PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA - IKAANIM NA HAPIS
Ikaanim na Hapis: Ibinaba mula sa Krus ang Poong Jesus Nazareno
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1635 and 1645) Pièta with St John the Evangelist by Cornelis Schut (1597–1655), as well as the actual work of art itself in the Gallery Lowet de Wotrenge, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Matapos mamatay sa Krus ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Kaniyang bangkay ay ibinaba mula sa Krus upang mailibing. Ang pagbabata ng hapis at sakit ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay nagpatuloy sa pamamagitan ng sandaling ito na itinatampok sa kaniyang Ikaanim na Hapis. Matapos masaksihan ang paghihingalo ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Krus, muli na namang nadurog ang puso ng Mahal na Birheng Maria nang ibaba mula sa Krus ang bangkay ng kaniyang Anak na minamahal. Bagamat hindi hinangad ng Mahal na Birheng Maria na mamatay ang kaniyang Anak na minamahal na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno, nangyari pa rin iyon sapagkat ito ay isang bahagi ng plano ng Diyos para sa ikaliligtas ng sangkatauhan. Ang planong ito ng Diyos para sa ikaliligtas ng sangkatauhan ay tinanggap ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, kahit hindi biro ang sakit at hapis dulot nito sa kaniyang puso.
Ang sandaling itinampok sa Ikaanim na Hapis ng Mahal na Birheng Maria na walang iba kundi ang pagbaba sa bangkay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno mula sa Krus ay ang ikatlong sandali noong unang Biyernes Santo na naghatid ng matinding hapis at sakit sa puso ng Mahal na Birheng Maria. Hindi biro ang pinagdaanan ng Mahal na Birheng Maria noong araw na iyon. Sunod-sunod at walang tigil ang mga hapis at sakit na binata ng Mahal na Birheng Maria noong unang Biyernes Santo. Nasa harap niya ang bangkay ng tunay niyang inibig nang higit sa lahat, ang Poong Jesus Nazareno na kaniyang Anak.
Inilalarawan ng mga imahen at larawan ng Pieta ang hapis at sakit ng Mahal na Inang si Mariang Birhen nang ibaba mula sa Krus ang kaniyang minamahal na Anak, ang Poong Jesus Nazareno. Tinutulungan tayo ng mga larawan o imaheng ito ng Pieta upang lalo pa nating maunawaan ang matitinding hapis at sakit na binata ng Mahal na Birheng Maria sa mga sandaling iyon. Bilang Ina ng Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas, labis na nasaktan ang Mahal na Inang si Maria nang kaniyang makita ang bangkay ng kaniyang Anak. Katunayan, ang bangkay ng Poong Jesus Nazareno na kaniyang Anak ay hindi lamang niya nakita kundi kinalong pa. Napakasakit ito para kay Maria.
Wala sa mga plano ng Mahal na Inang si Mariang Birhen na kalungin ang bangkay ng kaniyang minamahal na Anak. Hindi hinangad ng Mahal na Birheng Maria na makitang mamatay sa Krus si Jesus Nazareno, kahit na bahagi ito ng plano ng Diyos. Subalit, dahil bahagi ito ng plano ng Diyos, walang magawa si Maria. Dahil dito, ang sandaling ito ay tunay nga namang napakasakit para sa Mahal na Birheng Maria. Sa mga sandaling iyon, naranasan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang ayaw maranasan ng mga magulang, lalung-lalo na ng mga ina. Ang bangkay ng Anak niyang minamahal ay kinalong niya.
Nakakadurog ng puso ang sandaling ito para sa Mahal na Birheng Maria. Tunay niyang minahal ang kaniyang Anak na minamahal. Kahit na niloob ng Diyos na mamatay bilang handog ang Kaniyang Bugtong na Anak na naging Anak rin ng Mahal na Inang si Maria sa sandaling dumating Siya sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, hindi ito ibig sabihing naging manhid ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. Bagkus, nasaktan pa rin ang Mahal na Inang si Maria nang mamatay sa Krus ang kaniyang Anak. Patunay lamang ito ng tapat na pag-ibig ng Mahal na Inang si Mariang Birhen para sa Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang kaniyang Anak.
Kahit na bahagi ng plano ng Diyos ang paghahandog ng sarili ng Poong Jesus Nazareno sa Krus para sa ikaliligtas ng sangkatauhan, hindi nagpakamanhid ang Mahal na Birheng Maria sa sakit at hapis dulot ng kaganapang ito. Hindi niya sinubukang itago at ipagkait ang matitinding sakit at hapis dulot ng kamatayan ng kaniyang Anak. Bagkus, dahil sa tunay at tapat niyang pag-ibig para sa Poong Jesus Nazareno bilang Kaniyang Mahal na Ina, ipinasiya ng Mahal na Birheng Maria na makiisa sa pagbabata ng maraming sakit, hirap, at pagdurusa ng minamahal niyang Anak na si Jesus Nazareno sa pamamagitan ng pagbabata ng matinding sakit at hapis dulot ng pagsaksi sa kaganapang ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento