom na laganap sa buong lupain noon. Ang Poong Jesus Nazareno naman, matapos ang Kaniyang pagkamatay sa Krus, ay hindi nanatiling isang bangkay na nakalibing sa loob ng Banal na Libingan. Bagkus, muli Siyang nabuhay sa ikatlong araw. Sa pamamagitan nito, nahayag ang Kaniyang kadakilaan bilang Diyos, Tagapagligtas, at Hari na naging matagumpay sa Kaniyang planong pagtubos sa sangkatauhan. 

Hindi halata sa unang tingin ang kadakilaan ng Panginoong Diyos, lalung-lalo sa mga sandali ng kagipitan, pagdurusa, hirap, sakit, tukso, hapis, at kadiliman. Katunayan, napakalabo ito para sa atin sa unang tingin. Dahil dito, hindi natin ito maunawaan. Sa totoo lamang, tiyak na ito ang dahilan kung bakit takot tayo sa plano ng Panginoong Diyos. Para na rin nating gustong tanungin ang Diyos kung paano ito mangyayari sa kabila ng lahat ng mga kawalan ng katarungan, kadiliman, at kasamaan. Bakit ito ang plano, nais, at loobin ng Diyos? Wala na bang ibang paraan na mas madaling unawain at tanggapin, na malayo mula sa kawalan ng katarungan, kadiliman, at kasamaan? 

Oo, batid ng Diyos ang kalagayan ng mundo. Alam Niya kung paanong ilang ulit na lumalaganap ang kasamaan, tukso, kadiliman, hirap, sakit, kawalan ng katarungan, at iba pang pag-uusig sa buhay. Subalit, kailanman, hindi sinabi ng Panginoong Diyos na magiging madali ang Kaniyang plano, naisin, at kalooban. Tingnan natin nang mabuti ang bawat sagradong imahen at larawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Hindi natin kailangang magsitungo sa Simbahan ng Quiapo upang masilayan natin ang imahen ng Poong Jesus Nazareno, lalung-lalo na't maraming replika ang imahen ng Poong Jesus Nazareno sa iba't ibang mga Simbahan. Isinasalarawan ng mga imahen o larawang ito ang plano ng Diyos. Naging madali ba iyon para sa Mahal na Poong Jesus Nazareno? 'Di ba hindi? Hindi sinabi ng Poong Jesus Nazareno kailanman na magiging madali at maginhawa ang buhay ng sinumang susunod sa Kaniya. Iyon nga lamang, may pakiusap at hiling Siya sa atin - manalig at magtiwala sa Kaniya dahil Siya mismo ang magtatagumpay nang maluwalhati sa huli. 

Kahit kailan, hindi sinabi ng Poong Jesus Nazareno na madaling sundin ang mga utos, atas, naisin, plano, at kalooban ng Diyos. Bagkus, sinabi Niyang mayroong saysay ang lahat ng ito dahil Siya mismo ang mananaig sa huli. Ang pakiusap at hiling lamang ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa atin ay manalig at magtiwala sa Kaniya nang may taos-pusong katapatan at pagsamba sa Kaniya bilang Diyos, Hari, at Manunubos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento