Lunes, Marso 4, 2024

HINDI LIGTAS MULA SA HAPIS

PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA - IKAAPAT NA HAPIS 
Ikaapat na Hapis: Ang Pagtatagpo sa Daan patungong Kalbaryo 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1612) Encuentro del Nazareno con su madre by Francesc Ribalta (1565–1628), as well as the actual work of art itself from the Museu de Belles Arts de València, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 

Ang unang tatlong hapis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay naganap sa iba't ibang sandali sa kabataan ng Poong Jesus Nazareno. Sa Unang Hapis at Ikalawang Hapis ng Mahal na Birheng Maria, ang Panginoong Jesus Nazareno ay isang Sanggol pa lamang. Nang mangyari ang kaganapang itinampok sa Ikatlong Hapis ng Mahal na Birheng Maria, 12 taong gulang ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Subalit, sa mga kaganapang itinampok sa Ikaapat hanggang sa Ikapitong Hapis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, 33 taong gulang na ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Bukod pa roon, ang mga kaganapang itinampok mula sa Ikaapat hanggang sa Ikapitong Hapis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay naganap sa loob lamang ng isang araw. Ang lahat ng mga naganap sa araw na iyon ay nagdulot ng matinding hapis kay Maria. 

Noong unang Biyernes Santo, kaliwa't kanan ang mga sandaling nagdulot ng sakit, hapis, lungkot, at dalamhati sa puso ng Mahal na Birheng Maria. Kaliwa't kanan ang mga sandaling naghatid ng hapis sa Mahal na Birheng Maria. Tila walang sapat na panahon para sa Mahal na Birheng Maria na iproseso ang lahat ng mga nagaganap sa kaniyang paligid noong araw na iyon. Sunod-sunod ang mga pangyayaring ito. Isa rito ay noong makatagpo at makasalubong niya sa daang patungong Kalbaryo ang kaniyang minamahal na Anak na si Jesus Nazareno na nagpapasan ng Krus. 

Tiyak na naroon rin ang Mahal na Inang si Mariang Birhen sa labas ng pretoryo noong pormal na hinatulan ng kamatayan ang Panginoong Jesus Nazareno. Habang naroon, nasaksihan ng Mahal na Birheng Maria kung paanong sinubukan ni Poncio Pilato na kumbinsihin ang mga tao na walang kasalanan ang Poong Jesus Nazareno. Iyon nga lamang, kahit ano pang gawin ni Pilato, si Barrabas ay pinalaya alinsunod sa hiling ng mga taong naroon. Labis na nasaktan si Maria nang marinig ang mga malalakas na sigaw ng mga tao. Nasaktan si Maria sapagkat isang kilalang mamamatay-taong si Barrabas ang pinili ng mga tao. 

Subalit, walang makahihigit pa sa sakit dulot ng sandaling nakatagpo niya sa daang patungong Kalbaryo ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Nakita niya nang malapitan ang kaniyang minamahal na Anak na labis na nahihirapan dulot ng matinding sakit, hirap, at pagdurusa habang pinapasan Niya ang Krus na Banal patungong Kalbaryo. Walang tigil ang Kaniyang pagdurugo mula noong hinampas Siya ng latigo sa haliging bato at pinatungan Siya ng koronang tinik. Labis ang hapis ni Maria nang makita niya nang malapitan si Jesus Nazareno na nagdurugo at nagdurusa. 

Batid ng Mahal na Birheng Maria na isa itong bahagi ng misyon ng kaniyang Anak na minamahal na si Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Subalit, hindi ito nangangahulugang nauunawaan niya nang lubusan kung bakit kinailangan itong gawin ng Panginoong Jesus Nazareno. Lalong hindi siya naging ligtas mula sa sakit at hapis dala ng sandaling ito. Kahit na alam ni Maria na isa itong bahagi ng misyon ng Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas, hindi ito nangangahulugang wala na siyang mararamdamang sakit at hapis dulot ng pangyayaring ito na napakasakit. 

Ipinapaalala muli sa atin ng Ikaapat na Hapis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen na hindi ligtas ang mga tapat na lingkod ng Diyos mula sa mga hirap, sakit, pagdurusa, tiisin, hapis, at dalamhati sa buhay. Kung ang mismong Bugtong na Anak ng Diyos na si Jesus Nazareno ay hindi naging ligtas mula sa Krus, tayo pa kaya na itinalaga ng Diyos upang maging Kaniya ring mga anak sa pamamagitan ni Jesus Nazareno? Ang paglilingkod sa Diyos nang tapat at taos-puso sa bawat sandali ng ating buhay sa daigdig na ito ay hindi isang daan o landas upang makatakas tayo mula sa iba't ibang uri ng hirap, sakit, pagdurusa, tiisin, hapis, at dalamhati sa buhay. Subalit, sa kabila ng mga ito, kasama natin ang Diyos at ang Mahal na Ina. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento