2 Abril 2024
Martes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 2, 36-41/Salmo 32/Juan 20, 11-18
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 18th century) Christ Appearing to Mary Magdalene by Unknown Author, as well as the actual work of art itself from Düsseldorfer Auktionshaus, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, due to its age. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.
"Dapat malaman ng buong Israel na itong si Hesus na ipinako ninyo sa Krus - Siya ang ginawa ng Diyos na Panginoon at Kristo!" (Mga Gawa 2, 36). Sa mga salitang ito na binigkas ni Apostol San Pedro, ang unang Santo Papa ng Simbahan, sa kaniyang pangaral sa mga tao sa salaysay sa Unang Pagbasa nakasentro ang pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Ang araw na ito ng Martes ay napapaloob pa rin sa Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Nakatuon ang ating mga pansin sa tunay na galak at pag-asang dulot ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Diyos.
Itinutuon ng Simbahan ang ating pansin sa katangian ng Muling Nabuhay na si Kristo bilang kaloob ng Diyos. Ang Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno ay ang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa tanan. Dumating sa mundo si Jesus Nazareno upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Pinatunayan ito ng Kaniyang Muling Pagkabuhay. Tayong lahat ay iniligtas Niya sa pamamagitan ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay.
Binanggit ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang pagiging sugo ng Diyos nang magpakita Siya kay Santa Maria Magdalena sa Ebanghelyo. Dumating ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa mundong ito upang ipagkaloob sa tanan ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay, ang Kaniyang Misteryo Paskwal. Sabi ng Panginoong Muling Nabuhay kay Santa Maria Magdalena nang makilala Siya nito, "Huwag mo Akong hawakan, sapagkat hindi pa Ako nakakapunta sa Ama" (Juan 20, 17). Isinalunguhit nang buong linaw ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang pagiging kaloob ng Ama. Nagmula si Jesus Nazareno sa langit. Babalik Siya sa langit matapos ang Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit, makakapiling Niya muli ang Amang nagsugo sa Kaniya at ang Espiritu Santo.
Nakatuon sa pag-ibig, habag, at awa ng Diyos ang Salmong Tugunan. Buong lakas at pananalig na inihayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Awa't pag-ibig ng Diyos sa sangkalupaa'y lubos" (Salmo 32, 5b). Ito ang natatanging dahilan kung bakit ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ipinagkaloob ng Ama. Dumating sa mundong ito ang Mahal na Poong Jesus Nazareno dahil sa dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Diyos. Inihayag ito ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poon.
Pinatunayan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno na tunay tayong kinahahabagan, kinaawaan, at minamahal ng Diyos. Dahil sa pag-ibig, habag, at awa ng Diyos, ipinagkaloob Niya sa atin ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ang tagumpay ng pag-ibig, habag, at awa ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ay nahayag ni Kristong Muling Nabuhay.
Umaawit tayo ng "Aleluya" nang buong galak sa Pasko ng Muling Pagkabuhay bilang pasasalamat sa Diyos na tunay na nahahabag at nagmamahal sa atin. Ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay ang pinakadakilang patunay nito. Tayong lahat ay Kaniyang iniligtas sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay dahil tunay Niya tayong kinaawaan, kinahahabagan, at minamahal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento