Huwebes, Marso 7, 2024

BAHAGI NG KANIYANG KAWAN

23 Marso 2024 
Sabado sa Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda 
Paggunita kay San Pedro Calungsod, martir 
Ezekiel 37, 21-28/Jeremias 31/Juan 11, 45-56 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1539/1540) Cristo davati a Caifa by Francesco Bacchiacca (1494–1557), as well as the actual work of art itself from the Galleria degli Uffizi, Firenze, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States. 

Kapag tumapat sa isa sa mga araw ng mga Mahal na Araw o kaya ng Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ang ika-2 ng Abril na inilaan para sa liturhikal na pagdiriwang ng Paggunita kay San Pedro Calungsod, ang pagdiriwang na ito ay inililipat ng Simbahan sa Sabado bago ang mga Mahal na Araw. Ito ay dahil sa halaga ng mga Mahal na Araw at ng Oktaba ng Pasko ng Muling Pagkabuhay para sa Simbahan. Ang mga Mahal na Araw at ang Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay ay ang mga pinakamahalagang araw sa Kalendaryo ng Simbahan sapagkat inilaan ang mga araw na ito upang gunitain at ipagdiwang ang tagumpay ng pagliligtas ng Diyos na tunay ngang dakila sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang pagpupulong ng Sanedrin na pinangunahan ng pinakapunong saserdoteng si Caifas. Sa nasabing pagpupulong, sinimulan nilang bumuo ng plano upang maidakip at maipapatay ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Mula noon, lagi nilang pinag-usapan kung paano nilang ipapatay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Wala silang ibang hangad kundi ipapatay ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na lubos nilang kinaiinggitan at kinapopootan. Lubos ang kanilang inggit at poot laban sa Poong Jesus Nazareno. Walang sasapat na salita upang ilarawan ang tindi ng kanilang inggit at poot. Dahil lubos na kinaiinggitan at kinapootan ng Sanedrin ang Panginoong Jesus Nazareno, binalak nila Siyang patayin. 

Marahil tatanungin ng nakararami kung ano ang ugnayan ng kaganapang itinampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito sa mga salitang nasasaad sa Unang Pagbasa at sa Salmong Tugunan. Sa Unang Pagbasa, ipinakilala ng Panginoong Diyos ang Kaniyang sarili bilang isang pastol na tunay nga namang maawain, mahabagin, mapagmahal, at mapagkalinga. Ipinasiya rin ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa araw na ito na isentro sa larawan ng Panginoong Diyos bilang isang pastol na mapagkalinga, maawain, mahabagin, at mapagmahal sa kaniyang patotoo at awitin. Ang pinakadakilang patunay nito ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Diyos. Paano namang maiuugnay ang balak ipapatay ang Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo sa Kaniyang larawan at katangian bilang mahabagin, maawain, mapagmahal, at mapag-arugang pastol? Kung sino pa yaong mapagmahal, maawain, at mahabagin, Siya pa yaong hindi tinanggap. 

Dumating sa mundong ito ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos upang ipalaganap sa lahat ang Kaniyang pagkalinga, kagandahang-loob, habag, awa, pag-ibig, at kabutihan. Inaanyayahan Niya ang lahat na maging bahagi ng Kaniyang kawan. Subalit, nakakalungkot, may mga ilan gaya na lamang ng mga bumuo sa Sanedrin sa Ebanghelyo na nagpasiyang ibasura ang biyayang ito sapagkat ipinasiya nilang magpaalipin sa inggit at poot na nagpatigas ng kanilang mga puso. 

Si San Pedro Calungsod, ang Ikalawang Pilipinong Santo, ay nagpasiyang ibukas ang kaniyang sarili sa kabutihan, pagkalinga, awa, habag, pag-ibig, at katapatan ng Poong Jesus Nazareno. Ang paanyaya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maging bahagi ng Kaniyang kawan ay taos-pusong tinanggap ni San Pedro Calungsod. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng tapat at taos-pusong pagtanggap at pagtupad sa misyon at tungkuling ibinigay sa kaniya ng Diyos. 

Nais ba nating makapiling ang Poong Jesus Nazareno sa langit? Tularan natin ang halimbawang ipinakita ni San Pedro Calungsod. Gaya ng marami pang mga Santo sa langit, ipinasiya ni San Pedro Calungsod na tanggapin ang paanyaya ng Panginoong Jesus Nazareno na maging bahagi ng Kaniyang kawan. Pinatunayan ng tapat at taos-pusong pagtupad at pagsunod sa kalooban ng Diyos hanggang sa huli ang pasiyang ito ni San Pedro Calungsod. Ito ang dapat nating gawin upang makapiling natin ang tunay na Pastol at Haring si Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento