Huwebes, Marso 21, 2024

WALANG SINAYANG NA KAPANGYARIHAN

28 Marso 2024 
Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon 
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23-26/Juan 13, 1-15 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1620) La Última Cena by Luis Tristán (1586–1624), as well as the actual work of art itself from the Museo del Prado, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.

"Alam ni Hesus na ibinigay na sa Kaniya ng Ama ang buong kapangyarihan; alam din Niyang Siya'y mula sa Diyos at babalik sa Diyos" (Juan 13, 3). Nakasentro ang mga Pagbasa para sa pagdiriwang ng Simbahan sa Takipsilim ng Huwebes Santo sa mga salitang ito mula sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Katunayan, ang mga salitang ito mula sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo ay maaaring ituring na isang maikling buod at paliwanag ng ginugunita ng Simbahan sa Banal na Tatlong Araw. Sa loob ng tatlong araw na ito, gugunitain, sasariwain, at ipagdiriwang ng Simbahan sa buong daigdig ang dakilang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan na inihayag Niya sa lahat sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak na Kaniyang isinugo sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na magdudulot ng kaligtasan sa lahat. 

Itinatampok ng Simbahan sa unang araw ng Banal na Tatlong Araw na Pagdiriwang ng Pagpapakasakit at Pagkabuhay ang Huling Hapunan. Noong bisperas ng Kaniyang kusang-loob na paghahandog ng sarili sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo, ang Panginoong Jesus Nazareno ay nagdiwang ng Paskuwa kasama ang Kaniyang mga alagad. Dumulog Siya sa hapag ng silid na inilarawan Niya sa mga apostol na kilala rin sa tawag na senakulo upang ipagdiwang at pagsaluhan ang Hapunang Pampaskuwa kasama nila. Sa mga sandaling yaon, puspos ng takot, hapis, lungkot, at dalamhati ang Panginoong Jesus Nazareno dahil sa nalalapit Niyang Pasyon. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ang kasaysayan ng Hapunang Pampaskuwa. Inilaan ang pagdiriwang ng Paskuwa sa paggunita sa paglaya ng mga Israelita mula sa Ehipto. Dahil sa pag-ibig, habag, at awa ng Panginoong Diyos, ang mga Israelita sa Ehipto ay ipinasiya Niyang palayain mula sa pagkaalipin. Winakasan ng Panginoong Diyos ang napakahabang panahon ng pamumuhay ng mga Israelita sa Ehipto bilang mga alipin. Binago ng Diyos ang kanilang kalagayan. Mula sa pagiging mga alipin sa Ehipto, ang mga Israelita noon ay tuluyang lumaya. 

Bilang mga Hudyo, ipinagdiwang rin ng Panginoong Jesus Nazareno at ng mga alagad ang Hapunang Pampaskuwa. Subalit, sa Hapunang Pampaskuwang ipinagdiwang at pinagsaluhan noong gabing yaon, ang Huling Hapunan, ipinakita ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kapangyarihan bilang tunay na Diyos sa pamamagitan ng dalawang bagay na Kaniyang ginawa. Ang dalawang bagay na ito ay itinampok sa Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo. Una, gaya ng inilarawan ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral na inilahad sa Ikalawang Pagbasa, ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya na siyang pinakamataas na uri ng panalangin ay itinatag ng Nazareno. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Eukaristiya, ang Poong Jesus Nazareno ay laging dumarating sa anyo ng tinapay at alak upang ang Kaniyang sarili ay muling ihandog, gaya ng Kaniyang ginawa sa bundok ng Kalbaryo na atin ring ginugunita bilang isang Simbahan sa tuwing ipinagdiriwang ang Sakramentong ito. Ikalawa, ang mga paa ng mga apostol ay Kaniyang hinugasan, gaya ng inilarawan sa Ebanghelyo. Kababaang-loob ang ipinakita ni Jesus Nazareno sa pamamagitan ng gawang ito upang ituro ang halaga nito sa kanila habang tinutularan nila Siya. 

Marahil may mga magtataka kung paano ginamit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kapangyarihan bilang Bugtong na Anak ng Diyos at Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo sa Kaniyang mga ginawa sa Huling Hapunan. Hindi ba parang sinayang lamang ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kapangyarihan bilang tunay na Diyos? Nasaan ang Kaniyang kapangyarihan sa mga gawang iyon? 

Lingid sa kaalaman ng nakararami, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagpakita ng Kaniyang kapangyarihan sa pamamagitan ng mga gawang iyon. Ipinakita Niya sa pamamagitan ng mga gawang ito ang kapangyarihan ng Kaniyang dakilang pag-ibig. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, ipinasiya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na iligtas tayong lahat mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Kaniyang kababaang-loob na inihahayag ng Kaniyang Misteryo Paskwal, ang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. 

Kaya naman, bilang mga binubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Mahal na Poon, sa tuwing tinatanggap natin ang Katawan at Dugo ni Kristo sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa, dapat tayong maging bukas sa pagbabagong Kaniyang hatid sa ating lahat na tunay nga Niyang iniibig, kinahahabagan, at kinaawaan nang lubusan. Dapat tayong maging mga daluyan ng pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Poong Jesus Nazareno. Ito ang bagong buhay na inaalok sa atin ni Jesus Nazareno sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa kung saan tinatanggap natin ang Kaniyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo sa Pakikinabang o Komunyon. Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan: "Sa kalis ng pagbabasbas, si Kristo ang tinatanggap" (1 Corinto 10, 16). Sa pamamagitan ng Banal na Eukaristiya, binabago ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang bawat isa sa atin na tumatanggap sa Kaniyang Katawan at Dugo. Ibinibigay rin ng Nazareno sa atin sa pamamagitan nito ang ating misyon bilang mga Kristiyano na maging Kaniyang mga salamin sa kapwa. 

Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa atin, ginamit ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kapangyarihan bilang Diyos upang ipahayag sa atin ang Kaniyang pag-ibig na dakila para sa atin. Ang Kaniyang kababaang-loob na inihahayag ng Kaniyang Misteryo Paskwal ay ang patunay nito. Lagi Niya ito ipinapaalala sa bawat isa sa atin sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa kung saan lagi Siya dumarating sa anyo ng tinapay at alak upang ibigay sa atin ang ating misyon na ipalaganap ang Kaniyang pag-ibig, habag, kagandahang-loob, at awa sa tuwing ibinibigay Niya ang Kaniyang Katawan at Dugo. 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1580s) Christ Washing the Feet of the Disciples by Paolo Veronese (1528–1588), as well as the actual work of art itself from the National Gallery Prague via the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento