PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA - IKALIMANG HAPIS
Ikalimang Hapis: Sa Paanan ng Krus (Juan 19, 25-27)
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1600 and 1625) Crucifixion by an anonymous painter, as well as the actual work of art itself from the National Museum in Warsaw, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Ang Ikalimang Hapis ng Mahal na Birheng Maria ay ang pangalawang hapis sa apat na hapis na kaniyang binata dulot ng mga masasakit at malulungkot na kaganapan noong unang Biyernes Santo. Matapos makatagpo ang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa daan patungong Kalbaryo, nasaksihan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang paghihingalo ng kaniyang minamahal na Anak na si Jesus Nazareno na nakabayubay sa Krus. Hindi biro ang hapis na binata ng Mahal na Birheng Maria sa bawat sandaling naghihingalo sa Krus ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dahil sa tindi ng sakit, pighati, at hapis dulot ng sandaling ito, nadurog ang puso ng Mahal na Birheng Maria.
Hindi naisin ng mga ina na masilayan ang mga huling sandali ng buhay ng kanilang mga anak. Napakasakit na nga para sa mga ina na makitang labis na nasasaktan ang kanilang mga anak, iyon pa kayang mga huling sandali ng buhay ng kanilang mga anak. Wala ni isang ina ang maghahangad ng ganoon para sa kanilang mga anak. Ang lahat ay handa nilang gawin mailayo lamang mula sa peligro ang kanilang mga anak. Dahil sa kanilang pag-ibig, titiyakin nilang nasa mabuti at maayos na kalagayan ang kanilang mga anak sa lahat ng oras. Ganoon ang pag-ibig ng mga magulang, lalo na ng mga ina.
Bilang Ina ng Diyos na nagkatawang-tao na walang iba kundi si Jesus Nazareno, tunay ngang inibig ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang kaniyang minamahal na Anak. Ang pag-ibig na ito ng Mahal na Birheng Maria para sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang dahilan kung bakit labis siyang nasaktan nang makita niyang nakapako sa Krus ang kaniyang minamahal na Anak. Katunayan, ito ang dahilan kung bakit ang unang Biyernes Santo ay ang pinakamasakit at pinakamalungkot na araw para sa Mahal na Ina. Walang tigil ang hapis ng Mahal na Birhen noong araw na iyon. Kahit na hinirang at itinalaga ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, walang magawa ang Mahal na Birheng Maria upang iligtas ang kaniyang Anak.
Napakasakit para sa Mahal na Birheng Maria na masaksihan ang mga huling sandali sa buhay ng kaniyang Anak na minamahal na nakabayubay sa Krus. Kahit pinahintulutan ng Diyos na mangyari ito, napakasakit pa rin ito para sa Mahal na Birheng Maria. Labag sa kalooban ng Mahal na Birheng Maria na makitang unti-unting nag-aagaw-buhay sa Krus ang kaniyang minamahal na Anak na si Jesus Nazareno. Walang magawa si Maria upang ilayo at iligtas ang kaniyang Anak na minamahal na si Jesus Nazareno. Noong bata pa si Jesus Nazareno, nailalayo pa Siya ni Maria mula sa kapahamakan. Iningatan at inalagaan si Jesus Nazareno ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Subalit, sa bundok ng Kalbaryo, walang magawa ang Mahal na Birheng Maria para kay Jesus Nazareno. Hindi sapat ang mga salita upang ilarawan na binata ng Mahal na Birheng Maria sa mga sandaling iyon habang nasasaksihan niyang namamatay sa Krus ang Poong Jesus Nazareno.
Isang patotoo ng tapat na pag-ibig ng Mahal na Inang si Mariang Birhen para sa Mahal na Poong Jesus Nazareno na kaniyang minamahal na Anak ang kaniyang pasiya sa mga sandaling iyon. Alam ni Maria na wala siyang magagawa upang iligtas ang Panginoong Jesus Nazareno sa mga sandaling iyon dahil ito ay bahagi ng kalooban ng Diyos. Kaya, sa katahimikan, nagbata rin ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ng matitinding hirap, pagdurusa, sakit, lungkot, at hapis bilang pakikiisa sa pagpapakasakit at pagkamatay ng minamahal niyang Anak na si Jesus Nazareno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento