Sabado, Marso 16, 2024

MINAMAHAL AT PINAHAHALAGAHAN NIYA TAYO

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
IKAPITO AT HULING WIKA (Lucas 23, 46): 
"Ama, sa mga Kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu." 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 17th century) Christ on the cross with Mary, Mary Magdalene and John the Evangelist by anonymous, Manner of Peter Paul Rubens (1577–1640), as well as the actual work of art itself from the Bonnefanten Museum, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 

Hango mula sa Salmo 31 ang Ikapito at Huling Wika ng Poong Jesus Nazareno mula sa Krus bago Siya tuluyang nalagutan ng hininga. Bukod sa pagpapakita ng Kaniyang tapat na pananalig sa Amang nasa langit hanggang sa huli, muling inihayag ng Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang Ikapito at Huling Wika mula sa Krus bago Siya tuluyang malagutan ng hininga kung sino Siya. Muli Siyang nagsalita tungkol sa tunay Niyang pagkakilanlan at tungkulin. Ang Poong Jesus Nazareno ay ang Bugtong na Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na dumating sa mundo mula sa langit upang maging pinakadakilang biyayang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan. 

Inilaan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang natitirang hininga bago Siya tuluyang mamatay sa Krus upang magsalita tungkol sa dakilang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan. Sa halip na gamitin ito upang ilabas ang Kaniyang galit at poot laban sa Kaniyang mga kaaway at sumpain sila upang makaganti laban sa kanila, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagpasiyang ilaan ang natitira Niyang boses at hininga upang magsalita tungkol sa Kaniyang pag-ibig para sa sangkatauhan. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, ipinasiya Niyang harapin, tanggapin, yakapin, at batain ang matitinding hirap, sakit, pagdurusa, hapis, at kamatayan upang iligtas tayo. 

Taglay naman ni Jesus Nazareno ang kapangyarihang iligtas ang Kaniyang sarili mula sa mapait na hirap, sakit, pagdurusa, hapis, at kamatayan sa Krus. Sabi nga Niya kay Apostol San Pedro bago Siya dakpin sa Halamanan ng Hetsemani: "Hindi mo ba alam na makahihingi Ako sa Aking Ama nang higit pa sa 12 batalyon ng mga anghel at padadalhan Niya Ako agad?" (Mateo 26, 53). Bilang Bugtong na Anak ng Diyos, may kapangyarihan si Jesus Nazareno upang iligtas ang Kaniyang sarili mula sa Kaniyang mapait na pagdurusa, pagpapakasakit, at pagkamatay sa Krus. Hindi lamang Niya ito ipinasiyang gamitin para doon. 

Bakit namang ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na huwag gamitin ang Kaniyang kapangyarihan bilang Diyos upang iligtas ang Kaniyang sarili? Pagkakataon Niya sana iyan upang paniwalaan Siya ng lahat. Sayang naman. Magiging madali ang lahat para sa Poong Jesus Nazareno kung ipinasiya Niyang gawin iyon. Maililigtas Niya mula sa tiyak na pagdurusa, pagpapakasakit, at kamatayan ang Kaniyang sarili at lalo pang dadami ang mga maniniwala sa Kaniya. Hindi ba mas madali iyon? 

Oo, 'di hamak namang mas madali para sa Panginoong Jesus Nazareno na gamitin ang Kaniyang kapangyarihan bilang Diyos upang iligtas ang Kaniyang sarili. Sa totoo lamang, hindi naman Niya kailangang iligtas ang sangkatauhan. Mas mabuti para sa Kaniya na manatili na lamang Siya sa langit at pabayaang mapahamak na lamang nang ganoon ang sangkatauhan dahil masasayang lamang ang Kaniyang oras kapag ipinasiya Niya silang iligtas. Paulit-ulit naman sila magkakasala. Tapos, hindi pa nila pahahalagahan ang Kaniyang ginawa para sa kanila. Bakit hindi na lamang ginamit ni Jesus Nazareno ang Kaniyang kapangyarihan upang iligtas ang Kaniyang sarili? 

Sa halip na gamitin ang Kaniyang kapangyarihan bilang Diyos upang iligtas mula sa kamatayan ang Kaniyang sarili, ipinasiya ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na iligtas tayo mula sa kasalanan dahil tunay Niya tayong iniibig. Totoo, walang sinumang tao ang makapagsasabing karapat-dapat siya sa pag-ibig na ito. Ngunit, sa kabila nito, ipinasiya ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na ibigin tayo at pahalagahan tayo. Ang pasiyang ito ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ay isinasalamin ng Krus na Banal. 

Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa atin, hindi ginamit ni Jesus Nazareno para sa sarili Niyang kapakanan ang Kaniyang kapangyarihan bilang tunay na Diyos. Hindi ginamit ni Jesus Nazareno ang Kaniyang kapangyarihan bilang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo upang iligtas ang Kaniyang sarili mula sa kamatayan at takasan ang Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Bagkus, hinarap, tinanggap, at niyakap Niya ang Krus na Banal alang-alang sa atin. 

Ang Krus na Banal ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ay ang pinakadakilang patunay na tayong lahat ay tunay Niyang pinahahalagahan at minamahal. Dahil sa Kaniyang pag-ibig na dakila para sa atin, ang Kaniyang tunay na misyon at pagkakilanlan bilang Bugtong na Anak ng Diyos at Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay hindi Niya tinalikuran, tinakasan, itinakwil, at ipinagkaila. Bagkus, buong kababaang-loob at kagitingan Niya itong hinarap, tinanggap, niyakap, at tinupad, kahit na ang ibig sabihin nito ay dapat magtiis at magbata Siya ng maraming hirap, sakit, pagdurusa, hapis, at kamatayan upang tayong lahat ay iligtas. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento