Mga Mahal na Araw - Miyerkules Santo
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1600 and 1650) The arrest of Jesus by either Adam de Coster (circa 1586–1643) or Gerard Seghers (1591–1651), as well as the actual work of art itself from the Real Academia de Bellas Artes de San Fernando, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Itinampok sa Ebanghelyo para sa Miyerkules Santo ang dahilan kung bakit kilala rin bilang Miercoles del Espia (Spy Wednesday sa wikang Ingles) ang Miyerkules Santo. Ang kaganapang itinatampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa Miyerkules Santo ay walang iba kundi ang pakikipagsabwatan ni Hudas Iskariote sa Sanedrin. Bumuo ng kasunduan sina Hudas Iskariote at ang Sanedrin. Sa halaga ng 30 pirasong pilak, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ipagkakanulo ni Hudas Iskariote.
Tatlong taong nakasama ni Hudas Iskariote ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa loob ng tatlong taong ito, naging malapit si Hudas Iskariote sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Si Hudas Iskariote ay isa sa 12 apostol, disipulo, at alagad na itinuring na kaibigan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bagamat ang Poong Jesus Nazareno ay tinawag na Guro at Panginoon, itinuring pa rin Niya silang mga kaibigan. Lubos Niya silang pinahalagahan at inibig hindi lamang bilang mga apostol, disipulo, tagasunod, at alagad kundi bilang Kaniya ring mga kaibigan. Subalit, nakakalungkot, hindi rin ito ginawa ni Hudas Iskariote. Sa halip na pahalagahan ang mga taong nakasama niya si Jesus Nazareno, ipinasiya ni Hudas Iskariote na kalimutan, balewalain, at ibasura na lamang ang kaniyang ugnayan kay Jesus Nazareno. Kay dali para kay Hudas Iskariote na limutin, balewalain, at ibasura si Jesus Nazareno.
Ang propesiya ni Propeta Isaias tungkol sa mga hirap, sakit, at pagdurusang titiisin at babatain ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Diyos ay itinampok sa Unang Pagbasa. Sa halip na ipakilala ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos bilang isang makapangyarihan at dakilang Haring lilipol sa Kaniyang mga kaaway, ipinakilala ni Propeta Isaias ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos bilang isang nagdurusang lingkod ng Diyos. Kahit ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay darating bilang pinakadakilang biyayang kaloob ng Diyos, inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ng Kaniyang propetang hinirang na si Isaias na hindi Siya tatanggapin ng lahat. Bagkus, maraming hirap, sakit, at pagdurusa Siyang haharapin, titiisin at babatain sapagkat hindi Siya tatanggapin ng marami.
Dagdag pa rito ang nasasaad sa isa sa mga taludtod sa Salmong Tugunan. Sabi sa isa sa mga taludtod ng awiting inilahad at itinampok sa Salmong Tugunan: "Sa halip na pagkain, nang ako'y magutom, ang dulot sa Aki'y mabagsik na lason. Suka at di tubig ang ipinainom" (Salmo 68, 22). Nakakalungkot, kahit dumating ang Mahal na Poong Jesus Nazareno upang ipalaganap at ibahagi sa lahat ang Kaniyang biyaya, pag-ibig, kabutihan, habag, at awa, ang ibinigay sa Kaniya ng marami bilang kapalit, sukli, at bayad ay hirap, sakit, at pagdurusa. Nakakadurog ng puso.
Kaya naman, noong binigkas ng Nuestro Padre Jesus Nazareno nang malakas na isa sa Kaniyang mga apostol na si Hudas Iskariote ang magkakanulo sa Kaniya habang pinagsasaluhan ang Huling Hapunan, ipinahiwatig Niyang labis Siyang nasaktan sa ginawa ng magkakanulo sa Kaniya na si Hudas Iskariote. Hindi Niya itinago at inilihim ang Kaniyang nararamdaman sa mga sandaling iyon nang malaman Niyang si Hudas Iskariote ang magkakanulo sa Kaniya. Ang mga salitang ito na Kaniyang binigkas ay nagsisilbing salamin ng Kaniyang mga nararamdaman.
Lubusang pinahalagahan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang ugnayan sa mga alagad. Maging sa kasalukuyan, patuloy na pinapahalagahan ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang ugnayan sa bawat isa sa atin. Isa lamang itong patunay na tunay Niya tayong minamahal. Huwag nawa natin itong balewalain, ibaon sa limot, at ibasura. Bagkus, pahalagahan natin ang ugnayang ito nang lubos, gaya ng patuloy na ginagawa ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento