4 Abril 2024
Huwebes sa Walong Araw na Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 3, 11-26/Salmo 8/Lucas 24, 35-48
This faithful photographic reproduction of the painting (Between c. 1625 and c. 1626) The Appearance of Christ to his Disciples by Anthony van Dyck (1599–1641), as well as the actual work of art itself from the Hermitage Museum, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Naksentro muli sa kapangyarihan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang mga Pagbasa para sa araw na ito. Habang buong galak nating ipinagdiriwang ang rurok at sentro ng ating pananampalataya bilang Kaniyang Simbahan, ipinapaalala sa atin ng Simbahan na hindi dapat nating sarilinin ang galak na ito. Bagkus, dapat natin itong ibahagi at ipalaganap sa lahat. Ipinapakilala natin si Kristong Muling Nabuhay sa lahat sa pamamagitan nito.
Buong linaw na isinalungguhit ni Apostol San Pedro sa kaniyang pangaral sa mga tao na inilahad sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa na hindi gumaling ang lalaking ipinanganak na lumpo dahil sa kaniya. Ang nagpagaling sa lalaking ipinanganak na lumpo ay walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Si Apostol San Pedro ay isa lamang instrumento ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Tinupad lamang ni Apostol San Pedro ang kaniyang tungkulin bilang isang instrumento ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Kumilos ang Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno sa pamamagitan ni Apostol San Pedro.
Ang kapangyarihan ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno na nagpakita sa mga apostol sa Ebanghelyo ay nagdulot ng kagalingan sa lalaking ipinanganak na lumpo sa Unang Pagbasa. Hindi ito isang bagong gawain. Bagkus, noon pa man, bago pa man Siya dumating sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, paulit-ulit Niya itong ginawa. Marami Siyang mga ginawang kahanga-hangang bagay. Sa mga kahanga-hangang gawaing ito nakatuon at nakasentro ang patotoo ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Hindi Siya tumitigil sa paggawa nito.
Tayong lahat ay inaanyayahan ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno na maging Kaniyang mga instrumento at salamin. Sa pamamagitan natin, ipapamalas sa lahat ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Kaniyang tunay na kapangyarihan bilang Diyos na maawain, mahabagin, at mapagmahal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento