Lunes, Pebrero 12, 2024

DUGONG NAGLILIGTAS

PITONG LINGGO NG PAGNINILAY SA PITONG HAPIS AT TUWA NI SAN JOSE 
(Ikatlong Linggo) 
Ikatlong Hapis: Ang Pagtutuli kay Jesus Nazareno (Lucas 2, 21) 
Ikatlong Tuwa: Ang Kabanal-Banalang Ngalan ni Jesus Nazareno (Mateo 1, 25) 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1590s) Circumcision of Christ by Cigoli, as well as the actual work of art itself from the Hermitage Museum, is the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 70 years or fewer due to its age. 

Tiyak na magtataka ang nakararami kung bakit ang pagtutuli kay Jesus Nazareno ay nagdulot ng hapis at sakit sa puso ni San Jose. Alam naman nating ito ay bahagi ng buhay ng maraming tao. Kapag tinuli ang isang tao, kadalasan mga sanggol subalit mayroon ring mga tinutuli kahit na hindi na sila mga bata, isang normal na bahagi ng proseso ng pagtutuli sa isang tao ang sakit na nararamdaman dahil sa pagdaloy ng dugo. Ito ang dahilan kung bakit tiyak na mayroong mga magtataka kung bakit si San Jose ay nakaramdam ng hapis at sakit dahil sa pagtutuli kay Jesus Nazareno. 

Alam naman ni San Jose na normal lamang na makakaramdam ng hapdi at sakit ang tinutuli. Batid rin niya na kinakailangan itong gawin dahil nasasaad ito sa Kautusan ni Moises (Levitico 12, 3). Subalit, kahit batid niyang kinakailangan itong gawin at kahit batid rin niyang normal lamang na makakaramdam ng sakit ang mga tinutuli dahil sa proseso nito, nagdulot pa rin ito ng hapis at sakit sa puso ni San Jose. Dahil dito, tiyak na tatanungin ng ilan kung bakit ito ang kaniyang ikinahapis. 

Hindi ang mismong proseso ng pagtutuli sa Poong Jesus Nazareno ang ikinahapis ni San Jose. Bagkus, ang ikinahapis ni San Jose sa sandaling iyon ay ang katotohanan ng misyon ng Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan, ibububo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang Kabanal-banalang Dugo habang nakapako sa Banal na Krus sa bundok ng Kalbaryo. Ang katotohanang ito ay ang ikinahapis ni San Jose. Sa pamamagitan ng dugong dumaloy mula sa Mahal na Poong Jesus Nazareno dulot ng rito at proseso ng pagtutuli sa Kaniya, si San Jose ay nagkaroon ng isang pasilip sa dakilang paghahaing magaganap sa bundok ng Kalbaryo 33 taon mula sa sandaling yaon. Kahit misyon Niya ito, masakit pa rin ito para kay San Jose. 

Subalit, ang hapis at sakit sa puso ni San Jose sa sandaling ito ay napawi nang ibigay ang pangalan ng Banal na Sanggol na Mesiyas - "Hesus." Ang kahulugan ng Banal na Pangalan ng Banal na Sanggol - "Hesus" - ay "Ang Diyos ay nagliligtas." Katunayan, inilalarawan ng kahulugan ng Banal na Pangalan ang dahilan kung bakit dumating sa mundong ito ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dumating sa daigdig na ito ang Nuestro Padre Jesus Nazareno upang iligtas ang sangkatauhan. Napawi ang sakit at hapis sa puso ni San Jose sa sandaling pinangalanang "Hesus" ang Banal na Sanggol dahil inilarawan ng Banal na Pangalang ito ang Kaniyang misyon. 

Kahit napakasakit, ipinasiya pa rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na iligtas ang buong sangkatauhan sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan ng gawang ito, ang ating mga hapis at sakit ay Kaniyang pinalitan ng tuwa at galak. Gaya ni San Jose, maging bukas nawa tayo sa biyayang ito na kaloob sa atin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento