Linggo, Marso 10, 2024

TUGON SA MGA KAAWAY NA NANGGIGIGIL

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO
UNANG WIKA (Lucas 23, 34): 
"Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa." 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1684) The Raising of the Cross by Charles Le Brun (1619–1690), as well as the actual work of art itself from the Musée des Beaux-Arts de Troyes, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 

Mula noong dinakip Siya sa Halamanan ng Hetsemani, walang tigil ang hirap, sakit, at pagdurusang hinarap, tiniis, at binata ng Poong Jesus Nazareno. Buong araw Siyang nagtiis at nagbata ng maraming hirap, sakit, at pagdurusa. Hindi lamang Niya tiniis at binata ang sakit dulot ng paghahampas sa Kaniya sa haliging bato, pagpuputong ng koronang tinik sa Kaniyang ulo, pagpasan ng Krus na Banal mula sa pretoryo patungo sa Kalbaryo, at ang pagpako sa Kaniyang mga kamay at paa sa nasabing Krus. Pati ang sakit dulot ng walang tigil na pagkutya sa Kaniya ng Kaniyang mga kaaway. Hindi tumigil ang mga kaaway ng Poong Jesus Nazareno sa pagkutya sa Kaniya kahit na ipinako na Siya sa Krus na Banal. 

Walang awang ipinakita sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Maaari nating sabihing gigil na gigil ang mga kaaway ng Poong Jesus Nazareno sa Kaniya. Nanggigil sa tindi ng galit at poot ang mga kaaway ng Panginoong Jesus Nazareno. Sa tindi ng galit at poot, hindi sila napakagpigil. Hindi pinalampas ng mga kaaway ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang pagkakataong libakin at kutyain Siya. Talagang hinangad nilang dagdagan ang hirap, sakit, at pagdurusang tiniis at binata ng Poong Jesus Nazareno sa mga sandaling iyon. 

Puro kabutihan ang ipinakita ng Poong Jesus Nazareno. Subalit, nakakalungkot, hindi rin kabutihan ang isinukli sa Kaniya. Kasamaan sa halip na kabutihan ang ipinakita sa Kaniya. Ito ang dahilan kung bakit Siya ipinako sa Krus. Bukod pa roon, para sa lahat ng mga kaaway ng Poong Jesus Nazareno, hindi sapat na ipako lamang Siya sa Krus. Dinagdagan pa ng mga kaaway ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang mga hirap, sakit, at pagdurusang Kaniyang binata. Ginawa nila ito sa pamamagitan ng kanilang walang tigil na pagkutya sa Kaniya. Nakakaawang pagmasdan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga sandaling iyon. 

Kung ibang tao ang nasa kalagayan ng Panginoong Jesus Nazareno sa mga sandaling yaon, manggigil rin sila sa tindi ng galit at poot para sa mga taong iyon. Wala silang ibang hahangarin at nanaisin kundi makaganti sa kanilang mga kaaway. Handa silang labanan ang kanilang mga kaaway nang apoy laban sa apoy. Mata sa mata, ngipin sa ngipin, apoy sa apoy. Giyera na ito. Patayan na ito. Walang awa. Gantihan na ito. Sa huli, magtatagumpay sila laban sa kanilang mga kaaway na umaapi sa kanila nang walang awa. Mapupunta sa kanila ang huling halakhak. Parang mga pelikula ng mga bida sa mga maaksyong pelikula gaya na lamang ni (+) Fernando Poe Jr. (FPJ). 

Sa gitna ng Kaniyang katahimikan, naririnig ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang walang tigil na paglilibak at pagkutya sa Kaniya ng Kaniyang mga kaaway. Narinig Niya ang lahat ng mga paglibak sa Kaniya, kahit na noong hindi pa Siya ipinapako sa kahoy ng Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo. Pati ang mga insulto noong walang awa Siyang hinagupit sa haliging bato, pinutungan ng koronang tinik, dinuraan nang paulit-ulit, hinatulan ng kamatayan, at noong pinasan Niya ang mabigat na Krus na Banal mula sa Herusalem patungong Kalbaryo. Ang Panginoong Jesus Nazareno ay lubusang nasaktan dahil sa mga insulto, paglilibak, at pagkutya sa Kaniya. 

Bilang tugon sa mga kaaway nanggigigil sa Kaniya sa tindi ng galit at poot, nag-alay ng panalangin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno para sa kanila. Sa dalanging ito, humingi ng kapatawaran ang Poong Jesus Nazareno mula sa Ama para sa kanila. Ito ang mga unang salitang Kaniyang binigkas habang nakapako sa Krus na Banal. Kahit lubusan Siyang nasaktan, hindi lamang sa pisikal na pamamaraan kundi pati na rin sa emosyonal na pamamaraan dahil sa walang tigil na pangungutya, paglilibak, at pag-iinsulto ng Kaniyang mga kaaway na gigil na gigil sa tindi ng galit at poot, ipinasiya pa rin ni Jesus Nazareno na manalangin para sa kanila.  

Hindi lamang pisikal na sakit ang tiniis at binata ng Poong Jesus Nazareno. Pati rin ang emosyonal na sakit dulot ng walang tigil na paglilibak sa Kaniya ng Kaniyang mga kaaway na gigil na gigil sa tindi ng poot at galit ay tiniis at binata ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya pa rin Niyang manalangin sa Amang nasa langit para sa kanilang kapatawan. Inihayag Niya sa pamamagitan nito ang Kaniyang naisin na iligtas rin mula sa kapahamakan ang Kaniyang mga kaaway dahil tunay Niya rin silang iniibig. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento