Lunes, Marso 4, 2024

UGNAYANG DAPAT NATING PAHALAGAHAN

PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA - IKATLONG HAPIS 
Ikatlong Hapis: Ang Paghahanap sa Batang Jesus Nazareno sa Templo (Lucas 2, 41-52) 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1524) The Twelve-Year-Old Jesus Teaching in the Temple by Ludovico Mazzolino (1480–1528), as well as the actual work of art itself from Gemäldegalerie, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Ang Batang Poong Jesus Nazareno ay nawala sa loob ng tatlong araw. Sa loob ng tatlong araw na iyon, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay nahapis nang lubusan. Hindi lamang lubos ang kaniyang pagkabalisa sa loob ng tatlong araw na nawala sa kaniyang paningin ang Batang Poong Jesus Nazareno. Bagkus, ang kaniyang puso ay napuspos rin ng hapis, lungkot, at dalamhati. Lubusang ikinahapis at ikinalungkot ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang pagkawala ng Batang Poong Jesus Nazareno. 

Hindi lamang itinampok sa sandaling ito ang labis na pagkabalisa ng isang ina para sa kaniyang anak na minamahal. Likas naman sa isang ina na mabalisa kapag hindi niya alam ang kalagayan ng kaniyang anak dahil hindi sila magkasama. Bagkus, itinampok rin sa nasabing sandali ang pagpapahalaga ng Mahal na Inang si Maria sa kaniyang ugnayan sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Pinahalagahan nang lubusan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang kaniyang ugnayan kay Jesus Nazareno hindi lamang bilang kaniyang Anak na minamahal kundi bilang kaniya ring Panginoon at Diyos. 

Laging sinikap ng Mahal na Inang si Maria na maging tapat sa kaniyang ugnayan sa tunay niyang iniibig, pinananaligan, at sinasamba na walang iba kundi ang Diyos sa bawat sandali ng kaniyang buhay sa lupa. Ang kaniyang taos-pusong pagtanggap at pagtupad sa misyong ibinigay sa kaniya ng Diyos bilang ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay isa lamang patunay nito. Sa kabila ng pagkakilanlan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Bugtong na Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, dahil kalooban ito ng Diyos, gaano mang kahirap itong gawin, ang misyong ito na bigay ng Diyos ay ipinasiya pa ring tanggapin at tuparin ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Para sa Mahal na Inang si Mariang Birhen, nararapat lamang gawin ito bilang tapat na lingkod ng Diyos matapos ang lahat ng mga dakilang bagay na ginawa Niya para sa kaniya katulad na lamang ng pagligtas sa kaniya ng Diyos bago siya isilang sa mundong ito. 

Ikinahapis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang pagkawala ng kaniyang Anak na minamahal na si Jesus Nazareno sapagkat labis niyang pinahalagahan ang kaniyang ugnayan sa Diyos. Ang hapis ng Mahal na Birheng Maria sa sandaling ito ay dulot ng kaniyang katapatan sa Diyos. Dahil sa kaniyang katapatan sa Diyos, nais ng Mahal na Birheng Maria na tuparin nang maayos ang misyong ibinigay sa kaniya. Kahit kailan, hindi niya hinangad na biguin ang Diyos. Nang mangyari ang sandaling ito, ang puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay napuno ng sakit at hapis dahil tunay niyang sinamba, pinananaligan, inaaasahan, at sinampalatayanan ang Diyos nang tapat at taos-puso. Hindi lubusang maunawaan ng Mahal na Birheng Maria kung bakit hindi ligtas mula sa mga pagsubok sa buhay katulad nito ang mga lingkod na hinirang ng Diyos. Isa lamang ang hangarin ni Maria - huwag biguin ang Diyos. 

Subalit, sa kabila ng pagsubok na ito, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay hindi nawalan ng pananalig sa Diyos. Ang pananalig ng Mahal na Birheng Maria sa Diyos ay hindi natinag dahil sa pagsubok na ito. Bagkus, lalo pang lumakas ang pagkapit ng Mahal na Birheng Maria sa Diyos. Kahit puno ng hapis, lungkot, at sakit sa sandali ng pagsubok, sa Diyos pa rin nanalig at umasa nang buong puso ang Mahal na Birhen. 

Pinaalalahanan tayo ng Ikatlong Hapis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen tungkol sa isang napakahalagang aral na hindi natin dapat limutin. Mayroong isang ugnayang dapat nating pahalagahan nang higit sa lahat ng bagay. Ito ay walang iba kundi ang ating ugnayan sa Diyos. Ang ating tapat at taos-pusong pagtanggap at pagtupad sa kalooban ng Diyos para sa atin at ang pagkapit natin sa Kaniya sa gitna ng mga hirap, tiisin, sakit, hapis, lungkot, at pagdurusa sa buhay dito sa mundo ang magpapatunay ng ating tapat at taos-puso nating pananalig at pagsamba sa Kaniya. Kapag ito ang ipinasiya nating pagsikapang gawin sa bawat sandali ng ating buhay sa mundong ito, mapapatunayan nating lubos nating pinahahalagahan ang ating ugnayan sa Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento