Miyerkules, Pebrero 21, 2024

BIYAYA, HINDI PANGANIB

PITONG LINGGO NG PAGNINILAY SA PITONG HAPIS AT TUWA NI SAN JOSE 
(Ikalimang Linggo) 
Ikalimang Hapis: Ang Pagtakas sa Ehipto (Mateo 2, 14) 
Ikalimang Tuwa: Ang Pagbagsak ng mga diyus-diyusan sa Ehipto (Isaias 19, 1) 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1642 and 1713) The Flight into Egypt by Carlo Maratta  (1625–1713), as well as the actual work of art itself from the National Trust Collection via Art UK, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1713. Also, this work is in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.

Kahit na bata pa si Jesus Nazareno, Siya'y naging isang malaking banta para sa lahat ng mga nakaluklok sa kapangyarihan. Isa sa mga labis na natakot at nabagabag sa balita ng Kaniyang pagsilang ay si Haring Herodes. Napakalinaw na hindi binalak ni Haring Herodes magbigay galang at parangal sa Poong Jesus Nazareno. Bagkus, ang tunay niyang balak at hangarin ay patayin ang Batang si Kristo. Ikinubli lamang niya ito sa anyo ng naising magbigay-galang sa Kaniya. Ang kaniyang bilin sa mga Pantas o Mago mula sa Silangan ay isa lamang pagkukubli sa kaniyang tunay na hangaring si Jesus Nazareno ay kaniyang patayin. Nais lamang niya ito mapadali. Iyon nga lamang, ang mga Pantas ay hindi bumalik sa kaniya matapos matagpuan si Jesus Nazareno dahil sa utos sa kanila ng Diyos na inilahad Niya sa kanila sa isang panaginip (Mateo 2, 12). Pinili nilang sundin ang utos ng Diyos kaysa sa bilin ni Herodes. 

Sa salaysay ng pagtakas sa Ehipto, isang anghel ng Panginoon ay muling nagpakita kay San Jose sa isang panaginip. Inilahad ng anghel ng Panginoon kay San Jose nang magpakita siya sa kaniya sa isang panaginip ang tunay na balak at laman ng puso ni Haring Herodes. Ayaw tanggapin ni Haring Herodes na mayroon ngang isang higit na dakila kaysa sa kaniya at sa iba pang mga hari sa mundong ito. Kusang-loob siyang nagpabulag at nagpaalipin sa kaniyang kasakiman. Dahil diyan, handa siyang gawin ang lahat para lamang manatili sa kapangyarihan. Ipinasiya niyang ipapatay ang mga batang lalaki sa Betlehem na may edad na dalawang taong gulang pababa (Mateo 2, 16-18). Nais niyang matiyak na walang papalit sa kaniya bilang hari. 

Ang hapis sa puso ni San Jose sa sandaling ito ay hindi lamang bunga ng kaniyang takot at pangamba sa kalagayan ng Batang Poong Jesus Nazareno. Bunga rin ito ng kaniyang sakit nang malaman ang katotohanang hindi Siya tinanggap ng nakararami, lalung-lalo na ng mga may kapangyarihan. Kahit na kaligtasan at kalayaan ang hatid ng Nazareno sa lahat dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa, hindi lahat ay nasiyahan sa Kaniyang pagdating bilang ipinangakong Mesiyas. Mayroong mga natakot sapagkat itinuring nila Siyang isang malaking banta sa kanilang kapangyarihan at kalagayan. 

Nang dumating sa Ehipto ang Banal na Pamilya, isang hindi karaniwang pangyayari ang naganap. Ayon sa banal na tradisyon ng Simbahan, ang nasabing kaganapan ay katuparan ng isa sa mga propesiya sa Lumang Tipan tungkol sa Mesiyas na bigay ng Diyos. Bagamat matatagpuan lamang sa Ebanghelyo ni San Mateo ang salaysay ng pagtakas ng Banal na Pamilya patungong Ehipto, tahimik ang aklat na ito tungkol sa kaganapang ito na tunay ngang kahanga-hanga. Pinabagsak ng Batang Poong Jesus Nazareno ang lahat ng mga diyus-diyusan sa Ehipto. Sa pamamagitan nito, inihayag muli ng Diyos ang Kaniyang tagumpay laban sa mga diyus-diyusan sa Ehipto. Muling ipinaalala ng Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na tanging Siya lamang ang tunay at walang hanggang Diyos at Hari. Sabi nga sa talatang ito na tinupad ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus Nazareno: "Ang Panginoo'y nakasakay sa ulap at mabilis na naglalakbay patungo sa Ehipto. Nanginginig sa Kaniyang harapan ang mga diyus-diyusan sa Ehipto at ang mga Ehipsiyo'y nanlulupaypay sa takot" (Isaias 19, 1). Walang ibang Diyos maliban lamang sa Panginoon. Ang patunay nito ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dahil sa kaganapang ito, ang hapis ni San Jose ay napawi at naging tuwa. 

Maaari nating sabihing mabuti pa ang mga diyus-diyusan sa Ehipto sapagkat nakilala nila ang tunay na Diyos. Nang dumating sa Ehipto ang Batang Poong Jesus Nazareno, tuluyang napaluhod ang mga nasabing diyus-diyusan. Bumagsak sila nang tuluyan sa sandaling dumating ang Batang Mahal na Poong Jesus Nazareno na dala-dala ng Kaniyang mga magulang na sina San Jose at ang Mahal na Birheng Maria. Hindi nila ipinasiyang labanan ang tunay na Diyos. Mauulit lamang ang ginawa ng Panginoong Diyos sa Lumang Tipan para sa mga Israelita na pinalaya Niya mula sa napakahabang panahon ng pamumuhay bilang mga alipin sa Ehipto. 

Dalawang reaksyon bunga ng takot sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ay itinampok sa ikalimang hapis at tuwa ni San Jose. Ang isa, dahil sa takot mawalan ng posisyon bilang isang makapangyarihang hari, ay nagpasiyang magpaalipin sa kahibangan at kasakiman. Ang isa namang reaksyon ay nagmula sa mga diyus-diyusan sa Ehipto. Ang mga diyus-diyusan sa Ehipto, dahil sa takot sa bantang dulot sa kanila ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ay tuluyang bumagsak na walang kalaban-laban. Si Haring Herodes at ang mga diyus-diyusan sa Ehipto ay labis na natakot dahil tunay ngang isang napakalaking banta para sa kanila si Jesus Nazareno. Subalit, magkaiba sila ng reaksyon at gawa nang mabalitaang dumating si Jesus Nazareno. 

Bilang mga Kristiyano, ano ang matututunan natin? Kilalanin at tanggapin natin ang tunay na Diyos. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dumating sa mundo upang ipagkaloob sa atin ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas. Naparito Siya sa mundong ito upang maging pinakadakilang biyayang ating tinanggap mula sa Diyos. Imulat natin ang ating mga mata, puso, isipan, at kaluluwa sa katotohanang ito. Walang ibang diyos o bathala maliban lamang sa Banal na Santatlo - ang Ama, ang Anak na si Jesus Nazareno, at ang Espiritu Santo. Pinatunayan ito ng Anak na si Jesus Nazareno nang kusang-loob Niyang ipinasiya Niyang pumarito sa mundo bilang Mesiyas.  

Kung ang ating reaksyon bunga ng ating takot sa Poong Jesus Nazareno ay katulad ng reaksyon ni Haring Herodes at ng mga diyus-diyusan sa Ehipto, isa lamang ang ibig sabihin noon - hindi natin ipinasiyang pumanig sa Kaniya. Dapat lamang matakot sa Poon ang bawat isa sa atin. Subalit, ang takot na ito ay dapat pumukaw sa atin na magbalik-loob sa Kaniya at ihandog ang buo nating sarili sa Kaniya na nagpasiyang tubusin tayo dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa.

Magkaroon tayo ng takot sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Subalit, ang takot na ito ay pumukaw nawa sa atin na magbalik-loob tayo sa Kaniya, makipagrelasyon sa Kaniya, at maging Kaniyang mga tapat na tagasunod hanggang sa huli. Ito nawa ang pumukaw sa atin na tanggapin, purihin, at sambahin Siya bilang tunay na Hari at Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento