PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA - IKALAWANG HAPIS
Ikalawang Hapis: Ang Pagtakas sa Ehipto (Mateo 2, 13-15)
This faithful photographic reproduction of the painting (c. first quarter of the 17th century) The Flight into Egypt by Johann Liss (–1629), as well as the actual work of art itself from the National Museum in Kielce, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Bagamat ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay isang sanggol pa lamang sa mga sandaling tumakas ang Banal na Pamilya mula Betlehem patungong Ehipto, mayroon na'ng mga nagbabanta sa Kaniyang buhay. Katunayan, ang banta laban sa Kaniya na isang munting sanggol pa lamang ay ang bukod tanging dahilan kung bakit tumakas patungong Ehipto ang Banal na Pamilya. Ang Poong Jesus Nazareno ay dumating sa mundong ito bilang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, ipinagkaloob Siya bilang ipinangakong Mesiyas. Subalit, hindi naging mulat sa katotohanang ito ang ilan gaya ni Haring Herodes.
Para kay Haring Herodes, ang Poong Jesus Nazareno ay isang malaking banta laban sa kaniyang pagkahari. Isa lamang ang dahilan kung bakit ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay isang malaking banta sa paningin ni Haring Herodes. Sakim siya. Ayaw bitawan at pakawalan ni Haring Herodes ang kaniyang kapangyarihan bilang hari. Ito ang dahilan kung bakit nais niyang ipapatay ang Poong Jesus Nazareno. Gagawin ni Haring Herodes ang lahat ng kaniyang makakaya upang tiyaking wala siyang karibal o kaagaw sa kaniyang trono at kapangyarihan. Ang kasakiman ni Haring Herodes ay kaniyang ipinakita sa kaniyang pasiyang ipapatay ang lahat ng mga batang lalaking may dalawang taong gulang pababa sa Betlehem (Mateo 2, 16). Upang makatiyak na wala siyang magiging kaagaw sa trono, ito ang ipinasiyang gawin ni Haring Herodes.
Hindi lamang ikinahapis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang panganib at banta laban sa minamahal niyang Anak na si Jesus Nazareno. Oo, ang panganib at banta sa buhay ng Panginoong Jesus Nazareno ay isa sa mga dahilan kung bakit ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay napuspos ng hapis sa mga sandaling iyon. Hindi niya nais malagay sa panganib ang buhay ng minamahal niyang Anak na walang iba kundi si Jesus Nazareno. Subalit, hindi lamang iyon ang dahilan ng kaniyang pagkahapis sa oras at sandaling ito. Ikinahapis rin ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang kawalan ng pagpapahalaga sa biyaya ng Diyos. Si Jesus Nazareno ay dumating sa lupa bilang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos. Iyon nga lamang, sadyang may mga katulad ni Haring Herodes na nagpasiyang magbulag-bulagan sa katotohanang ito.
Ang hapis ng Mahal na Birheng Maria sa sandaling ito ay bunga ng kaniyang tapat at dalisay na pag-ibig para sa Diyos. Dahil sa kaniyang tapat at dalisay na pag-ibig para sa Diyos, binuksan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang kaniyang sarili sa Diyos. Inihandog ng Mahal na Birheng Maria sa Diyos ang buo niyang sarili bilang tanda ng kaniyang tapat, dalisay, at taos-pusong pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Diyos. Labis na ikinahapis ng Birheng Maria ang katotohanang mayroong mga ayaw maging bukas sa biyaya ng Diyos dahil sa kasakiman. Sa halip na buksan ang sarili sa Diyos, may mga nagpasiyang isara ang pintuan ng kanilang mga puso dahil sa kasakiman gaya na lamang ni Haring Herodes.
Tunay ngang tapat at taos-puso ang pag-ibig ng Mahal na Inang si Mariang Birhen para sa Diyos. Dahil sa tapat, dalisay, at taos-pusong pag-ibig ng Mahal na Inang si Mariang Birhen para sa Diyos, ang kaniyang puso at sarili ay kaniyang binuksan at inialay sa Diyos. Sa pamamagitan nito, pinahintulutan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang Diyos na maging hari ng kaniyang buhay.
Itinuturo sa atin ng Mahal na Inang si Mariang Birhen kung paanong ibigin ang Diyos nang tapat, dalisay, at taos-puso. Buksan ang puso at sarili sa Diyos. Ang buong puso at sarili ay ihandog sa Diyos. Tanggapin, tuparin, at sundin ang kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan nito, inihahayag natin ang ating pagtanggap sa Diyos bilang tunay na Hari ng ating buhay. Kapag ito ang ipinasiya nating gawin, mapapatunayang totoo, dalisay, at taos-puso ang ating pag-ibig at pagsamba sa Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento