Huwebes, Marso 21, 2024

ANG KAPANGYARIHAN NG DAKILANG PAG-IBIG NG DIYOS

29 Marso 2024 
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon 
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16. 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1630 and 1651) Calvary by Jan van den Hoecke (1611–1651), as well as the actual work of art itself from the Wannenes auction of 21 March 2018, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.


"Marami ang nagtila nang [ang lingkod ng Panginoon ay kanilang] makita, dahil sa pagkakabugbog sa Kaniya'y halos di makilala kung Siya'y tao" (Isaias 52, 14). Sa mga salitang ito na nagmula sa unang bahagi ng Unang Pagbasa nakasentro ang taimtim na pagninilay ng Simbahan sa ikalawang araw ng Banal na Tatlong Araw na walang iba kundi ang Biyernes Santo. Ang Biyernes Santo ay ang natatanging araw sa buong taon kung kailan hindi ipinagdiriwang ang pagdiriwang ng Banal na Misa. Inilaan ang Biyernes Santo para sa taimtim na pagninilay sa dakilang pag-ibig ng Diyos para sa atin habang ginugunita natin ang isang nakakalungkot na kaganapan. 

Bagamat hindi ipinagdiriwang ang Banal na Misa tuwing sasapit ang Biyernes Santo taun-taon, mayroong liturhikal na pagdiriwang na idinadaos ang Simbahan sa araw na ito. Nakasentro sa Banal na Krus ng Panginoong Jesus Nazareno ang liturhikal na pagdiriwang ng Simbahan pagsapit ng Biyernes Santo. Sa pamamagitan ng Banal na Krus ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, iniligtas tayo ng Diyos. Ito ang ipinasiyang gawin ng Diyos sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno dahil tayong lahat ay tunay nga Niyang minamahal at pinapahalagahan nang lubos. Kaya naman, gayon na lamang ang ating pagpapahalaga sa Banal na Krus ng Poong Jesus Nazareno bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang Kaniyang itinatag. Ang Krus na Banal ay ang pinadakilang sagisag at tanda ng dakilang pag-ibig ng Diyos. 

Dalawang buong kabanata mula sa Ebanghelyo ni San Juan ang itinatampok sa Banal na Ebanghelyo para sa Biyernes Santo. Ang pagpapakasakit at pagkamatay ng Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ipinagkaloob ng Diyos para sa ikaliligtas ng buong sangkatauhan, ay itinampok sa dalawang kabanatang ito mula sa Ebanghelyo ni San Juan. Sa dalawang buong kabanatang ito na inilaan para sa salaysay ng Pasyong Mahal ng Poong Jesus Nazareno, buong linaw na inilarawan kung paanong ginamit ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kapangyarihan bilang Bugtong na Anak ng Diyos sa mga sandaling yaon. Kahit na lingid ito sa kaalaman at isipan ng Kaniyang mga kaaway, ipinamalas ng Poong Jesus Nazareno, ang Mesiyas at Manunubos na ipinagkaloob ng Diyos, ang Kaniyang kapangyarihan. 

Paano nga ba ipinakita ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kapangyarihan bilang tunay na Diyos sa mga huling sandali ng Kaniyang buhay gayong nagdusa Siya nang labis sa mga sandaling yaon? Hindi ba nagpakasakit at nagdusa Siya nang labis-labis hanggang kamatayan noong unang Biyernes Santo? Katunayan, kung nagpakita Siya ng kahit katiting lamang ng Kaniyang kapangyarihan bilang Diyos na totoo, wala sana Siya sa Krus dahil maililigtas Niya mula sa pagdurusa, pagpapakasakit, at kamatayan ang Kaniyang sarili. 

Oo, sa unang tingin, hindi nagpakita ng kapangyarihan ang Poong Jesus Nazareno sa mga sandaling nagbata Siya ng maraming mapait na hirap, sakit, pagpapakasakit, at pagdurusa hanggang sa sandaling nalagutan Siya ng hininga habang nakabayubay sa Krus. Subalit, ito ang misteryo sa likod ng Krus na Banal ni Jesus Nazareno. Ang Krus na Banal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi sagisag ng kahinaan kundi ng tunay na kapangyarihan. Lingid sa paningin at isipan ng nakararami, ang Panginoong Jesus Nazareno ay nagpamalas ng Kaniyang tunay na kapangyarihan bilang Diyos sa bawat sandali ng Kaniyang pagpapakasakit at pagkamatay. Ipinakita ng Nazarenong si Kristo Hesus sa bawat sandali ng Kaniyang Pasyong Mahal ang kapangyarihan ng dakilang pag-ibig ng Diyos. Dakilang pag-ibig na nagliligtas. 

Kahit napakahina Siya sa pangin ng lahat ng mga nasa Kalbaryo noong araw na iyon, lalung-lalo na sa paningin ng Kaniyang mga kaaway, ipinakita ng Panginoong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, sa isang kakaibang paraan ang tunay Niyang kapangyarihan bilang Diyos na totoo. Ipinamalas ni Jesus Nazareno sa mga sandaling yaon na handa Siyang maging mahina alang-alang sa atin. Upang ang buong sangkatauhan ay mailigtas Niya, ipinasiya ng ipinangakong Mesiyas na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno na maging mahina. 

Ang pagiging "mahina" ng Panginoong Jesus Nazareno sa bawat sandali ng Kaniyang mapait na pagpapakasakit ay ang dahilan kung bakit ipinakilala Siya ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo bilang Dakilang Saserdote sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Bagamat ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay Diyos na totoo, buong kababaang-loob Niyang ipinasiyang magpakita ng "kahinaan" alang-alang sa atin. Nagpakita Siya ng kahinaan sa pamamagitan ng Kaniyang pag-aalay ng buong sarili sa Krus na Banal upang iligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan nito, tinupad ng Diyos ang Kaniyang pangako na inilahad sa propesiya ni Propeta Isaias na Kaniyang hinirang at itinalaga upang ilahad ang Kaniyang mga pahayag sa Kaniyang bayan sa Unang Pagbasa. Patunay lamang ito ng nasasaad sa isa sa mga taludtod sa Salmong Tugunan: "Tagapagligtas kong tapat at totoo" (Salmo 31, 6). Hindi kathang-isip o isang konsepto lamang ang katapatan ng Diyos. Tunay nga Siyang tapat. 

Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, ang Poong Jesus Nazareno ay naging "mahina" alang-alang sa atin. Sa pamamagitan nito, tayong lahat ay Kaniyang iniligtas mula sa kasalanan at kamatayan. Ito ang kapangyarihan ng dakilang pag-ibig ng Diyos. Ang Banal na Krus ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay isang sagisag ng kapangyarihan ng Diyos na tapat sa Kaniyang pag-ibig para sa atin. 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1620 and 1643) Crucifixion by Hans Jordaens III (circa 1595–1643), as well as the actual work of art itself from the Bonhams London auction of 25 October 2017 lot 215, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento