PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA - UNANG HAPIS
Unang Hapis: Ang Propesiya ni Simeon (Lucas 2, 34-35)
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1620) Mysteries of the Rosary, Presentation of Jesus at the temple by Cornelis de Vos (–1651), as well as the actual work of art itself from the St. Paul's Church via BALaT (Belgian Arts and Links Tools) which is maintained by KIK-IRPA, Belgium's Royal Institute for Cultural Heritage, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Ang Unang Hapis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay isang kabalintunaan. Isa itong kakaibang kabalintunaan sapagkat ang kaganapang itinampok sa Unang Hapis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay bahagi ng mga Misteryo ng Tuwa ng Santo Rosaryo. Katunayan, ang sandaling ito ay ang Ikaapat na Misteryo ng Tuwa. Subalit, bagamat isa itong sandali ng tuwa, naganap ang isang kabalintunaan. Kahit na dapat maging masaya sa sandaling inihandog ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno sa Templo, napuspos ng hapis ang Mahal na Birheng Maria.
Maituturing na panira si Simeon kung susundin natin ang uri ng pag-iisip at lohika ng kasalukuyang lipunan. Ang mga salitang binigkas ni Simeon tungkol sa mangyayari sa Panginoong Jesus Nazareno ay wala sa lugar, kung susundin natin ang uri ng pag-iisip ng kasalukuyang lipunan. Kung kailan namang puspos ng ligaya si San Jose at ang Mahal na Inang si Mariang Birhen nang ihandog sa Templo ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno, saka pa ipinasiya ni Simeon na bigkasin ang mga masasakit na salitang ito. Tila walang konsiderasyon si Simeon para kay San Jose at sa Mahal na Birheng Maria. Hindi ba naisip ni Simeon na isang masayang sandali at okasyon ang nangyari noong araw na iyon? Dapat naghintay na lamang siya ng tamang panahon para sabihin iyon kay San Jose at sa Mahal na Birheng Maria. Sa totoo lamang, may tamang oras at sandali para sabihin iyon. Huwag lang kung kailan sila nagsasaya.
Oo, maaari ngang ituring na panira si Simeon, kung susundin natin ang pananaw at uri ng pag-iisip ng kasalukuyang panahon. Dahil sa mga masasakit na salitang ito na binigkas ni Simeon sa Mahal na Birheng Maria tungkol sa Poong Jesus Nazareno, sa gitna ng saya ng okasyon, napuspos ng hapis ang puso ng Mahal na Birheng Maria. Subalit, ang mga salitang binigkas ni Simeon na napakasakit ay hindi naman mula sa kaniyang sarili. Bagkus, nagmula ito sa Diyos. Inilahad lamang ito ni Simeon.
Hindi nagalit ang Mahal na Birheng Maria sa ginawang ito ni Simeon. Katunayan, pati si San Jose ay hindi rin nagalit. Ito ay dahil alam ng Mahal na Birheng Maria na totoo ang mga salitang binigkas sa kaniya ni Simeon tungkol sa Poong Jesus Nazareno. Oo, wala sa lugar, kung susundin natin ang lohika ng kasalukuyang lipunan. Subalit, alam ng Mahal na Birheng Maria na mula sa Diyos ang mga salitang ito ni Simeon. Para sa Mahal na Inang si Mariang Birhen, ang propesiyang ito ni Simeon ay isang masakit na paaalala mula sa Diyos tungkol sa dahilan ng pagdating ng Poong Jesus Nazareno sa lupa. Dumating Siya sa mundo upang iligtas ang sangkatauhan. Upang maisagawa ito, kailangan muna Niyang harapin, tiisin, at batain ang Krus.
Napuspos ng hapis sa sandaling ito ang Mahal na Birheng Maria dahil alam niyang wala siya magagawa pagdating ng araw upang ilayo mula sa panganib ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Katunayan, hindi lamang panganib ang haharapin ni Kristo kundi pati na rin ang kamatayan sa Krus. Pati ang kamatayan sa Krus ay haharapin, babatain, at titiisin ng kaniyang minamahal na Anak na si Kristo. Dahil bahagi ito ng dakilang plano ng Diyos, walang magagawa
Isang kabalintunaan ang sandaling ito para sa Mahal na Birheng Maria. Sa gitna ng ligayang dulot ng Paghahandog sa Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno sa Templo, ang puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay napuspos ng hapis nang marinig niya mula kay Simeon ang katotohanan tungkol sa misyon ng Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan. Dahil ito ay bahagi ng plano ng Diyos, kahit napakasakit, tinanggap na lamang ito ng Mahal na Ina.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento