PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO
IKALAWANG WIKA (Lucas 23, 43):
"Sinasabi Ko sa iyo: Ngayon di'y isasama Kita sa Paraiso."
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1524) in the Central Image of the Bockstorfer Altar by Christoph Bockstorfer from the Cathedral of Konstanz which was taken by Christoph Bockstorfer is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Habang nakabayubay sa Krus na Banal, hindi lamang ang paglilibak ng Kaniyang mga kaaway ang narinig ng Poong Jesus Nazareno. Narinig rin Niya mula sa Krus ang mga salitang binigkas ng dalawa pang salaring ipinakong kasama Niya. Ipinako ang Poong Jesus Nazareno sa gitna ng dalawang salaring ito (Juan 19, 38). Mula sa mga labi ng dalawang salaring ipinako sa gawing kanan at kaliwa ng Poong Jesus Nazareno sa bundok ng Kalbaryo, namutawi ang dalawang magkaibang hiling. Kung tutuusin, isa lamang sa mga ito ang hiling dahil mas mukhang utos kaysa sa hiling ang binigkas ng isa sa dalawang pahayag na ito.
Narinig ng Panginoong Jesus Nazareno ang pahayag ng dalawang salaring ipinakong kasama Niya sa bundok ng Kalbaryo. Subalit, ang Kaniyang Ikalawang Wika mula sa Banal na Krus ay binigkas Niya bilang tugon sa isa sa mga pahayag ng isa sa dalawang salaring ipinakong kasama Niya. Wala Siyang tugon sa pahayag ng isa. Isa lamang sa dalawang salaring ito ay ipinasiya Niyang kausapin.
Bakit hindi pinansin ng Poong Jesus Nazareno ang mga salitang binigkas ng unang salaring nagsalita sa Kaniya? Wala namang hiniling ang unang salaring ipinakong kasama Niya. Ang unang salaring ipinakong kasama Niya, na kilala sa tradisyon sa pangalang Hestas, ay hindi naman nagpahayag ng isang hiling. Bagkus, isang utos na naglalayong tuyain ang Poong Jesus Nazareno ay binigkas ni Hestas. Hindi lamang iyan. Inutusan pa niyang isama rin sila ng Poong Jesus Nazareno kung sakali mang bumaba Siya mula sa Krus. Ganito ang binigkas ni Hestas sa Poong Jesus Nazareno habang nakayubay sa sarili niyang krus: "Hindi ba Ikaw ang Mesiyas? Iligtas Mo ang Iyong sarili, pati na kami!" (Lucas 23, 39). Sa tono pa lamang nito, alam na nating nakikisakay lamang si Hestas sa mga tumutuya sa Poong Jesus Nazareno. Dagdag pa roon ang kaniyang utos na isama rin silang dalawa sa pagbaba mula sa kanilang mga krus. Ang Poong Jesus Nazareno ay tahimik bilang tugon sa paglilibak na ito.
Ang Ikalawang Wikang ito ay binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno matapos magsalita ang ikalawang salaring kilala sa tradisyon bilang si Dimas. Ipinagtanggol ni Dimas ang Mahal na Poong Jesus Nazareno mula kay Hestas na hindi nagpakita ng kaunting kahihiyan nang ipinasiya niyang makisakay at makisabay sa mga kaaway ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na hindi tumitigil sa kanilang walang awang pagtuya sa Kaniya. Matapos ipagtanggol ang Mahal na Poong Jesus Nazareno mula sa mga pagtutuyang binigkas ni Hestas, buong kababaang-loob na hiniling ni Dimas na siya rin ay isama ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa langit. Bilang tugon, ipinangako ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na isasama Niya si Dimas sa Kaniyang kahariang walang hanggan sa langit, ang tunay na Paraiso.
Ipinasiya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na tugunan si Dimas dahil napakalinaw ang kaniyang kababaang-loob. Batid ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang tunay na hangarin ni Dimas. Nababasa Niya kung ano ang nasa puso at loobin ni Dimas. Sa puso ni Dimas, nakita ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang pagiging taos-puso ni Dimas. Taliwas ito sa nakita ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa puso ni Hestas na wala ni isang katiting ng kababaang-loob o kahit kahihiyan man lamang. Hindi isang tapat, taos-puso, at mapagpakumbabang puso ang nakita ng Poong Jesus Nazareno kay Hestas. Ang nakita ng Poong Jesus Nazareno sa puso at loobin ni Hestas ay isang mapagmataas na puso na walang balak magtika nang taos-puso sa Diyos.
Kahit binigkas ng Poong Jesus Nazareno kay Dimas ang Kaniyang Ikalawang Wika mula sa Krus, ang aral mula sa Ikalawang Wikang ito ay para sa lahat. Ipinapahayag sa atin ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Kaniyang Ikalawang Wika na lagi Siyang handang makipag-usap sa atin. Lagi Siyang handang magsalita sa bawat isa sa atin. Hindi Niya isinasara o ipinipinid ang Kaniyang sarili sa atin. Tayo na mismo ang magpapasiya kung paano natin Siya lalapitan. Magiging katulad ba tayo ni Dimas o ni Hestas? Sino tayo sa dalawang salaring ito?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento