24 Marso 2024
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoong Jesus Nazareno [B]
Marcos 11, 1-10 (o kaya: Juan 12, 12-16) [Prusisyon ng Palaspas]
Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Marcos 14, 1-15, 47 (o kaya: 15, 1-39) [Misa]
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1897) Entry of the Christ in Jerusalem by Jean-Léon Gérôme (1824–1904), as well as the actual work of art itself from the Musée Georges-Garret in Vesoul, France, via Salons, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States.
Tiyak na pamilyar ang awiting "Kundiman ng Langit" para sa marami. Sa awiting ito na kinatha ni Ginoong Augusto Espino, ginamit ang larawan ng panunuyo upang ituro ang halaga ng pagpapakasakit at pagkamatay ng Poong Jesus Nazareno. Katunayan, ipinahiwatig ng pamagat ng nasabing awitin ang paksa nito. Ang Diyos ay inilarawan bilang isang mapanuyong bathala sa kabuuan ng awiting ito. Bagamat hindi karapat-dapat ang sangkatauhan sa biyaya ng Kaniyang dakilang pagliligtas dahil sa kanilang mga kasalanang hindi na mabilang sa sobrang dami nito, ipinasiya pa rin ng Diyos na gawin ito dahil sa Kaniyang pag-ibig. Ito ang dahilan kung bakit ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay kusang-loob na nag-alay ng sarili sa Krus na Banal.
Sinisimulan ng Simbahan ang taunang pagdiriwang ng mga Mahal na Araw pagsapit ng Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon. Ang Linggong ito ay hindi lamang nakasentro sa mga palaspas. Nakasentro rin ito sa Krus na Banal ng Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Hindi magkahiwalay ang mga palaspas at ang Krus na Banal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Mayroong isang malalim na ugnayan ang mga palaspas at ang Krus na Banal. Ipinapaalala sa atin ng mga palaspas na tinanggap ng Poong Jesus Nazareno ang Krus na Banal nang taos-puso. Bukal sa kalooban ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang pagtanggap sa Banal na Krus. Tunay nga Niyang hinangad ang ating kaligtasan.
May dalawang Ebanghelyo para sa lituhiya ng Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon dahil may dalawang bahagi ang liturhikal na pagdiriwang sa nasabing araw ng Linggo na siyang unang araw ng mga Mahal na Araw. Sa unang Ebanghelyo, inilahad at itinampok ang salaysay ng maringal na pagpasok ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Herusalem. Katunayan, kapag Taon B sa Liturhikal na Kalendaryo, may dalawang bersyon ng salaysay ng pagpasok ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Herusalem na maaaring pagpilian para sa unang bahagi ng liturhiya para sa Linggong ito. Ang isang bersyon ng salaysay ng pagpasok ni Jesus Nazareno sa Herusalem ay mula sa Ebanghelyo ni San Marcos at ang isa namang bersyon ay ang salaysay ng kaganapang ito na galing sa Ebanghelyo ni San Juan. Sa ikalawang Ebanghelyo para sa liturhiya ng Linggo ng Palaspas, inilahad at itinampok ang mahabang salaysay ng pagpapakasakit ng Poong Jesus Nazareno. Kapag Taon B sa Liturhikal na Kalendaryo, ang salaysay mula sa Ebanghelyo ni San Marcos ay itinatampok. Napakalinaw ang ugnayang ito. Pumasok ang Poong Jesus Nazareno sa Herusalem upang tuparin ang Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos.
Ang propesiya tungkol sa pagpapakasakit ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay inilahad sa Unang Pagbasa. Batid ng Poong Jesus Nazareno ang propesiyang ito mula sa aklat ni Propeta Isaias. Sa mga huling sandali ng Kaniyang buhay, marami Siyang babatain at titiising hirap, sakit, at pagdurusa bilang ipinangakong Mesiyas, ayon sa propesiya sa aklat ni Propeta Isaias na itinampok sa Unang Pagbasa. Bagamat hindi Niya kailangang gawin iyon, ipinasiya pa rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na tuparin ang propesiyang ito mula sa aklat ni Propeta Isaias dahil sa Kaniyang walang hanggan at dakilang pag-ibig para sa atin.
Nakasentro ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa sa kababaang-loob ng Panginoong Jesus Nazareno. Buong kababaang-loob na tinanggap, sinunod, at tinupad ng Poong Jesus Nazareno ang kalooban ng Ama. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos para sa buong sangkatauhan ay nahayag at napatunayan sa pamamagitan ng taos-pusong kababaang-loob ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Kahit na hindi Niya kailangang gawin iyon, ipinasiya pa rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maging masunurin sa kalooban ng Amang nasa langit hanggang sa huli upang patunayan sa sangkatauhan ang Kaniyang dakilang pag-ibig. Tunay Niya tayong minamahal.
Batid ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na magbabata Siya ng maraming hirap, sakit, at pagdurusa kung ipinasiya Niyang tuparin ang mga salita tungkol sa nagdurusang lingkod ng Diyos sa propesiya sa aklat ni Propeta Isaias na inilahad at itinampok sa Unang Pagbasa at ang mga salita sa mga taludtod ng Salmong Tugunan. Subalit, ang dakilang pag-ibig ng Poong Jesus Nazareno ay ang dahilan kung bakit ipinasiya pa rin Niyang tuparin ang mga salitang ito sa Lumang Tipan tungkol sa Kaniyang misyon at pagkakilanlan bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na bigay ng Diyos. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat, buong kababaang-loob na tinanggap, tinupad, at sinunod ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang kalooban ng Ama. Ang mga hirap, sakit, at pagdurusang kaakibat nito ay Kaniyang tinanggap, tiniis, at binata sapagkat tunay Niya tayong minamahal.
Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa simula ng mga Mahal na Araw na minsan tayong sinuyo ng Diyos. Katunayan, kahit sa kasalukuyang panahon, ang Panginoong Diyos ay hindi tumitigil sa panunuyo sa atin sapagkat tunay Niya tayong iniibig. Ang Krus na Banal ng Panginoong Jesus Nazareno ay ang pinakadakilang patunay nito. Dahil sa dakilang pag-ibig, buong kababaang-loob na tinanggap, tinupad, at sinunod ni Jesus Nazareno ang kalooban ng Amang nasa langit, kahit na maraming pagdurusa, sakit, hirap, at kamatayan sa Krus ang kaakibat nito.
Pumasok sa Herusalem ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na nakasakay sa isang asno sapagkat nais Niyang patunayan ang Kaniyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, buong kababaang-loob Niyang hinarap at tinanggap ang Kaniyang Krus na Banal. Ang lahat ng mga hirap, sakit, at pagdurusa hanggang kamatayan ay buong kababaang-loob Niyang binata dahil tayong lahat ay tunay Niyang minamahal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento