1 Abril 2024
Lunes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 2, 14. 22-33/Salmo 15/Mateo 28, 8-15
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1847) Christ and the two Marys by William Holman Hunt (1827–1910), as well as the actual work of art itself from the Art Gallery of South Australia, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1910. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.
Bihira lamang tumapat sa unang araw ng Abril ang Lunes sa Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Sa sekular na kalendaryo, kilala sa tawag na April Fools' Day ang unang araw ng Abril. Ang araw na ito ay inilaan upang mambiro ng mga tao sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga maling impormasyon o kaya ng mga pekeng balita. Layunin nito ay biglain at gulatin ang ibang tao upang pagtawanan sila kapag nauto at naloko sila. Palabiro ito ginagawa ng marami.
Dalawang kaganapan ang itinampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito, ang Lunes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Tampok sa unang bahagi ng salaysay sa Ebanghelyo ang pagpapakita ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa dalawang Mariang tumungo sa Kaniyang Banal na Libingan na walang iba kundi sina Santa Maria Magdalena at sa isa pang Maria. Sa ikalawang bahagi ng salaysay sa Ebanghelyo, ang mga kawal na nagbabantay sa libingan at ang mga punong saserdote ay nakipagsabwatan. Nagkasundo silang sabihin sa madla na hindi totoong nabuhay na mag-uli ang Panginoong Jesus Nazareno. Bagkus, ninakaw lamang ng mga apostol ang Kaniyang bangkay.
Subalit, taliwas sa paliwanag at balitang ikinakalat ng mga kaaway ni Jesus Nazareno ang ipinahayag ni Apostol San Pedro nang buong kagitingan sa Unang Pagbasa. Hindi ninakaw ang bangkay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bagkus, nabuhay na mag-uli ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ito ang patunay na si Jesus Nazareno ay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ipinagkaloob ng Diyos para sa kaligtasan ng buong sangkatauhan. Ang Mabuting Balitang ito ng kaligtasang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na namatay at muling nabuhay ay walang tigil na ipinapalaganap at pinatotohanan ng Simbahan nang buong sigasig sa kasalukuyang panahon.
Tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Poong Jesus Nazareno. Hindi ito pekeng balita o isang biro na layuning pagtawanan ang ibang tao matapos silang utuin at lokohin sa isang palabirong pamamaraan. Bagkus, ito ang totoo. Oo, namatay nga sa Krus na Banal at inilibing sa Banal na Libingan ang Poong Jesus Nazareno. Subalit, hindi Siya nanatiling patay sa loob ng libingan kundi nabuhay na mag-uli taglay ang buo Niyang kaluwalhatian bilang Diyos na totoo sa ikatlong araw, gaya ng Kaniyang inihayag at ipinangako nang paulit-ulit.
Gaya ng mga apostol at ng mga unang bumuo sa Simbahan na pinangunahan ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa, huwag tayong matakot maging mga saksi ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Sa halip na matakot, dapat maging masigasig tayo sa pagpapalaganap at pagbabahagi ng tunay na galak at pag-asang dulot ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno bilang Kaniyang mga saksi. Hindi tayo dapat matakot dahil lagi Niya tayong iingatan, sasamahan, at tatangkilikin, gaya ng nasasaad sa Salmong Tugunan: "D'yos ko, ang aking dalangi'y ako'y Iyong tangkilikin." Ang pagsasanggalang at pamamatnubay ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ay magdudulot ng tunay na galak at kapanatagan ng loob (Salmo 15, 7. 9).
Hindi ito pekeng balita o hindi nakakatawang biro. Tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Poong Jesus Nazareno! Buong galak natin itong patotohanan sa lahat. Ibahagi rin natin sa kapwa ang tunay na galak at pag-asang Kaniyang kaloob. Aleluya!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento