26 Marso 2024
Mga Mahal na Araw - Martes Santo
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38
This faithful photographic reproduction of the painting Negación de San Pedro by Antonio Palomino (1655–1726), as well as the actual work of art itself from the Museum of Fine Arts of Córdoba, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in actual countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
"Patuloy kong isasaysay ang dulot Mong kaligtasan" (Salmo 70, 15a). Nakasentro sa mga salitang ito na buong pananalig at lakas na binigkas ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang mga Pagbasa para sa Martes Santo. Ipinagkaloob ng Diyos ang biyayang ito sa atin sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Kaniyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Jesus Nazareno. Hindi ito ipinasiyang gawin ng Diyos dahil napilitan lamang Siya. Bagkus, kusang-loob Niya itong ginawa dahil tunay Niya tayong iniibig, kinahahabagan, at kinaawaan. Ang misteryong ito ay lalo nating pinagtutuunan ng pansin at pinagninilayan nang buong kataimtiman bilang Simbahan pagsapit ng mga Mahal na Araw. Bagamat araw-araw naman natin itong ginagawa bilang Simbahan, lalo natin itong binibigyan ng higit na halaga pagsapit ng mga Mahal na Araw.
Sa unang tingin, hindi halatang nakatuon ang pansin ng Ebanghelyo sa kadakilaan ng biyaya ng pagliligtas ng Diyos dahil itinatampok sa Ebanghelyo para sa Martes Santo ang mga paunang-sabi ng Mahal na Poong Jesus Nazareno tungkol sa pagkakanulo ni Hudas Iskariote at ang tatlong ulit na pagkakaila ni Apostol San Pedro. Ang Poong Jesus Nazareno ay tatalikuran, ilalaglag, iiwanan, at itatakwil ng mga apostol, lalung-lalo na nina Hudas Iskariote at Apostol San Pedro. Higit na masakit para sa Kaniya ang gagawin ni Hudas Iskariote at ni Apostol San Pedro. Ipagkakanulo Siya ni Hudas Iskariote at tatlong ulit Siyang ipagkakaila ni Apostol San Pedro.
Ano naman ang ugnayan ng mga paunang sabi ng Mahal na Poong Jesus Nazareno tungkol sa pagkakanulo ni Hudas Iskariote at ang tatlong ulit na pagkakaila ni Apostol San Pedro sa biyaya ng pagliligtas ng Diyos na pinatotohanan nang buong lakas at pananalig ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan? Hindi ba parang walang ugnayan at koneksyon ang dakilang biyayang inilarawan sa Salmong Tugunan sa mga kaganapang inilarawan sa Ebanghelyo? Paano natin maiuugnay ang pagkakanulo ni Hudas Iskariote at ang tatlong ulit na pagkakaila ni Apostol San Pedro na inihayag at ibinunyag ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo sa dakilang biyaya ng pagliligtas ng Diyos na inilarawan sa Salmong Tugunan?
Makakatulong ang mga salitang inilarawan sa Unang Pagbasa upang maunawaan ang ugnayan ng pinakadakilang biyayang kaloob ng Diyos na inilarawan sa Salmong Tugunan sa mga unang pahayag ng Mahal na Señor na si Jesus Nazareno tungkol sa pagkakanulo ni Hudas Iskariote at sa tatlong ulit na pagkakaila ni Apostol San Pedro sa Ebanghelyo. Inilarawan ang kabiguan ng Israel na lingkod ng Panginoong Diyos sa isang bahagi ng Unang Pagbasa. Subalit, sa kabila ng kabiguan ng Israel, ipinasiya pa rin ng Diyos na gawing Kaniyang instrumento ang Israel upang mahayag ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas. Ito ang grasya ng Panginoong Diyos. Bagamat nabigo nang paulit-ulit ang Kaniyang mga lingkod, lagi silang binibigyan ng Diyos ng pagkakataong makabangon habang patuloy silang namumuhay at naglalakbay sa mundong ito.
Hindi hadlang ang kabiguan. Para sa Panginoon, hindi sapat na dahilan ang kabiguan ng Kaniyang mga lingkod upang pagkaitan sila ng pagkakataong makabangon. Dahil dito, habang patuloy na namumuhay at naglalakbay nang pansamantala sa mundong ito ang Kaniyang mga lingkod, lagi silang pagkakalooban ng Diyos ng pagkakataong makabangon at magtagumpay sa mga sandali ng kabiguan.
Batid ng Diyos na marami tayong mga karupukan at kahinaan bilang mga tao. Hindi tayo perpekto. Lagi tayong nabibigo, nagkakamali, at nagkakasala. Subalit, sa kabila nito, tayong lahat ay laging pinagkakalooban ng Diyos ng pagkakataong makabangon at magtagumpay. Tayo na mismo ang magpapasiya kung ano ang ating gagawin sa mga pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos upang makabangon at magtagumpay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento