Sabado, Marso 23, 2024

GALAK AT PAG-ASANG DULOT NG MULING PAGKABUHAY

31 Marso 2024 
Araw ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 117/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1566) La Resurrección by Luis de Morales (1509–1586), as well as the actual work of art itself from the Museo del Prado, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 


Muling nabuhay ang Panginoon! Aleluya! Isa pong Mapagpala at Maligayang Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon sa lahat! 

Para sa Simbahan, ang araw na ito ay ang pinakamahalagang araw ng taon. Higit na mahalaga ito sa iba pang mga araw ng taon. Ang araw na ito ay inilaan ng Simbahan upang ipagdiwang ang pinakadakilang kapistahan sa buong taon na walang iba kundi ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dahil sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno, mayroong kabuluhan at saysay ang ating pananampalataya bilang Kaniyang Simbahan. Ito ang dahilan kung bakit lagi tayo nagkakatipon-tipon linggo-linggo bilang Simbahan. 

Sabi ni Apostol San Pablo sa isa sa kaniyang mga pangaral na kung si Kristo ay hindi nabuhay na mag-uli, "walang kabuluhan ang aming pangangaral at walang katuturan ang inyong pananampalataya" (1 Corinto 15, 14). Ito ang dahilan kung bakit ang mga pangaral ni Apostol San Pedro at San Pablo ay nakasentro sa Muling Nabuhay na si Jesus Nazareno sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa. Nagpatotoo sa harapan ng isang Romanong kapitang si Cornelio si Apostol San Pedro tungkol sa Banal na Krus at Muling Pagkabuhay ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na bigay ng Diyos na walang iba kundi si Jesus Nazareno sa Unang Pagbasa. Sa Ikalawang Pagbasa, ang bagong buhay na kaloob ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay tinalakay ni Apostol San Pablo. Katunayan, nakasentro rin sa temang ito ang kaniyang pangaral na itinampok sa alternatibong Ikalawang Pagbasa kung saan ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay ipinakilala niya bilang Korderong Pampaskuwa (1 Corinto 5, 7). Isa lamang ang dahilan kung bakit ginawa ito ng mga apostol at ang iba pang mga banal na tao katulad na lamang ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro at si Apostol San Pablo - nabuhay na mag-uli si Kristo. 

Inilarawan sa Ebanghelyo kung ano ang nakita nina Apostol San Pedro at San Juan, ang alagad na minamahal, nang makarating sila sa libingan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nakita nilang hiwalay sa mga kayong lino at nakatiklop sa isang tabi ang panyong ginamit bilang pambalot sa ulo (Juan 20, 7). Ang dahilan kung bakit ito ang kanilang nakita nang makarating sila sa libingan ay inilahad sa wakas ng tampok na salaysay - ang Poong Jesus Nazareno ay nabuhay na mag-uli (Juan 20, 9). Dahil dito, mayroong saysay at kabuluhan ang ating pananampalataya bilang Simbahan. 

Buong lakas na inihayag sa Salmong Tugunan: "Araw ngayon ng Maykapal, magalak tayo't magdiwang" (Salmo 117, 24). Isa lamang ang dahilan kung bakit tayong lahat ay nagdiriwang nang buong galak sa araw na ito. Muling nabuhay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Winakasan ng Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang maikling panahon ng pagpatak ng mga luha, dalamhati, at hapis. Pinapalitan Niya ito ng galak at pag-asa dulot ng Kaniyang maluwalhating tagumpay. 

Kasama ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, buong galak nating handugan ng mga awit ng papuri at pagsamba si Jesus Nazareno, ang Panginoong Muling Nabuhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento