Huwebes, Marso 14, 2024

DUMATING DAHIL TUNAY NIYA TAYONG INIIBIG

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO
IKALIMANG WIKA (Juan 19, 28): 
"Nauuhaw Ako!" 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1610s) Crucifixion by Louis de Caullery (circa 1580–1621), as well as the actual work of art itself from the National Museum in Warsaw, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.


Hindi lamang inilarawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang pisikal na pagkauhaw dulot ng patuloy na pagdaloy ng Kaniyang Dugo sa Kaniyang Ikalimang Wika mula sa Krus. Dahil sa patuloy na pagdaloy ng Kaniyang Banal na Dugo dulot ng mga sugat na Kaniyang tinamo mula noong hinagupit Siya sa haliging bato, mula sa isang koronang tinik, mula sa Krus na hindi biro ang bigat, at mula rin sa mga pakong ginamit upang ipako Siya sa Krus na Kaniyang pinasan, nauhaw ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Labis ang Kaniyang pagkauhaw sa mga sandaling yaon, kung pisikal ang pagkauhaw na tinutukoy. Alam naman ng lahat iyon. 

Bukod sa pisikal na pagkauhaw, may isang malalim na kahulugan ang Ikalimang Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno mula sa Krus na Banal. Nagbigay ng konteksto si San Juan noong nagsulat siya tungkol sa bahaging ito ng kaniyang salaysay ng mga huling sandali sa buhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bago Siya namatay nang tuluyan sa Krus na mababasa natin sa ika-19 na kabanata ng kaniyang Ebanghelyo. Ito ang konteksto ng Ikalimang Wika ng Poong Jesus Nazareno na mababasa natin sa bahaging iyon ng mahabang salaysay ng Kaniyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus sa Ebanghelyo ni San Juan: "Alam ni Hesus na naganap na ang lahat ng bagay; at bilang katuparan ng Kasulatan ay sinabi Niya, 'Nauuhaw Ako!'" (19, 28). Bagamat naghihingalo sa Krus, hindi ipinagkaila ng Poong Jesus Nazareno kung sino Siya. 

Ano naman ang ugnayan ng pagkauhaw ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa mga nasasaad sa Banal na Kasulatan tungkol sa Mesiyas? Nasusulat sa isa sa mga talata sa isa sa mga aklat sa Lumang Tipan: "Sa halip na pagkain, nang Ako'y magutom, ang dulot sa Aki'y mabagsik na lason. Suka at di tubig ang ipinainom" (Salmo 69, 21). Sa pamamagitan ng Ikalimang Wika mula sa Krus na Banal, inihayag ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na Siya mismo ang tinutukoy ng nagpahayag ng mga salitang iyon sa isa sa mga aklat sa Lumang Tipan. Bagamat dumating sa mundong ito bilang isang biyaya mula sa Diyos, hindi Siya tinanggap ng nakararami. 

Napakalinaw namang batid ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang mga nasusulat tungkol sa Kaniya sa Lumang Tipan. Bagamat dumating Siya sa daigdig na ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, hindi Siya tinanggap. Ang mga ginawa laban sa Kaniya noong unang Biyernes Santo ay isang patunay nito. Dahil alam naman Niyang hindi Siya tatanggapin sa Kaniyang pagdating sa mundong ito, maaari na lamang Siya manatili sa langit. Ligtas pa Siya doon. Tanggap pa Siya doon. Sasambahin pa Siya doon ng mga anghel. Maaaring gamitin ang mga salitang ito mula sa Lumang Tipan upang hindi Niya ituloy ang Kaniyang pagdating sa mundo bilang Mesiyas. Sa totoo lamang, nakakapagtaka kung bakit ipinasiya pa rin Niyang dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Diyos, kahit noon pa man ay alam Niyang hindi Siya tatanggapin. 

Kabutihan ang ipinakita ng Poong Jesus Nazareno. Subalit, kasamaan ang iginanti at ibinayad sa Kaniya. Inihayag ng Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang Ikalimang Wika mula sa Krus alam Niyang mangyayari iyon. Habang nakabayubay sa Krus na Banal, ang Poong Jesus Nazareno ay nagpahayag ng kalungkutan dahil hindi Siya tinanggap ng marami, kahit na dumating Siya bilang ipinangakong Manunubos. Nalungkot nang labis ang Poong Jesus Nazareno dahil pilit na isinasara ng marami ang kanilang mga puso sa Kaniya. Hindi Siya pinahalagahan. 

Sa halip na manatili sa langit at hayaang mapahamak ang sangkatauhan, ipinasiya pa rin ng Panginoong Jesus Nazareno na dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos dahil tunay Niya tayong iniibig. Kahit alam Niyang hindi Siya tatanggapin at pahahalagahan, ipinasiya pa rin Niyang dumating upang iligtas tayo dahil tunay Niya tayong minamahal. Ganoon tayo kamahal ni Jesus Nazareno. 

Ipinahayag ng Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang Ikalimang Wika mula sa Krus ang dahilan kung bakit Niya ipinasiyang dumating sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Mahal na mahal Niya tayo. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, ang lahat ng mga hirap, sakit, pagdurusa, lungkot, pait, hapis, at pati na rin ang pisikal na pagkauhaw ay Kaniyang hinarap, tiniis, at binata. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento